Friday, October 16, 2009

Ang Huli.

Ang responsibilidad ng isang tagapagsalaysay: kung kailan ibubunyag ang lihim ng bawat kuwento. Nang hindi nagagalit ang kaniyang mga tagapakinig o mambabasa.

Ito ang binanggit ni Esteban na paglalarawan sa kanyang ikinukuwento. Sa palagay ko at gaya ng mga sinulat ko sa nakaraan, ito din ang nais ipahiwatig ni Alvin Yapan tungkol sa kanyang kuwento. Ang akdang Ang Sandali ng mga Mata ay isang epikong alamat, isang mahabang kuwento kung saan sakop ang nakaraan, sa pamamagitan ng pagsasalaysay ng ibang mga alamat at mito, ang kasalukuyan, sa pamamagitan ng pagkukuwento sa mga nagaganap na pangyayari sa bayan ng Sagrada at sa Maynila, at pati ang kinabukasan, dahil sa abilidad ni Esteban.

Gumagamit nito ng mga modernong paraan ng pagkukuwento tulad ng kabalintunaan at realismo, at ang mga karakteristik ng isang tradisyunal na akda, tulad ng pagging idealistiko ng pagmamahal (ngunit may ilan ring elementong moderno sa paksa ng pag-ibig) at paggamit ng alamat tungkol sa kalikasan. Isa itong akdang Filipino, at ang pinakamataas na antas nito, dahil hindi lang ito nagugustuhan ng mga mambabasa kundi napag-iisipan na rin, (at least in my case).

Kung may natutuhan ako sa pagbabasa ng ASNMM, ito yun: Mahalagang-mahalaga ang nakaraan, at hindi natin kayang paalisin ang kahalagahan nito sa ating buhay. Magkaugnay ang nakaraan at ang kasalukuyan, at sa palagay ko ang isang matalino at matagumpay na tao ay natututo sa kanyang nakaraan. Inilalarawan ito sa ika-19 kabanata, Ang Alamat ng Lilang Takay, kung saan inihambing ni Esteban ang alamat ni Handiong kay Nene. May paralelismo sa pagitan ng mga pangyayari sa alamat at sa totoong buhay, gaya ng may paralelismo din ang nakaraan sa kasalukuyan.

May kamalayan naman ang mga tauhan ng ASNMM tungkol sa kanilang nakaraan, ngunit hindi sila natututo, kaya umulit lang nang umulit ang mga pangyayari na parang isang siklo. Si Selya ay naging masamang ina kay Nene, at sa ibang paraan, ngunit dulot ng magkaugay na pagkakamali, naging masamang ina din si Nene kay Boboy.

Nasabi ko na nagustuhan ko ang akda, ngunit medyo nabigo ako sa wakas. Hindi natin nalaman kung bakit pinagtaksilan ni Estela si Boboy o kung kanino. Hindi tayo sigurado sa kinahinatnan ni Nene. Hindi natin nakita ang bahaging ginampanan ni Oryol sa kuwento. Medyo kulang sa akin ang konklusyon, ngunit masasabi ko na intensyunal ito, dahil sa totoong buhay hindi basta-basta’y nalulutas ang mga problema.

Huling salita tungkol sa akda: Paano ba nanganganak ang isang alamat? Tanong ni Esteban. Sa palagay ko sinagot niya ang sarili niyang tanong sa paggagawa ng alamat para sa kaluluwa. Gumawa siya ng kuwento dahil hindi niya alam kung ano ba talaga ang nangyayari sa kanya. Gumagawa tayo ng alamat upang ipaliwanag ang isang bagay na mahirap intindihin.

No comments:

Post a Comment