Monday, August 31, 2009

Kabanata 13 at 14: Tungkol sa Isang Hindi-inaasahang Himala, at ang Kunwaring Pag-unlad



Dalawang maikling kabanata, ngunit dalawang kabanata na maaaring pagkukunan ng ilang mahahalagang kaisipan tungkol sa kabuuang akda. Sa palagay ko, ang ikalabing-tatlong at ang ikalabing-apat na kabanata ay ang huling mga hakbang bago ang climax ng kuwento.


******

Sa Ang Himala ng Birhen, ikinuwento ni Esteban kay Boboy ang nangyari noong nagkasakit siya. Walang pera noon si Nene upang gamutin si Boboy. Hindi rin siya lumapit kay Esteban na arbularyo dahil hindi ata siya naniniwala sa kanyang kakayahan. Ang ginawa na lang ni Nene ay dalhin ang kanyang anak sa Naga upang puntahan ang katedral doon, kung saan may nagaganap na prusisyon para sa Birhen ng Peñafrancia.

Inilarawan nang mabuti ng awtor ang mga nangyari sa parada at prusisyon. Sobrang daming tao, iba’t-ibang uri: matanda’t bata, babae’t lalaki, lahat ay nagsama-sama sa mga kalsada upang panoorin ang parada para sa Birhen. Napansin ko rito ang bahaging kung saan binabanggit ang mga bagay-bagay na pinagtutuunan ng pansin ng mga tao sa parada (lobo, hikaw, singsing...novena, ice cream, atbp.). Naisip ko sa pagbabasa ko, parang andoon sa Naga ang mga tao hindi dahil sa Birhen, hindi dahil sa debosyon, kundi dahil sa mismong pagdiriwang, dahil sa entertainment value ng parada, dahil sa mga nagmamartsang kadete at sumasayaw na majorette. Parang nais ipahiwatig ng awtor na nagiging commercialized ang relihiyon sa Pilipinas.

Hindi gumaling si Boboy sa pagbibisita nila sa katedral kaya kinabukasan (tama ba?) dinala ang bata sa ilog upang paliguan dito habang dumadaan ang pagoda ng Birhen. Lalo pang lumalala ang sakit ni Boboy dahil sa dumi ng tubig. Mapaghimala man o hindi, hindi ko papaliguan ang aking anak sa maduming tubig-ilog. May common sense kasi ako, ngunit naiintidihan ko naman, desperado kasi si Nene. Marahil nga, namatay si Boboy kundi dahil kay Mr. Edwards. Sa palagay ko, ang pinapag-usapan sa titulo ng kabanata, Ang Himala ng Birhen, ay ang pagtatagpo nina Nene at Mr. Edwards. Ang pagtatagpo na magdudulot ng kasaganahan at kahirapan sa buhay ni Nene. At least, gumaling si Boboy.

May binanggit dito na isang proyekto ni Nene. Ano kaya ito?

*****

Nakapag-reflect ako habang binasa ko ang susunod na kabanata, Mga Bahay sa Gitna ng Bagyo.

Matapos naisin ni Boboy na buksan ang kanyang mata (upang makita muli si Estela) sa itinaguriang ang kanilang mundo, o ang mundo ng mga kaluluwa, aswang, at iba pa, ikinuwento ni Esteban sa kanya ang kasaysayan ng Sagrada sa panahon ng 1970-1972. Pinag-usapan dito ang malaking bagyo na dumaan sa Bicolandia. Nakakatuwa ang kasabihan tungkol sa pagbibigay ng pangalan sa mga bagay na hindi pa naiintindihan. Totoo nga ito, takot ang mga tao sa mga bagay na hindi nila maiintindihan.

Bukod pa sa kaisipang ito, sa palagay ko ay hindi mahalagang intiindihin ang literal na bagyong Sining, kundi ang sumunod na piguratibong bagyo, ang bagyo ng pag-uunlad matapos ang pagdeklara ng Batas Militar. Hindi pa handa ang mga magsasaka, na kuntento pa sa kanilang buhay, sa pagbabago na naganap sa Sagrada. Ang mga pagbabagong dumating na simbilis ng bagyong Sining.

Sa umpisa naman nagdulot ang IRRI ng kabutihan sa anihan, na gumanda, ngunit sa maikling panahon lamang. Ang dagdag pang mga pakikialam ng gobyerno tulad ng mga super palaka at golden kuhol ay nagdulot pa ng kasamahan. Inihambing nga sila sa mga sampung salot.

May natutunan naman ako sa kabanatang ito, tungkol sa kasaysayan. Akala ko dati, ang pagbabago sa sistema ng agrikultura, gamit ng teknolohiya, ay magdudulot ng kaunlaran. Hindi pala lagi.

*****

Hanggang sa susunod,

Isang bahay na nakikipagbuno sa bagyo ngunit nananatili at tumatanda,

O isang taong stubborn,

Nicholas Price.



Sunday, August 30, 2009

kabalintunaan sa buhay.

Hindi lamang sa mga kwento matatagpuan ang kabalintunaan. Sa pamumuhay nga ng tao'y mayroon ding kabalintunaang nangyayari. Sa nabasa ko sa kabanata ikalabing apat, may dalawang halimbawa nito: na ang ulan na nagpapatubo ng mga halaman at mga palay ang sisira rin dito, at ang mga hayop na pinasok sa bansa na tutulong daw sa kalagayan ay naging peste pa. Kabalintunaan ang dalawang ito kasi imbes na tuluyang makatulong pa sa mga itinatanim ng mga magsasaka ay ito pa ang sisira. Siguro nga'y kahit marami ang isang mabuting bagay ay makasasama pa rin.
Sa halimbawa ng pagbuhos ng ulan, mahalaga kasi noon ang pag-ulan sa pagsasaka bago pa maimbento ang bagong teknolohiya. Nararapat lang na sundin ang pagbabago ng panahon para sa masaganang ani. Subalit, kapag naman masyado ng malakas ang ulan, nasisira na ang mga palay. Nalulunod na ito at nabubulok. Kahit nga kailangang kailangan ang mga ulan, kapag bumagyo na'y malaki na itong problema para sa magsasaka.
Sa kabilang dako naman, nakakatawa rin na maling-mali ang pagpasok ng mga hayop na galing sa ibang-bansa. Nang pinasok ang kuhol at palaka, nahirapan pa ang mga magsasaka noon. Ang kuhol kasi talaga'y pang-export at para kainin ng mga tao dahil madami raw itong protina. Ang palaka nama'y para patawing ang mga ahas. Imbes na makadagdag sa kakaunting ginhawa sa mga tao, dumagdag pa ang problema nila. Ang kuhol nama'y hindi masarap para sa mga Pinoy at hindi naman nakain ng mga palaka iyong ahas. Dumami pa ang dalawang uri ng hayop at kinailangan pang ikontrol ang populasyon.
Mayroon nga talagang mga bagay na mistulang mabuti subalit kapag dumami na'y malaki nang problema. Isa nga ang ulan. Kapag may ulan, may patubig para sa halaman. Subalit, kapag bagyo na'y laki nang hirap. Ang mga hayop na pag-asang makatulong ay pahirap pa. Siguro talaga'y kung ano namang mabuti'y hindi pa rin dapat talaga magkaroon ng marami sapagkat makakasama na ito.
-dale.liwanag [k13&14]

Saturday, August 29, 2009

Kabanata 13 at 14

Naniniwala ako sa milagro. Naniniwala akong nakakatulong ang matinding dasal at pananalig sa Diyos upang malampasan ng tao ang pagsubok sa buhay. Bagamat malaki ang tiwala ko sa Kaniya, hindi naman ako naniniwala na ang solusyon sa lahat ng problema sa buhay ay madadaan lang sa dasal. Kailangan din maghanap ng paraan ang tao upang malampasan ang mga pagsubok niya.

Sa Kabanata 13 ipinakita ang pagsisikap ni Nene na madala si Boboy sa simbahan, sa imahen ng Mahal na Birhen, upang mapagaling ito sa kanyang lagnat. Ginawa ito ni Nene dahil ito ang pinaniniwalaan niyang pinakamagandang lunas sa pagkakasakit ni Boboy, at sa kabanatang ito, makikita ang lubos na pagmamahal na tanging ang isang ina lang ang makapagbibigay sa kanyang anak. Napakatingkad ng mga imaheng ginamit ni Yapan sa kabanatang ito, at nailarawan si Nene na parang isang isda na lumalangoy laban sa daloy ng isang ilog. Sinuong niya ang dami ng tao sa pista ng Peñafrancia at nilampasan ang lahat ng hadlang para makarating sa Katedral.

Sa mahabang paglalakbay ni Nene sa masisikip na daanan at siksikan ng tao, naipinta rin ni Yapan ang isang malinaw na larawan ng tipikal na pagpapalaki ng mga magulang sa kanilang anak. Sa pista, ang mga anak-mayaman ay nakabibili ng mga lobo na naipagmamayabang nila sa mga batang mahihirap. Ang mga nasa middle class naman, o ang mga may kaya ay napapabutasan ng mga tainga at nabibilhan ng mga hikaw. Samantala, ang mga batang ipinanganak sa hirap ay napapagalitan lang dahil sa pangungulit at pagpapabili ng ice cream o cotton candy. Sa kasalukuyang panahon, makikita pa rin ang ganitong mga pagkakaiba sa pagitan ng bawat antas ng lipunan.

Sa paglalakbay rin ni Nene, nakita niya ang mga dalagang majorette na kumekendeng sa tugtugin ng banda. Naipakita rin dito kung paano tratuhin ng ibang kalalakihan ang katawan ng mga babae. Nakalulungkot man sabihin, pero sa kasalukuyang panahon, ganito pa rin ang nangyayari sa mga kababaihan.

Bagamat napakahirap na ng pinagdaanan ni Nene upang makarating sa Katedral ng Naga, sinunod pa rin niya ang payo ng matandang babae na paliguan si Boboy sa ilog sa araw na idadaan ang pagoda ng Birhen. Muli, ipinakita ang determinasyon ni Nene na mapagaling si Boboy sa pakikipagsiksikan niya sa ilog. Kakaiba talaga magmahal ang isang ina. Sa dulo, nang hindi gumana ang pagpapaligo ni Nene kay Boboy, dinala ni Mr. Edwards ang mag-ina sa ospital. Sana'y nung umpisa pa lang ay naisip nang gawin ni Nene ito, dahil ito naman talaga ang pinaka-nararapat gawin, bukod sa pagdadasal na gumaling na si Boboy.

Marahil ang milagrong naganap sa kabanatang ito ay hindi ang pagpapagaling ng imahen ng Birhen kay Boboy, kundi ang pagpapakita ni Nene ng dakilang pagmamahal sa anak niya, sa kabila ng masasaklap niyang karanasan bilang halos inabandunang anak nina Bino at Selya.

Ang Kabanata 14 naman ay tumalakay sa bagyo, na sa tingin ko'y sumisimbulo sa mga pagsubok sa buhay. Nasabi ko ito dahil sa unang bahagi ng kabanata, nabanggit na ang tanging nagagawa lang daw ng PAG-ASA ay bigyan ng pangalan ang mga ito dahil hindi rin nila talaga malamn kung saan ito pupunta, at kung ano ba talaga ang laki nito. Tulad ito ng mga problema sa buhay--hindi natin alam kung kailan darating, o kung gaano kalaki ang magiging epekto sa atin. Ang alam lang natin ay nariyan ito, at ang tanging magagawa lang natin ay ihanda ang ating sarili para dito.

Uminog ang buong kabanata sa kung paano hinaharap ng mga tao sa Sagrada, lalo na ang mga Nueva, ang mga "bagyo" ng buhay. Pinakita rito na kahit ang bahay na bato ng mga Nueva, ang matibay na bahay na bato nila, ay natitinag din ng malakas na bagyong tulad ni Sining. Bagamat nagdulot ng maraming kapinsalaan ang bagyo sa mga bahay ng mga taga-Sagrada, nagkaroon din naman ito ng magandang epekto sapagkat lahat ng mga prutas na dapat anihin ay inani na ng bagyo para sa kanila. Sa kalaunan nga lang, naging problema rin para sa mga Nueva ang bagyo dahil nasira ang kanilang mga pananim. Namroblema tuloy si Lope, na siyang namamahala dito.

Pagkatapos ng bagyo, nagkaroon ng mga pagbago sa pagtatanim kasabay ng pagbabago ng panahon. Nauso ang fertilizer at pesticides, pati ang Hawaiian frog at golden snail. Sa dulo, ang lahat ng ito ay tila walang kwenta rin, dahil sa halip na makatulong sa pagpaparami ng ani, nagdulot pa ng pinsala ang mga ito. Mapapaisip ka tuloy kung bakit ang hilig magpauso ng mga tao ng mga bagay na mas nakakapagpa-komplikado lang ng mga bagay bagay. Mabuti sana kung sigurado sila na ang mga bagay na ito ay talagang makatutulong sa kasalukuyang mga gawain, kung mapapadali ba talaga ang mga ito. Ngunit hindi naman nila alam kung talaga bang epektibo ang Hawaiian frogs at golden snails. Naging pests pa tuloy ang mga ito sa bandang dulo.

Sa dulo ng kabanata, nagbigay ng palaisipan si Lope. Tinanong niya kung ano ang mas mabuti, "isang bahay na nakikipagbuno sa bagyo ngunit nananatili at tumatanda? O isang bahay bang nakikipagtanan sa bagyo ngunit nananatiling bata?" Sa tingin ko, ang ibig sabihin lang nito ay mas mabuti bang manatili kang tradisyunal at maniwala sa mga lumang nakagawian na, kahit malipasan ka ng panahon, o mas mabuti bang makisama ka sa pagbabago ng panahon nang hindi ka nito maiwanan. Para sa akin, mabuti ang pangalawa--ang makisama sa pagbabago ng panahon, pero dapat ay alam mo na ang mga pagbabagong tatanggapin mo ay makabubuti para sa iyo.

-Trixie Conlu


Sunday, August 23, 2009

Kabanata 11-12: Tungkol sa mga Appetizers at Ulam


Kung sa nakaraang mga kabanata ng Ang Sandali ng mga Mata ay naiwan sa mga mambabasa ang maraming mga tanong at di-maiintindihang mga pangyayari, ngayon, dahil nasa bandang gitna na tayo ng akda, dahan-dahang sinasagutan na ang mga tanong natin tungkol sa kabuuang kuwento, ngunit sa di-maaasahang mga paraan. The story is intensifying in its inevitable march to a resolution (di ko ito naisalin :)). Parang bumibilis na ang pagkuwento ni Esteban.



*****

Sa ikalabing-isang kabanata, Pag-iisang-dibdib, Paglilibing, nilinaw ni Esteban ang kasaysayan ng Sagrada. Nainteres ako sa pagbabasa dito dahil parang makatotohanan nga ang paraan ng pagtatag ng Sagrada. Malamang nasa pagmamay-ari ang lupa ng mga prayle, at ibinigay ito sa isang pinunong tumulong sa Pransiskano. Ano kaya ang ginawa niya para marapat sa kanya ang itong malawak na lupang ito? Hindi na natin malalaman. Basta, ang punong duhat, na ang bunga nito ay mahalaga sa mga Agta dahil ito ay ang paksa ng isang alamat tungkol sa kanila, ay naging mahalaga rin sa mga taga-Sagrada. Kung dati ay nagsilbi itong marker ng hangganan ng lupa, sa panahon ng mga titulo at kontrata ito ay naging sagabal sa pag-uunlad. Pag-uunlad batay sa pananaw ng mga dayuhan at hindi alang-alang sa kabutihan ng mismong mga nagbubungkal ng lupa.

Malinaw ang paglalarawan dito sa pagbabago ng panahon. Kung dati ay komunal lamang ang sistema ng pamumuhay ng magsasaka, noong nagsidatingan ang mga dayuhan nagkaroon ng di-kakaunting gulo. Ngayon, sa totoong buhay, sa panahon ng mga titulo at kontrata, nararanasan pa rin natin ang mga epekto ng gulo. Parang walang naitulong sa atin ang CARP, hindi ba? Kaya nagpoprotesta ang mga magsasaka, dahil hindi sila nakikinabangan sa CARP.

Balik naman sa kuwento: nalaman natin na ang pamilya ni Selya ay mga nagtatrabaho sa kabukiran ng mga Nueva. Mahigpit na nagmamay-ari ang mga Nueva noon. Mataas ang singil na palay. Si Selya, na iniwan ng kanyang mga magulang, ay kung bagang inialay ng kanyang tiyuhin sa pamilyang Nueva upang maging katulong. Hindi kasi ito makakatulong sa bukid sa kaliitan ng kanyang mga kamay at hakbang.

Fast forward naman sa panahon ng kasinungalingan ni Bino. Nagkaroon ng isang engrandeng kasalan, ngunit hindi ata ang mismong kasalan ang naging kapansin-pansin sa mga taga-Sagrada, kundi ang kanilang pag-aasa na may mangyayaring mali dito. Hindi kasi kapani-paniwala na magpapakasal ang unico hijo ng Don at Donya Nueva sa isang katulong. Tsk, tsk, Masyadong tsismoso ang mga taga-Sagrada. Maganda naman daw si Selya at mukha naming matalino kaya bakit naman hindi mangyayari ang kasalan? Old fashioned! Nagpapakita sila, gaya ng sinabi ng kasama ko sa Tropang Longganisa, ng Crab Mentality. Kawawa naman ang mga magulang ni Bino; pumayag lamang sila para may tagapagmana ang hacienda. Hindi nila naasahan na dahil kina Bino at Selya, sa panahon ni Boboy mababawasan ang lawak nito sa limang ektarya lamang. Ironic!

Masaya naman ang mga bagong kasal sa panahon na iyon ngunit nagbabala ang lihim, ang lihim na mangyayari sa giyera na sisingit sa pagitan ng dalawa at magiging sanhi ng lahat ng kasawiang-palad sa buhay nila, at maging sa buhay ni Nene. Tama nga ako noong sinabi ko dati na ang lihim na ito ay ang susi sa buong kuwento.

Fast forward na naman pagkatapos ng digmaan. Mahalaga sa kuwento ang paglarawan sa pakikisama nina Bino at Lope. Dahil nakakulong si Bino sa mga matandang pamahiin, si Lope na ang namamahala sa mga gawain sa hacienda. Aakalain mo na best friends ang dalawa, ngunit...

Wala naman akong masabi tungkol sa CARP at NPA. Parang siningit ni Alvin B. Yapan ang isang liksiyon tungkol sa kasaysayan. Hindi naman mahalaga ito sa kuwento maliban sa paglalarawan kung paanong unti-unting nabawasan ang lupain ng mga Nueva pero tinagurian pa silang Don at Donya.

Patay na pala si Lope. Siguro si Esteban na lang at si Selya ang nakakaalam sa lihim...


*****

Sobrang nashock ako sa kabanata 12. Tila binuhusan ako ng isang malamig na pitsel ng impormasyon tungkol sa kuwento. Kung ang kabanata 11 ay ang naging appetizer para sa mga mambabasa tungkol sa mga misteryo tulad ng Lihim (gagawin ko na siyang proper noun) at si Lope, Ang Bugtong ng Nganga ay ang magiging malaking kaldero ng ulam. Lalamon ka at mabubusog ka. Magsisi ka na binasa mo nang masyadong mabilis.

Oo, siguro nagooverreact ako sa kabanatang ito. Pero seryoso naman ako, tignan mo!

Hindi pala anak ni Bino si Nene dahil! Mag-asawa pala talaga sina Agatha at Lope! May tinatago palang galit si Bino kay Lope! Sinunog ng buhay ang mga magulang ni Bino ng mga Hapon!

Ito ay isang kabanata ng mga “kaya pala”. Kaya pala parang nawalan lang ng interes si Bino kay Nene. Kaya pala nagnanais itong malunod sa tuba. Kaya pala tumanggi si Bino alok ni Lope. Kaya pala hindi binanggit kung ano ang naging kinahinatnan ng kanyang mga magulang hanggang ngayon.

Maganda talaga ang palalarawan ni Yapan sa kanyang mga karakter. Ayon sa kanya, o sa kanyang persona na si Esteban, sina Bino, Lope, Agatha, at Selya ay nakulong sa kanilang sariling mundo.

Si Lope, ang nakaligtas kay Bino, ay hindi napapasalamatan ng Don. Nakulong si Lope sa pagiging katiwala at hindi kaibigan nang tanggihan ni Bindo ang alok niya. Si Bino na nais sigurong malunod sa tuba ay may tinatagong galit kina Lope at Agatha. Parang gusto ko siyang tawaging gago sa harapan niya. Sa lahat ng ginawa ni Lope para sa kanya. Oo naman, malas si Bino sa nangyari sa kanya. Ngunit bakit niyang sisihin si Lope na nagligtas sa kanya?

Nakakatawa naman ito si Selya. Sobrang komikal ang paglalarawan sa kanyang Colonial Mentality. May hawak siyang pumaypay na galing Amerika at inuubos niya ang pera ni Bino sa pangangalaga sa mga “Texas” na manok (galing daw States eh). Nais niyang patunayan sa lahat na mas magaling ang Amerika kaysa sa Pilipinas. Sobra itong determinado na umasenso sa pamamamagitan ng Amerika na kahit sa sabungan ay nakikipagtalo siya. Tumigil lamang siya para kay Boboy, na magiging abogado dapat. Mayaman kasi ang mga abogado, at magaling mag Ingles. Gago :))

Patapos na!
Nicholas Price.

P.S. Hindi ko nabanggit nang malinaw ang nangyari kay Bino sa giyera, ngunit naglagay ako sa blog ng isang salitang pun na nagrereference sa pangyayari. Katuwaan lamang :) Sana mahanap ninyo, o kaya mahanap mo, dahil ikaw lang ata ang nagbabasa ng blog ko, Sir .





Kabanata 9-10: Tungkol sa Pagtatampo at sa Social Commentary

Napansin ko na medyo umaagos ang kuwento palayo sa mga supernatural na pangyayari, tulad ng pagkita sa mga aswang at kaluluwa. Tumutungo na ito sa paglalarawan sa mga tao. Mga taong nagmamahal at nagtatampo. Mga taong gumagawa ng mga bagay na di-katuwiran at alang-alang sa mga maling kadahilanan.

Punong-puno yata ang Sagrada ng mga taong ganito. Nakita na natin sa nakaraang mga kabanata ang pagpapakamatay ni Estela (na hindi pa natin alam ang dahilan) at ang kasalan nina Selya at Bino na batay sa isang kasinungalingan.


*****

Sa ika-siyam na kabanata, Mga Alitaptap na Nahuli ng Hamog, si Esteban ay nakapagpasyang sumanib sa mga gerilya laban sa mga Hapon. Hindi dahil inabuso siya ng mga mananakop. Binigyan pa nga siya ng mga day passes at armband upang makilala siya ng ibang mga Hapon at para malaman nila na ang karpintero ay isang “Good Civilian”. Hindi naman upang maghiganti sa mga Hapon. Bakit naman? Buhay pa ang mga magulang ni Esteban at nakapagtago pa siya ng pagkain. Masasabing hindi naman naapekto nang lubusan ang kanyang buhay noong dumating ang mga Hapon. Sumali siya sa mga gerilya dahil galit siya kay Selya, si Selya na hindi nagpaalam sa kanya at nagpakasal kay Bino. Si Esteban noon ay gumawa ng mga bagay na di-katuwiran.

Malinaw na napatunayan noong bumisita si Esteban kay Selya bago sumali ito sa mga gerilya na may mga damdamin talaga si Selya para sa karpintero, at tinatago lamang niya ito upang manatili sa magandang kalagayan.

Nakatulong naman si Selya sa kanyang mga biyenan, ngunit sa hindi magandang mga paraan. Sa simula, hindi nadamay masyado ang mag-asawang Don at Donya Nueva sa pananakop ng mga Hapon, dulot ng kanyang pakikipaglandian sa mga Hapon. Nakuha pa itong ligawan ng isang opisyal kahit may asawa siya. Si Selya talaga. Ipinagtanggol ko nga siya sa nakaraang blog. Sa palagay ko kasi, hindi naman siya masamang tao. Naudyok lamang ng circumstance, ngunit lumalala na ang kanyang masamang asal. At least, nanatiling ligtas ang hacienda Nueva.

Inilarawan sa kabanatang ito ang mga pakikipagsapalaran ni Esteban bilang rebelde laban sa mga mananakop na Hapon. Naging kilala siya sa mga gerilya dahil sa matagumpay niyang pagsalakay sa isang trak ng armas habang nasa ilalim siya ni Rafael (na namatay) at marunong lang siyang gumamit ng Springfield. Binigyan siya ng sarili niyang pulutong at marami pa siyang nagawa para sa liberasyon ng Bikol. Ginawa niya ang lahat dahil lamang sa pagtatampo niya sa isang babae. Bata pa siya noon kaya siguo kumilos siya nang ganoon.

Mabuti nalang na napagtanto ni Esteban ang mga kamalian niya, ngunit pagkatapos lamang ng mahabang panahon (ilang taon?) ng pagpapatay sa mga Hapon at pagiging responsable sa di-mabilang mga nasawing buhay ng kanyang mga kasamang gerilya.

Nagsulat ito matapos ikuwento ang kanyang pagtakas sa mahigpit na hawak ng kamatayan: Manipis lang naman pala ang apoy na pumipilit sa aming magbarilan. Halata naman kung ang ipinaglalaban mo ay hindi ang inyong bayan kundi ang pagmamahal mo sa isang babae na hindi naman nararapat mahalin.

*****

Sa ikasampung kabanata, Ang Ulan ng mga Bala, inilarawan ang tauhang si Chua. Isa siyang Tsino na galing Maynila, ngunit hindi siguarado ang mga taga-Sagrado kung bakit siya naparoon o kung Chua ba talaga ang pangalan niya. Bago ito namatay sa timawang mga kamay ng mga miyembro ng NPA, siya’y naging responsable, kasama ni Nene, sa pagpapaunlad sa Sagrada. Nagsimula ang kanyang negosyo sa tabako hanggang sa yumaman siya ng yumaman dahil sa pagkaroon ng iba’t-ibang paninda. Hindi siya ginalaw ng mga Hapon dahil sa pagbenta niya ng sigarilyo. Niligawan pa niya si Nene ngunit tinanggihan siya. Si Chua, na pinatay ng mga NPA. Sa palagay ko, sumisimbolo si Chua sa lahat ng mga Tsinong nagpaunlad ng Pilipinas at ang naging kapalit ay ang masamang pagtingin galing sa mga Filipino.

Katulad ng sinulat ko tungkol sa Bombay na nakipag-away kay Selya sa bandang simula ng kuwento, gusto ko sanang itanong sa aking mambabasa: mahalaga ba si Chua sa kuwento? Wala naman siyang kinalaman sa misteryo na pumapaligid sa mga Nueva (maliban kung meron talaga). Isa na naman siyang karikatura ni Alvin B. Yapan sa kanyang social commentary na dumadaloy nang magkagapay (parallel) sa banghay ng nobela.

Maliban kay Chua, ang kuwento ng kabanatang ito ay tungkol sa pagkakakilala nina Nene at Benjamin at ang kanilang pakikisuyo habang gumagaling ang mga sugat ng taga-NPA matapos makipagengkuwentro ito sa mga CP. Nag-ibigan sila kahit magaling na si Benjamin at, gaya ng pagiging protektado ang hacienda Nuvea sa mga Hapon dahil kay Selya, hindi sila ginalaw ng mga NPA. Pinanganak si Boboy sa ilalim ng ulan ng mga bala at umalis si Benjamin.

Nagulat ako nang basahin ang bahagi kung saan ipinakita ni Lope kay Boboy ang baril. Hindi ba nag-iisip si Lope? O baka lang akala ng katiwala ni Bino na hindi mali ito. Hindi ko masabi. Basta, nagulat ako.

Matapos basahin ang buong kabanata, napaluha ako. Hindi nga pala alam ni Nene ang apelyido ng kanyang asawa. Oo, asawa, kahit hindi pa sila kasal. Napaslang na NPA sa isa na namang enkuwentro” Mabuti nalang na hindi naintindihan ni Boboy, na nasa murang edad, ang pagdalamhati ni Nene noon. Hindi na siya nagnais ng ama.

Isa na naming enkuwentro. Kung sa kabanata 9 ang lumalaban ay ang mga Filipino at mga Hapon, ngayon kapuwa Filipino ay nagpapatayan. Nakakalungkot nga. Hindi nagtatapos ang giyera.


Hanggang sa susunod,
Nicholas Price.




Kabanata 11-12

Sa kabanata 11 itinalakay ang sistema ng pagmamay-ari ng lupa. Ang pag-asenso ng pagamamay-ari ng lupa. Kung dati rati'y walang maayos na pag-alam kung hanggang saan ang pagmamayari mo ngayon nakasulat na ang lahat at may proweba na ng pagmamay-ari. Dito din inilahad ang pamamalakad ng Don at Dona sa hacienda, naging malupit sila sa pamamalakad nito. Inilahad din dito ang pag-iibigan nina Bino at Selya, ang kwento kung pano sila nagkatuluyan at ang mga pangyayari sumunod. Nagsinungaling si Bino sa kanyang mga magulang na nabuntis niya si Selya upang maipagpakasal sila dahil hindi sang-ayon ang kanyang mga magulang sa pag-iisang dibdib nina selya at Bino. Dahil sa pag-angat ng status ni Selya mas naging maluho siya, gustong gusto niya ang mga bagay dayuhan at ang pamumuhay mayaman. Lumaki at lumaki ang kanyang ulo. Dito din pala inilahad ang kwento kung saan nagmula si Selya. Ang katotohanang iniwan din siya at inabandon ng kanyang pamilya ng kabataan niya kung kaya't nagawa niya ding iwanan ang kanyang anak. Umiral din dito ang mentalidad ng mga Pilipinong ibaba ang kapwa nilang Pilipino o ang "crab Mentality." Ipinamalas ito ng mga tao ng kasal nina Bino at Selya dahil hindi sila sang-ayon sa pangyayaring iyon. Hindi ako sang-ayon sa mentalidad na ito ng mga Pilipino. Hindi dapat natin ibinababa ang ating kapwa. kailangang magkakampi tayo lagi. Bayanihan ang kulang sa atin eh! Kaya nga hindi tayo umaasenso dahil sa mentalidad na ito.

Sa kabanata 12 naman kwinento ang pagpalakad ni lope sa hacienda, ang pagkahook ni Selya sa pagsasabong at ang katotohanang hindi totoong anak nina Bino at Selya si Nene. Magpapakasal na sana sina Lope at Agatha ngunit hindi pumayag si Bino na maging ninong kung kaya't hindi na ito natuloy. Napakawalang hiyang tao siya dahil wala siyang utang na loob sa dalawang taong ito na tumulong sa kanya. Isa din ito sa mga masasamang mentalidad ng mga Pilipino, ang utang na loob. Kailangang iwasan nating sumunod sa mga mababahong tradisyong iniwan satin ng ating mga ninuno. Baguhin natin ito at pagandahin.

-Matthew Tan

Kabanata 9-10

Sa kabanatang ito ilinarawan ang digmaan. Isang digmaang puno nang kasawian at lungkot. Dito inilarawan ang totoong larawan ng digmaan kung pano namumuhay ang mga tao. Pnakita dito kung pano nabuhay si Esteban ng digmaan ng mga hapon at mga kano. Dahil sa pang-aapi ng mga hapon sa mga mamamayan ng Pilipinas madami ang nagrebelde. Nabuhay sila na walang permanenteng mga tahanan. Dito ko nakita na napakahirap palang mabuhay ngpanahon ng digmaan. Takbo lang ng takbo ang mga tao dahil sa takot. Madugo at hindi makatao ang ginagawa ng mga tao kapag may digmaan, ginagawa ng lahat na mabuhay kahit na makapatay sila. Kamatayan ang pakay at kinakakatakutan ng lahat ng tao kapag may digmaan. Para sa akin maswerte na tayo dahil ipnanganak tayo sa panahong ito, kahit na ganito na ang ating mundo ngayon basta't may kapayapaan sa ating daigdi ito na ay sapat dahil napakahirap ng isang gyera. Hindi mo na alam kung sino ang kaibigan o kalaban. Hindi katanggap tanggap ang digmaan.

Sa sunod naman na kabanata ipinakita satin ang pagpalaki ni nene kay boboy. Dito din may ipinakilala satin ng ating dakilang manunulat. Isa siyang negosyante tulad na din ni Nene na nagtulong sa pag unlad ng sagrada. Batay sa aking nabasa maganda naman ang naging pagpapalaki kay boboy. Minahal siya ng kanyang mga magulang at handang ipaglaban at ipagtanggol.

-Matthew Tan

malungkot.

Sa ikalabing-isang kabanata, napansin kong mayroong dalawang katangian ang mga Filipino na maituturing na masama. Una ay iyong pag-iisip na sana'y may masamang mangyari sa isang tao. Ito ang tipong umaasa ang isang tao na may malubhang mararanasan ang isa pa. Ang isa pa'y ang ulo'y lumalaki kapag biglang nabiyayaan. Ang tao'y biglang nagiging mayabang at parang nawawalan ng paki sa iba. Nakita ko itong dalawang katangian sa ilang bahagi ng kabanata.
Sa talangkang pag-iisip, mistulang nangyari ito ng magpapakasal na si Bino at si Selya. Lahat kasi noo'y umaasa na mangyari nga ang dapat mangyari. Malungkot dito'y imbes na sumaya dahil ang isang katulong ay umangat ang estado sa buhay, umiikot pa rin ang pag-iisip sa mga pamahiin. Umaasa kasi silang may masamang mangyayari sa kasal o sa handaan. Mabuti namang walang nangyaring ganito sa okasyong iyon.
Tungkol naman kay Selya'y lumaki ang ulo niya. Nang napangasawahan niya si Bino'y nawala na ang dati niyang katauhan. Para kasing hindi mo mahihinuhang katulong pala siya rati. Noon nga'y sumasali na siya sa sabong at hindi na niya pinakailaman ang kaniyang sariling anak. Para bagang binayayaan na nga siya'y dahil dito, mataas na siya sa lahat. Imbes na magpasalamat at mamuhay ng payak na ginawa niya dati'y binago niya lahat at naging Donya.
Siguro nga'y dahil sa pag-iisip ng mga tao sa Sagrada na may masamang mangyayari kay Selya, nagbago na rin ang katauhan ng Donya. Dahil nga masama ang iniisp ng iba, nawalan siya ng paki rito. Dati nga'y katulong lamang siya subalit naiibigan siya ng anak ng pamilyang mayayaman. Pero, hindi siya lumingon sa pinanggalingan at hindi naging masaya ang buhay ng kaniyang pamilya.
-dale.liwanag [k.11&12]

Kabanata 11 at 12

Ang kabanata labing-isa ay nagsasaad ng pag-iibigan nina Selya at Bino sa kabila ng pagtutol ng Don at Donya Nueva sa kanilang kasal. Sa tindi ng pagmamahal ni Bino para kay Selya, nakuha niyang masinungaling sa kanyang mga magulang upang matuloy lamang ang kanilang kasal. Ito ang unang pagkakataon na nasunod ang nais ni Bino sa kanilang pamilya. Kahit hindi nais ipakasal nina Don at Donya Nueva si Bino kay Selya na isa sa kanilang katulong, wala silang magagawa dahil buntis na umano si Selya ayon mismo sa kanilang unico hijo.

Nakita ni Bino kay Selya ang isang babaeng nais niyang makasama habambuhay kaya ginawa niya ang lahat upang mapakasalan lamang siya. Hindi naging dahilan ang pagiging katulong ni Selya sa pamilya Nueva upang hindi siya pakasalan ni Bino. Nakita ko sa kabanatang ito na ang tunay na pagmamahal ay tumitingin hindi sa pisikal na anyo at katayuan sa buhay. Ang pag-ibig ang nagpapakita sa nag-iibigan ng kanilang tunay na anyo, anyo na hindi kita ng mga mortal na mata ng mga tao.

Inilalahad din sa kabanata 11 ang tungkol sa pagbabago ng sistema ng tao sa pag-aari ng mga lupain. Noong una, sa pamamagitan ng kabayo o paningin sinusukat ang lupang iyong pagmamay-ari. Kung hanggang saan kayang tumakbo ng kabayong iyong sinasakyan, ganoon kalawak ang iyong lupain. Maaari ring sa pamamagitan ng pagtingin lamang malalaman ang lawak ng iyong lupa. Kung hanggang saan kayang umabot ang iyong paningin, ganoon kalawak ang iyong lupain.

Sa paglaon ng panahon, nagkaroon ng mas pormal na paraan ng pag-aari ng lupa. Ginawang basihan ang unang paraan kung ano ang ilalagay sa papel o titulo. Naging mahirap ito sa una dahil wala naman talagang malinaw na basihan ang unang paraan ng pag-aari ng lupa kaya halos wala ring basihan ang mga inilagay nila sa mga titulo.

Sa ikalabingdalawang kabanata, naging malinaw na sa akin na hindi na nga tunay na anak ni Bino si Nene. Nakapon si Bino sa gitna na pagtakas niya sa mga Hapon. Sa aking palagay, ito ang lihim nina Bino at Selya na sila lamang ang nakakaalam. Si Nene ay hindi isang tunay na Nueva ngunit isang bunga ng pakakasala ni Selya na pilit nilang inililihim ni Bino. Isa pang pagpapatunay nito ay ang pagkakahilig ni Bino sa paglalasing. Umiinom siya ng tuba na galing sa kinatasang mga bunga ng niyog. Ang mga niyog na ito ay hindi na mamumunga pang muli. Katulad ni Bino, na nakapon sa pagtakas mula sa mga Hapon, hindi siya magkakaroon ng anak.

Nabanggit din sa kabanata ang pag-iibigan nina Agatha at Lope. Tila ito kwento nina Bino at Selya sa ikalabing-isang kabanata. Sa kabila ng pagkakaibang pisikal, “nalampasan na ang hangganang itinakda ng kanilang katawan.“ Nagpapakita ito ng tibay ng kanilang pagmamahalan sa isa’t-isa.

Sa pagtanggi ni Bino na maging ninong sa kasal nina Agatha at Lope, nawalan ng gana si Lope tungkol sa kasal. Hindi na nga natuloy ang kasal nina Agatha at Lope. Napansin ko lang sa akdang ito na ang lahat ng pag-iibigan ay nauuwi sa kabiguan. Kahit na tunay na nagmamahalan ang isa’t-isa, nauuwi pa rin ang kanilang pag-iibigan sa “kabiguan“.

Sinasabi rin sa kabanatang ito ang pagkahumaling pa rin ni Selya sa mga produktong dayuhan. Sa kabanatang ito, nalulong siya sa pagsasabong dahil naniniwala siya na pawang manok na mula sa Texas, Amerika ang kanyang mga pansabong.

- Michael Endozo

Thursday, August 20, 2009

Kabanata 11 at 12

Uminog ang mga pangyayari ng Kabanata 11 sa ebolusyon ng sistema ng pagmamay-ari ng lupa mula sa piyudalismo tungo sa pagpapatupad ng CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program). Mapapansin sa kabanatang ito kung gaano kalaki ang papel ng lupa/lupain sa buhay ng mga Pilipino. Dito, tinunton ng tagapagsalaysay na si Esteban ang kasaysayan o simula ng lupain ng pamilyang Nueva.

Inilahad sa kabanatang ito ang kahigpitan ng Don at Donya Nueva sa pagpapalakad ng kanilang hacienda. Sinabi dito na ang hatian sa ani sa kanilang lupain ay 60-40 o 70-30--60 o 70 ang napupunta sa mag-asawa, at ang mas maliit na bahagdan ay napupunta sa mga kasama sa hacienda. Patunay lamang ito kung gaano pinahahalagahan ng mag-asawa ang kanilang katayuan sa buhay. Kaya naman hindi kagulat-gulat ang kanilang reaksyon nang sabihin ni Bino na nabuntis niya si Selya, at na pakakasalan niya ito. Sa katunayan, kaya lang pumayag ang mag-asawang Nueva sa kasalan ay dahil natatakot silang mawalan ng tagapag-mana ang kanilang hacienda. Kahit sa mga sandaling iyon, ang iniintindi pa rin nila ay ang kayamanan nilang ayaw nilang mawaglit sa pamilya nila.

Sa kabanatang ito rin, naisiwalat ang pinanggalingan ni Selya. Sa bahaging ito ng kabanata ko napagtanto na kaya marahil inabandona ni Selya si Nene noong bata pa ito ay dahil siya rin mismo ay inabandona ng kanyang mga magulang at mga kamag-anak. Medyo naawa ako kay Selya sa bahaging ito, at naisip kong swerte siyang minahal siya ng isang Bino na kaya siyang ipaglaban sa lahat ng tao.

Ang kasal nilang dalawa ay naging isang malaking kontrobersiya sa bayan ng Sagrada. Sa bahaging ito ko nakita ang "crab mentality" ng mga Pilipino. Lahat ng mga dumalo sa kasalang Bino at Selya ay walang ginawa kundi maghintay na may maling mangyari sa kasal. Hinihintay nilang mamatay ang ilaw ng kandila sa magkabilang tabi ng kinakasal, na maputol ang cordon na tinali sa kanilang mga balikat, na malaglang ang singsing o na mautal ang pari--kahit anong senyales na magpapatunay na mali ang gagawin nilang pagpapakasal. Napaisip tuloy ako kung bakit tila likas na sa atin ang ganoon? Bakit parang hindi natin makuhang maging masaya nalang para sa mga taong nakukuha ang kanilang mga inaatim sa buhay? Why do we always feel the need to bring people down, just because we aren't as happy as they are?

Matapos ang digmaan, nagbago si Bino. Hindi na siya ang dating mahusay magpalakad sa hacienda. Si Lope na ang umako ng responsibilidad nito, hanggang sa dumating ang panahon ng CARP. Bukod tangi ang mga kasama sa hacienda ng mga Nueva na hindi nag-asam na magkaroon sila ng sariling bahagi ng lupa. Subalit nabigyan pa rin sila ng mga Certificate of Land Ownership Award, at hindi nila alam kung ano ang gagawin dito. Masaya na kasi sila sa pagtratrabaho sa hacienda. Sa dulo, ang dating hacienda ng mga Nueva ay naging lilimang hektarya na lamang.

Hati sa dalawang bahagi ang Kabanata 12. Ang unang bahagi ay tungkol sa pagkakaibigan nina Lope at Bino, at ikalawa naman ang tungkol sa pagsasabong ni Selya. Unahin natin ang tungkol kay Selya. Ang pagkakalulong ni Selya sa sabong ay buhat lang ng pagmamay-ari niya ng Texas na manok, na inakala niyang galing talaga sa Amerika. Nanalo ang manok na ito laban sa llamadong lokal na manok ng isang lalak. Sa tingin ko, ang pagkapanalo ng Texas chicken ni Selya laban sa lokal na manok ng lalaki ay simbulo ng pagsuko ng mga Pilipino sa malakas na impluwensiya ng Amerikano. Sa lahat talaga ng mga tauhan sa nobela, si Selya ang pangunahing nagpapamalas ng kolonyal na mentalidad, at ang insidente ng kanyang pagkakalulong sa sabong ay walang iba kundi patunay na hindi pa rin siya malaya sa impluwensiyang Amerikano.

Ang unang bahagi naman ng kabanata 12 ay nakapagpaisip sa akin kung paano ba nagbabago ang tao, at kung bakit niya nagagawang kalimutan ang mga bagay na dati ay mahalaga sa kanya. Paano nasisira ang pagkakaibigan? Saan nagsisimulang magbago ang relasyon ng dalawang tao, at paano ito mapipigilan?

Ang ginawang pagsagip ni Lope sa buhay ni Bino noong panahon ng kanilang pagkakapiit sa mga Hapon ay dakila. Gayundin ang ginawa ng mga Agta, kabilang si Agatha, sa pagligtas nila kay Bino sa mga Hapon na humahabol sa kanila. Ngunit dumating ang panahon na tila nalimot ni Bino ang lahat ng ito. Nalimot niyang matagal na sana siyang patay kung hindi dahil kay Lope at kay Agatha. At paano niya ipinakita ang kawalan niya ng utang na loob? Hindi siya pumayag na maging ninong sa kasal nila. At ang masaklap pa para kay Lope ay ito: Sa lahat ng tao na dapat makaintindi sa kanya, na dapat alam ang kanyang nadarama na magmahal ng taong hindi niya kaparehas ng uri, si Bino dapat iyon. Si Bino na niligtas niya, si Bino na matalik niyang kaibigan.

Paano nga ba nasisira ang pagkakaibigan? Paano ba nalilimot ng isang tao ang mga bagay na dati ay mahalaga sa kanya?

-Trixie Conlu

Tuesday, August 18, 2009

Kabanata 9 at 10

Malimit magkaroon ng saysay na makipaglaban para sa isang bagay na hindi mo naman gaanong pinaniniwalaan. Walang nagrerebelde na hindi dinadamdam o hindi lubos na naaapektuhan sa kamaliang nakikita niya sa kanyang paligid. Ang mismong galit o pagtutuol na nararamdaman ng isang tao patungkol sa mga bagay na sa tingin niya'y mali ang siyang nagbibigay ng motibasyon sa kanya upang makipaglaban para sa tingin niya ay tama.

Ngunit iba si Esteban. Nagrebelde siya laban sa mga mananakop na Hapon hindi naman dahil ayaw niyang magapi ang mga Pilipino ng mga dayuhan. Nakipaglaban siya para sa mga maling kadahilanan. Hindi siya nagrebelde laban sa mga Kastila, kundi laban kay Selya at ang kanyang pagpapakasal kay Bino na napa-aga lang dahil sa pagdating ng mga Kastila. Sa tingin ko maling mali dito si Esteban, dahil masyado lang nakatuon ang kanyang atensyon sa pagkabigo niya kay Selya. Hindi niya man lamang nakita ang mas mahalagang bagay--ang pananakop sa mga Pilipino.

Bagamat hindi siya nakipaglaban para sa mga tamang dahilan, hindi naman masasabing walang saysay ang pagrerebelde ni Esteban. Kahit papaano, ang pagsali niya sa gerilya ni Kapitan Padua ay nakatulong din sa pagpapaalis sa mga Hapon. Naikumpara rin sa kabanatang ito ang buhay ng isang pamilyadong lalaki at ang buhay ng di pamilyadong lalaki sa katawan nina Raphael/Paeng at Esteban. Masasabi kong mas dakila si Paeng kumpara kay Esteban sa dahilang mas may motibasyon o paninindigan si Paeng sa kanyang pagiging rebelde dahil bagamat may mga anak at asawa siya, ibinuwis niya ang kanyang buhay na nakikipaglaban para sa bayan. Si Esteban, tulad ng nabanggit sa umpisa, ay hindi man lang para sa bayan ang pangunahing dahilan niya sa pakikipaglaban.

"Noon ako nakumbinseng tama na sa akin ang pakikipaglaban. Maaari pa naman siguro itong maiwasan. Manipis lang naman pala ang apoy na pumipilit sa aming magbarilan." Ang mga linyang ito sa dulong bahagi ng Kabanata 9 ang naka-agaw sa aking pansin. Ipinahihiwatig ng mga linyang ito na may mga problema, tulad ng pagkabigo ni Esteban kay Selya, at tulad ng pananakop ng mga Hapon, na maaaring solusyonan ng hindi gamit ang baril at bala.

Ipinakilala naman sa ikasampung kabanata ang bagong tauhan na si Benjamin. Siya'y miyembro ng NPA na ama ni Boboy. Sa kabanatang ito nailahad ni Yapan ang epekto ng Batas Militar sa pamilyang Pilipino. Dahil sa Batas Militar, hindi nabuo ang pamilyang Benjamin, Nene at Boboy na sana'y naging isang buo at masayang pamilya. Ang responsibilidad ni Benjamin sa NPA ang humadlang dito. Marahil kung hindi panahon ng Batas Militar noon, ibang iba sana ang naging takbo ng buhay ng mag-inang Nene at Boboy.

-Trixie Conlu

Sunday, August 16, 2009

digmaan

Kakaiba talaga ang nagagawa ng digmaan. Sa pagbabasa ko ng ikasiyam at ikasampung kabanata, nalaman ko ang iba't ibang nangyayari at epekto ng pakikidigma. Malungkot isipin na puro masama lamang ang nadudulot ng pakikipaglaban. May nahihiwalay. May namamatay. Maraming nahihirapan. Kahit anong mangyari sa digmaan ay nakasasama ito sa lipunan.
Sa kabanata siyam ay nilarawan ang hirap na mahiwalay sa pamilya. Sa mga rebelde kasi noo'y kinailangan nilang iwan ang kanilang pamilya sapagkat baka malagay pa sila sa panganib. Mahirap para sa isang magulang at isang tatay na iwan ang kaniyang asawa't mga anak at hindi man lang alam kung buhay pa sila o hindi na. Mahirap ding ibuwis ang buhay at iwan ng panghabambuhay ang pamilya. Isa ito sa mga naidulot ng digmaan noon. Nang namatay nga si Paeng ay naiwan niya ang kaniyang pamilya. Dagdag pa rito, kapag may digmaan ay siguradong walang katahimikan. Ang mga nasa bayan noo'y natatakot na baka bigla lamang silang patayin. Sa mga rebelde nama'y baka bigla silang iambush at pagpapatayin sila. Naiiba ang buhay kapag may digmaan at talagang mahirap mamuhay nang mapayapa habang ang buong kapaligira'y may away.
Dalawa lamang ang nabanggit na dulot ng digmaan. Marami pang maidadagdag na negatibong nagagawa ng digmaan sa lipunan. Sa mga nakikipag-away at pati sa mga inosente, marami ang namamatay. Nagugulo ang buhay ng lahat lalo na ang mga gustong makipaglaban para sa minimithi. Ang malala'y kailangang ibuwis ang buhay para lamang makamit ang mga ito.
-dale.liwanag [k9&10]

Kabanata 9 at 10

Ang ika-siyam na kabanata, Mga Alitaptap na Nahuli ng Hamog, ay nagpapakita ng pag-andar na kwento mula sa panahon ng Amerikano patungo sa panahon ng Hapon. Nagsasalaysay ito ng pagkatuto ni Esteban na magrebelde laban sa mga Hapon na sumakop na sa Pilipinas. Makikita sa kabanata ang katusuhan ni Esteban, tulad ng pag-iimbak niya ng kanyang mga ani sa ilalim ng lupa sa gitna ng sagingan. Natuto siyang dumiskarte upang mabuhay sa gitna ng pagmamalupit at pagmamalabis ng mga Hapon. Ngunit, sa likod ng pagmamalabis ng mga Hapon, naging maganda ang pakikitungo ni Esteban sa kanila; hindi siya nanlaban tuwing kukunin ng mga Hapon ang imbak niyang mga pagkain sa kanyang munting kubo sa puso ng kagubatan. Ikinubli na lamang niya ang galit sa kanyang sarili dahil alam niyang wala siyang magagawa kahit na manlaban siya sa mga ito.

Isang bunga nito ay ang pagsapi niya sa mga gerilya upang tumulong sa paglaban sa mga Hapon. Dito, natuto siyang mabuhay sa gitna ng kagubatan na walang permanenteng pinagkukunan ng pagkain at inumin. Natutong siyang maging maparaan para maipagpatuloy ang sa ipinaglalaban. Sa kanilang isang pakikipaglaban sa mga Hapon, lumabas ang pagiging mabuting lider ni Esteban kahit na siya ay baguha at kaunti pa lamang ang alam tungkol sa mga bagay-bagay sa pakikipagdigmaan. Kaya, ginawa siyang isang lider ng isang grupo ng mga gerilya. Naging matagumpay ang halos lahat ng kanilang mga ambush.

Nakaranas din siya ng mga paghihirap sa pakikipaglaban gaya ng muntikang pagkamatay dahil sa sunog na ang kanyang grupo at mga Hapon ang gumawa. Nakaligtas siya dito dahil manipis lamang pala ang apoy na pumapaligid sa kanila. Napagtanto niya pagkatapos makaligtas na “...tama na sa kanya ang pakikipag laban. Maaari pa naman siguro itong maiwasan. Manipis lamang pala ang apoy na pumipilit sa aming pagbabarilan.“

Bago matapos ang kabanata, nagbukas ito ng bagong isyu, ang Cha-cha. Dinadala ni Yapan ang mga mambabasa sa kasalukuyang panahon; binubuksan niya marahil ang mga mata ng mga mambabasa sa mga pagkakahawig ng mga nangyari noon sa kasalukuyang mga pangyayari. Sa aking palagay, nais niyang ihalintulad ang paglaban ng prinsipyo ng mga gerilya noong panahon ng Hapon sa mga tao na nagrarally laban sa Cha-cha ngayon.

Sa ika-sampung kabanata, nagpakilala si Yapan ng bagong karakter, si Chua. Maihahambing si Chua kay Nene. Pareho silang nagdala ng pagbabago at pag-unlad sa Sagrada sa pamamagitan ng kanilang mga negosyo. Marahil ay nakuha ni Nene ang pagiging natural na negosyante ni Chua noong siya ay ligawan nito.

Nabanggit din ang tungkol sa pamilya ni Boboy – ang kanyang ama at kung paano siya ipinanganak at lumaki. Ipinanganak si Boboy sa gitna ng ulan ng mga bala kaya naman inilayo siya sa baril o bala ng kanyang mga magulang dahil ayaw nila itong matututong humawak ng baril. Hindi pa man naipapanganak ni Nene si Boboy, mahal na mahal na siya na kanyang mga magulang. Nagawa pang magsinungaling nina Benjamin at Nene para lamang kay Boboy.

Para sa akin, naging maganda naman ang pagpapalaki nina Nene at Benjamin kay Boboy kahit na hindi madala na nakakasama ni Boboy ng kanyang ama. Nagagawa naming madalaw ni Benjamin ang kanyang pamilya sa kabila ng pagtuloy niya ng tungkulin sa grupo ng gerilyang kanyang pinamumunuan. Naging patas si Benjamin sa pagtingin sa kanyang grupo at sa kanyang pamilya. Hindi niya parehas iniwan ang dalawa dahil alam niyang malaki ang utang niya sa bawat isa.

- Michael Endozo

Sunday, August 9, 2009

Kabanata 7 at 8: Tungkol sa Pag-uulan at Pagrerebelde


Sa ika-pitong kabanata, nagsusulat si Esteban sa loob ng kanyang inuupahang kuwarto sa Maynila tungkol sa ikinuwento niya kay Boboy sa gubat ng Sagrada noon, tungkol sa kanyang unang pagtagpo kay Selya.

Natuwa ako sa kabanatang ito. Love at first sight pala ang naramdaman ni Esteban para kay Selya, noong una silang nagkatagpo sa prusisyon ng Semana Santa, noong bumili ang dalaga ng kandila mula kay Esteban. Hindi dapat sumama ang arbularyo sa prusisyon, ngunit sinundan niya si Selya, na ang kanyang “Mater Dolorosa”. Buti na lang na hindi siya tumigil sa paghahanap sa dalaga, dahil natulungan pa niya ito nang madapa ito sa putik habang nagtatakbuhan ang mga tao dahil sa ulan. Hinatid pa ito sa bahay ng mga Nueva. Nag-uudyok sa mga tao ang pag-iibig. Kaya napasunod si Esteban.

Akala niya’y tadhana ito, ang pagbili ni Selya ng kandila, ang pagkakakilala ng dalawa. Sa palagay ko walang kinalaman ang tadhana sa pagtatagpo nila noong gabing iyan. Maaaring hindi bumili si Selya sa mga bata dahil mas mura ang mga binebentang kandila ni Esteban kundi dahil napansin ng dalaga ang binatang magkasingedad sa kanya. Kung babalik tayo sa mga nakaraang kabanata, mapapansin na natin na baka minahal na rin si Selya si Esteban ngunit pinigil niya ang damdaming ito dahil sa kanyang ambisyon na umasenso.

Hindi pa masamang tao si Selya sa kabanatang ito. Bata pa siya. Siguro hindi pa siya nakakaranas ng malubhang kabiguan. Kapansin-pansin din ang mga pangyayaring naganap sa Sagrada noong pinanganak siya.

Napangiti ako sa isang bahagi ng kabanatang ito. Noong inulan ang prusisyon at ibinaba na ng mga tao ang mga santo, mga Hesus, mga Maria at mga anghel. Sobrang komikal ang paglalarawan ng awtor sa kanilang mga kalagayan.

Sa ika-walong kabanata nadagdagan ang kaalaman ng mga mambabasa tungkol sa kasaysayan ni Nene. Kung dati ay si Bino ang nagpalaki kay Nene at si Agatha ay tumulong lamang, ngayon parang si Agatha ay naging ina ng bata, at si Lope ay naging ama, matapos “kinulong” si Bino ng mga lumang pamahiin. Napagkamalan pa na si Agatha ay ang totoong ina ni Nene, dahil wala nang nakakakita sa kanyang mga tunay na magulang. Sobrang dedikado nga si Agatha sa pagpapalaki niya kay Nene.

Mahalaga para sa kuwento ang bahagi dito kung saang nagtago si Nene sa likod ng punong akasya hanggang gabi, para lang hindi siya gawing taya ng kanyang mga kalaro. Pinakita dito ang determinasyon ni Nene, na nakita rin ng mga mambabasa sa mga nakaarang kabanata, partikular ang kabanatang Nagsimula sa Panahon ng Yelo.

Nakakalungkot noong nag-away sina Nene at Agatha. Kahit gaano kamahal ni Agatha ang kanyang inaalaga, hindi pa rin niya naiwasan ang paglalayo nila sa isa’t isa.

Ano nga ba ang nangyari kay Agatha? Bakit hindi siya naging bahagi ng buhay ni Nene nang lumaki na siya?

Hanggang sa susunod,
Nicholas Price.

Kabanata 7 at 8

Sa kabanata 7 naitala ang pagkabulag ni Esteban kay Selya. Nalaglag siya sa mga kasinungalingan ni Selya. Ang mga panlilinlang nitong ginawa. Iyon ay ipinakita sa atin sa nakaraang kabanata. Ito lang naman ang kwento ng kabanatang ito, ang buhay ni Selya na puro kalinlangan at kung panong nahulog si Esteban sa mga ito.

Ang interpretasyon ko lamang dito ay si Selya ay isang maambisyong tao, gusto niya makihalubilo sa mga mayaman at mahilig siya sa mga gamit banyaga. Isa siyang taong gagawin ang lahat upang marating ang kanyang mga ambisyon.

Sa kabanata 8 naman ikwenento ang buhay ni Nena kung pano siya inalagaan ni Agatha at ang pagpapalaki ng kanyang mga magulang. Alam naman natin lahat sa mga naunang kabanata, naalaman natin na nang nasasinapupunan pa lamang si Nene, nais na ni Selyang ipalaglag ito, ngunit dahil kay Bino hinayaan nila itong mabuhay na lamang. Sa pagpapalaki nito walang ginampanang role si Selya, hindi siya nakialam sa buhay ni Selya. Si Bino naman ay ganun din, "inabandon" nila ang anak nila. Si Agatha, ang katulong, na lamang ang nagalaga kay Nene, inalagaan niya ito na parang anak niya na rin. Ginawa niya ang mga ito na galing sa kanyang puso, wala naman itong dagdag sa sweldo ngunit ginawa niya ito para kay Nene. Kaya't si Agatha ang nagturo kay Nene ng lahat ng naaalaman niya ngayon kaya't mahal na mahal din ni Nene si Agatha.

Ito ang nagustuhan ko sa kwnetong ito dahil wala naman nagsabi kay Agatha na alagaan niya si Nene at turuan ito ng mga bagay-bagay, ngunit ginawa niya ito galing sa kanyang puso. Dahil sa pagmamahal niya sa bata kaya niya ito ginawa. Natouch talaga ako sa kabanatang ito. Napakaganda ng mensaheng ipinaparating nito sa amin, mga mambabasa.

-Matthew Tan

Kabanata 7 at 8

Ang ika-pitong kabanata, Mater Dolorosa, ay nagpapakita ng pag-ibig ni Esteban para kay Selya. Tila ito isang makabagong bersyon ng kwento ng pag-ibig nina Boboy at Estela. Halos magkapareho ang mga nangyari sa dalawang kwento.

Ang kabanatang ito ang nagpapakita ng pagkabulag kay Selya ng mga mata ni Esteban. Nahulog ang kanyang puso sa mapaglinlang na anyo ni Selya; si Selya na nabulag na sa kagustuhang maitago ang hirap na dinaraanan niya sa buhay sa likod ng mga makamundong bagay tulad ng paggamit niya sa katas ng ilang-ilang upang maitago sa halimuyak nito ang pagiging alila niya sa mga Nueva.

Hanggang sa prusisyon ng Semana Santa, natali si Selya sa mga bagay na nagtatago ng tunay niyang katauhan. Nagdamit si Selya ng isang maikling kasuotan, kasuotan na kadadala lamang ng mga Amerikano dito sa Pilipinas buhat sa kanilang bansa. Nagpapatunay ito ng pagiging makakanluraning isip ni Selya (sa mga bagay man o tao), dagdag pa ang mga pangyayari sa mga naunang kabanata tulad ng mataas na pagtingin niya sa mga dayuhan gaya ni Mr. Edwards at Mr. Smith, at pati na ang pagkahumaling niya sa pamaypay (na buhat daw sa ibang bansa) na bigay sa kanya.

May dalawa akong interpretasyon sa pagsabay ni Selya karosa ni Dolorosa. Una, nais niyang makisalamuha sa mga mayayaman sa Sagrada na pilit niyang binabagayan. Pangalawa, siya rin ay may hinahanap tulad ng Mater Dolorosa. Naghahanap siya ng liwanag sa kanyang buhay na sa tingin niya ay puno ng kadiliman. Ngunit, siya ay bulag upang makakita ng liwanag na kanyang hinahanap; hindi siya makakakita ng tunay na liwanag habang nabubulag siya sa makamundong liwanag.

Sa ika-walong kabanata, Liwanag at Dilim, binibigyang-pansin ang katauhan ni Nene sa kamay ng mga taong pumapaligid sa kanya na sina Selya, Bino, at Agatha.

Sa simula pa lamang ay wala nang ganang alagaan ni Selya ang anak niyang si Nene. Marahil ay may mabigat itong dahilan upang huwag alagaan si Nene. Matatandaan na ayaw na sanang buhayin ni Selya si Nene; nais na niya itong ipalaglag. Hanggang sa paglaki ni Nene ay wala nang pakialam si Selya sa kanya. Kaya si Bino na ang umaruga kay Nene. Ipinapakita rito na muling nabulag ang mga mata ni Selya; siya ay nawalan ng pakialam sa paligid pati na sa mga pangangailangan ng kanyang pamilya.

Si Bino, na lubos na mahal si Nene, ay inalagaan siya at pinalaki sa mga pamahiing ginamit rin sa kanya ng kanyang mga magulang. Lumaki si Nene sa hacienda sa pamamagitan ng mga pamahiin, ngunit hindi siya lumaki katulad ng kanyang ina at ni Bino na natiling nakatali sa mga pamahiin. Si Nene ang nagdala ng pagbabago sa Sagrada, patunay dito ang mga sinimulan niyang mga negosyo.

Sa kabataan ni Nene, bigla na lamang nawalan ng gana si Bino sa pag-aalaga sa kanya kaya ipinaubaya na lamang si Nene sa katulong na si Agatha. Nanatili na lamang si Bino sa kanyang tumba-tumba habang nakatali pa rin sa mga pamahiing pinaniniwalaan, isa na rito ang pagpapaaral kay Nene. Pinapag-aral lamang niya, at ni Selya, si Nene dahil naniniwala sila na dapat itong makapag-aral dahil siya ang tagapagmana ng hacienda ng mga Nueva.

Naging masaya ang naging relasyon nina Nene at Agatha. Tinuruan ni Agatha si Nene ng mga gawain tulad ng paglalaba. Hindi napapansin ni Nene ang pagtataka ng mga tao sa paligid kung bakit tila magkaiba ang kulay nilang “mag-ina.” Ang alam lamang niya ay masaya siya sa piling ni Agatha tulad ng mga mababango at makukulay na bulaklak na kanilang pinipitas. Ngunit, tulad ng mga bulaklak na ito, naiba ang pagtingin nila sa isa’t-isa. Ang mga mababango at makukulay na bulaklak ay napalitan ng mga makukulay na papel na bulaklak; sa pagtatapos ng kabataan ni Nene, nagsimula na silang mag-away ni Agatha. Hindi naman ito nagtagal at naging natigil din ang kanilang pag-aaway dahil natili ang mga kaugaliang itinuro sa kanya ni Agatha noong bata pa siya. Ngunit, tulad ng makukulay na papel na bulaklak, ang kanilang relasyon ay wala ng bango.

- Michael Endozo

ina.

Sa pagbabasa ng ikawalong kabanata, may napansin akong katangiang dapat kahangaan. Ito ay ang malasakit at pagmamahal ni Agatha sa kanyang maituturing na anak na si Nene. Kakaiba ito kasi una'y may tunay na ina naman si Nene subalit nga'y hindi naman kasi inaalagaan ni Selya ang kanyang anak. Lampas pa rito'y ginampanan na ni Agatha ang lahat ng tungkulin bilang nanay maliban ang paggamit ng sariling pera para kay Nene. Subalit, dapat pa rin itong hangaan sapagkat wala namang kahit anong dugong relasyon ang dalawa pero tuluyang inalagaan pa rin niya si Nene.
May dalawang mahalagang aspeto sa pangangalaga ni Agatha kay Nene. Ang una'y para kasing wala siyang tunay na ina. Kung naging magaling na ina naman kasi si Selya'y hindi na kailangan ni Agatha na mag-alaga ng bata. Nagkulang kasi si Selya nang higit kaya't kinailangan ni Agatha na alagaan si Nene. Liban pa rito'y may paki naman kasi talaga si Agatha. May malasakit siya sa bata kung kaya't ginawa niya ito. Ang tungkulin naman niya kasi ay maging katulong sa bahay. Pero, inako na rin niya ang mga responsibilidad ng pagiging ina. Wala naman siyang makukuhang pera rito pero dahil nga may puso siya'y ginawa niya ito.
Dahil nga sa pagmamahal ni Agatha'y kahit na nagbago ang panahon, mahal pa rin ni Nene si Agatha. Nangyari nga'y nagkaroon sila ng mga alitan. Subalit, sa huli'y naramdaman pa rin ni Nene na mahalaga si Agatha sa buhay niya. Kahit man hindi tunay na nanay, alam niyang si Agatha ang naging nanay niya na nagturo, nag-alaga at nagmahal sa kaniya.
- dale.liwanag [k7&8]

Friday, August 7, 2009

Kabanata 7 at 8

Isang misteryosong bagay ang tadhana. Destiny, sa Ingles, ito ay tumutukoy sa mga bagay sa buhay ng isang tao na nakatakda ng mangyari. Parang ipinahihiwatig ng paglalarawang ito ng tadhana na walang kapangyarihan ang tao na baguhin ang mga pangyayari sa buhay niya. Basta't kung ano ang nakatadhana sa kanya, iyon ang siyang magaganap.

Ito marahil ang dahilan kung bakit hindi ako lubos na naniniwala sa tadhana. Hindi lahat ng pangyayari sa buhay ng tao ay nakatadhana sa kanya. Naniniwala akong may kapangyarihan ang tao na umaksyon, na kaya niyang gumawa ng paraan upang makuha ang mga bagay na nais niya sa buhay, at hindi lang siya dapat umasa sa tadhana para ibigay ito sa kanya.

Ito mismo ang ginawa ni Esteban sa ika-pitong kabanata ng nobela. Prusisyon sa panahon ng Semana Santa niya unang nakita si Selya. Sa panahon kung saan abala ang lahat ng tao sa Sagrada niya ito nakilala. Maraming tao ang nagbebenta mga kanidla, pagkain, at pamaypay, may nagpruprusisyon sa mga santo, santa at mga banal na idolo, may mga sumusunod sa mga karosa ng mga santo, at may mga nagdadasal at sumasamba sa mga ito. Sa gitna ng napakaraming tao, sinikap ni Esteban na hanapin si Selya, na nawala sa paningin niya matapos itong bumili ng kandila sa kanya. Ginamit ni Yapan ang mahabang paghahanap ni Esteban kay Selya upang mabigyan ng malinaw na larawan ang relihiyon bilang malaking bahagi ng kultura ng Pilipino. Sa paghahanap ni Esteban kay Selya, nailarawan niya ang iba't ibang karosa ng mga santo't santa, at nailahad niya ang mga kwento ng bawat isa sa kanila. Pati ang mga pangyayari sa buhay ni Kristo ay naisama rin sa bahaging ito ng nobela.

Sa wakas ay natagpuan din ni Esteban si Selya, na sumusunod sa karosa ng Dolorosa: ang santang naghahanap sa bangkay ng anak niya. Ang mga deboto ng Mater Dolorosa ay mga taong may hinahanap din sa buhay, mga taong karamay niya sa kanyang suliranin. Hindi malinaw sa nobela kung ano ba ang hinahanap ni Selya kung kaya't sumusunod siya sa karosa na ito, ngunit maihahalintulad naman si Esteban sa Mater Dolorosa sa kanyang matiyagang paghahanap kay Selya.

Pinakita mismo sa kabanatang ito na maaaring gumawa ng paraan ang tao upang makamit ang nais niya, at hindi lang siya dapat umasa sa nakatadhana sa kanya. Kung umuwi si Esteban noong araw na iyon sa halip na hanapin si Selya, marahil ay hindi na niya ulit ito makikita o hindi niya ito makikilala ng lubos. Kung hindi nagtiyaga si Esteban sa paghahanap kay Selya, hindi niya ito maiuuwi sakay sa kanyang kalabaw, at lalong hindi yayakap ito sa kanyang likod.

Bagamat naging masaya ang wakas ng kabanata para kay Esteban, ang unang pagkakikita nila ni Selya na iyon ang simula ng masaklap na kwento ng pag-ibig na hindi kayang suklian.

Mula sa kwento ng unrequited love ni Esteban kay Selya, dumako ang nobela sa kwento nina Agatha at Nene. Kung dati ay si Selya lang ang walang kwentang magulang kay Nene, ngayon ay parehas na sila ni Bino na hindi nagpapakita ng pagpapahalaga sa kanilang anak. Ang tanging suporta lang na pinakikita nila ay ang pampinansiyal sa pamamagitan ng pagtustos sa pag-aaral ni Nene. Bukod doon, si Agatha na ang umako ng responsibilidad bilang ina ng bata, at si Lope naman bilang ama niya.

Sa pagkabata ni Nene, lubos na malapit ang loob niya kay Agatha. Hindi niya nakikita ang pagkakaiba ng kulay ng balat nila, dahil ang mahalaga lang ay mahal siya ni Agatha at inaalagaan siya nito. Ang mga bagay na hindi kayang gawin ng mga magulang ni Nene, si Agatha lagi ang tumutupad. Halimbawa ay noong isang beses na nakatapak ng lupa ng mga duwende si Nene at nilagnat ito ng ilang araw. Ni hindi alam ng mga magulang ni Nene ang nangyari sa kanya, at si Agatha lang ang nag-asikaso sa bata upang mapagaling ito. Si Agatha rin ang nagturo kay Nene ng mga bagay tulad ng paglalaba at pamamalengke, mga bagay na dapat sa Ina niya natututunan.

Bukod sa mga iyan, dinadala rin ni Agatha si Nene sa Flores de Mayo kung saan sari-saring mga bulaklak ang nakikita nila. Maihahambing ang mga sariwang bulaklak na ito sa relasyon ni Agatha at ni Nene sa kabataan niya: mahalimuyak, maganda, kalugod-lugod, at masaya. Ngunit nang tumanda si Nene, nagbago na ito. Ang dating magiliw na relasyon nila ni Agatha ay namatay, at naging malayo ang loob niya sa babaeng tumayo bilang ina niya. Tulad ng mga papel na bulaklak sa Santacruzan kung saan tumayong reyna si Nene, nawalan ng buhay ang relasyon nila ni Agatha.

-Trixie Conlu

P.S. Groupmates, pinalitan ko yung template natin para mas maganda. Naghahanap ako ng layout na maayos pero wala kong mahanap at nakalimutan ko na kung pano mag-ayos ng html codes, kaya blogger template nalang :)

Sunday, August 2, 2009

Kabanata 5 at 6: Tungkol sa Pag-uudyok at sa Pagtatapat

Masasabing ang ikalima at ika-anim na kabanata ng akdang Ang Sandali ng mga Mata ay mga kabanatang ekspositori, o mga kabanatang nagbibigay ng mahahalagang impormasyon tungkol sa kuwento.

Maikli lamang ang ikalimang kabanata, Ang Alamat ng Mirasol, kaya hindi ako napagod sa pagbabasa nito, ‘di kagaya ng ibang mga kabanata na sobrang haba at punong-puno ng mga mahahalagang pangyayari at mga mensahe ni Alvin B. Yapan na walang kinalaman sa kuwento (tulad ng pagkukuwento ni Esteban tungkol sa mga pinapanood niya sa telebisyon). Medyo nagulat nga ako sa pagiging maikli ng kabanatang ito, sapagkat kahit mga 7 pahina lamang siya, marami pa rin akong natuklasan tungkol sa kuwento at tungkol sa mga tauhan.

Tungkol naman sa ika-anim na kabanata, Estela Maris, Estela Luna, nagbago ang pananaw o point of view ng kuwento mula kay Esteban. Sa kabanatang ito, si Miguel o Boboy ang naging tagapagsalaysay ng kuwento ng kanyang pagkilala at panligaw kay Estela. Nakaitaliko ang kabanata. Sa palagay ko nagpapahiwatig ito na parang pumasok ang mga mambabasa sa utak ni Boboy at nakita natin ang kanyang mga ala-ala at ang kanyang mga iniisip. Iba ito sa paraan ng pagsalaysay ng kuwento ni Esteban. Si Esteban ay nagsusulat ng kuwento sa papel, ngunit nag-iisip lamang si Boboy. Kung gayon, walang malay si Esteban sa mga pagkukuwento ni Boboy, kahit siya ang pangunahing persona sa akda.

Alam na nating lahat kung ano ang naganap sa dalawang kabanata, kaya hindi ko na lang ibubuod ang pareho ng buo. May ilang mahahalagang pangyayari na gusto kong pag-usapan.

*************

Sa simula ng Kabanata 5, ipinagpalagay ni Boboy kay Esteban na si Selya ang may kasalanan sa lahat ng kinasasangkutan ng pamilyang Nueva. Siya ang dahilan kung bakit umalis si Nene sa Sagrada. Isa siyang masamang ina, ayon kay Boboy. Dahil sa mga masakit na salitang isinumpa ni Boboy sa kanyang lola, ikinuwento ni Esteban sa binata ang nakaraan ni Selya, at ang mga pangyayaring naganap habang siya’y nagtrabaho bilang katulong ng mga Nueva bago sumapit ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Kung tutuusin, may katotohanan naman ang mga sinabi ni Boboy. Naalala ko tuloy ang ikalawang kabanata, kung saan pinagawayan nina Selya at Nene si Mr. Edwards (naging masaya pa si Selya noong hindi na bumalik ang Amerikano), at saka ang kabanatang Sa Pagdagsa ng mga Prutas, kung saan pinabayaan niya sina Bino at Agatha na palakihin si Nene. Sa palagay ko, ang hindi pagpapahalaga sa kanyang responsibilidad bilang ina kay Nene ay ang pinakamasama niyang pag-uugali, higit pa sa kanyang pagbastos sa Bombay at sa tangkang pag-aagaw kay Mr. Edwards.

Kung gayon, hindi ba tama si Boboy sa kanyang pagiging galit kay Selya? Marahil. Totoo na minaltrato niya si Nene. Gayon man, gusto ko sanang ipagpanukala na hindi kasalanan ni Selya ang lahat, sapagkat ang pag-uugali niya ay bunga lamang ng kanyang mga naranasan noong dalaga pa siya. Siyempre naman, responsable ang mga tao sa kanilang mga ginagawa, ngunit dapat intindihin natin na ang mga mapapait na karanasan ay minsang nag-uudyok sa atin na magbago, o na gumawa ng mga bagay na hindi kanais-nais.

Si Selya ay halatang nagbago matapos ang handaan sa mansiyon kung saan nakilala niya si Mr. Smith. Ayaw-na-ayaw niyang tumanda bilang katulong lamang, at napuno siya ng pag-asang umangat sa buhay nang nagkakilala ang dalawa. Nawala ito nang umalis si Mr. Smith, at nang kinuha ng Donya ang abanikong naging regalo galing sa Amerikano. Kahit naging sila ni Bino matapos “ligtasin” siya ng tagapagmana ng Hacienda Nuevo sa ilog, hindi ko masabi na minahal talaga ni Selya si Bino. Patunay ang sinabi ni Selya kay Esteban: “kailangan kong sabihin na mahal ko si Bino.” bago pinutol ng dalaga ang kanyang pagkakaibigan sa arbularyo. Parang madali na lang idugtong sa dulo nito “at hindi ang kanyang pera”. Ito ba ang nabanggit na lihim sa pagitan ng dalawa? Na hindi tunay ang kanilang pagmamahal sa isa’t isa? O kaya tungkol ito sa pagsisinungaling nila sa mga magulang ni Bino? Hindi muna natin malalaman ang totoo.

Hindi ako nagulat noong ipinagtapat ni Esteban ang kanyang gusto kay Selya. Naalala ko ang unang dalawang kabanata kung saan nabanggit na nahihiya siya sa arbularyo. Nilungkot ako ng kaunti noong pinagtawanan lamang ni Esteban ang mga pangyayari sa pagitan ng kanilang dalawa ni Selya. Sana naman, kapag tumanda ako gaya ni Esteban, hindi ko mamaliitin o kaya pagtatawanan ang mga ginugunita ko tungkol sa nakaraan, partikular ang mga pangyayari tungkol sa pagmamahal. Nabasa ko ang isang kasabihan ni Aristotle: “youth is easily deceived because it is quick to hope”. Kahit totoo ito, dapat lang ay pahahalagahan natin ang ating kabataan, dahil madali itong mawawala. Tignan natin sina Selya at Esteban.

*************

Binasa ko ang ika-anim na kabanata habang papunta kami sa handaan para sa mga kapamilya kong balikbayan. Habang kumakain kami doon, may isang bisita na tumutugtog sa piano. Matanda na siya. Ayon sa ama ko, isa siyang sikat na jazz pianist sa Pilipinas, at naging kasama sa pagtugtog ni Bobby Enriquez, isa sa mga tinaguriang tanyag na musikero dati. Tumugtog ang piyanista sa handaan ng maraming mga klasikong love songs na Pilipino, tulad ng Kahit Isang Saglit. Hindi ako mahilig sa mga OPM, ngunit napakinig ako sa mga kanta noon gabing iyon. Natanto ko noon kung gaano kalalim ang kahulugan ng mga kanta, at kung gaano kalakas ang mensaheng inilalahad ng mga ito. Naisip ko na sobrang nababagay ang wikang Pilipino sa mga usapan tungkol sa pag-ibig, higit pa ata sa Ingles. Tumatapat nga ata ito sa wikang Prances, na kung minsan ay tinatawagang language of love.

Baka tatanungin sa sarili ang mga mambabasa ng blog na ito, bakit ko ito ikinukuwento? May kaugnayan kasi ito sa mga naramdaman ko noong binasa ko ang ika-anim na kabanata. Sa pagababasa ko tungkol sa panliligaw ng binata sa dalaga, nakuha ko nang lubusan kung gaano kamahal ni Boboy si Estela. Sa pakikinig ko sa pagtugtog ng Kahit Isang Saglit, nakuha ko nang lubusan kung gaano kamahal ni Martin Nievera si Pops Fernandez nung isinulat niya ito. Muntikan na atang tinawagan ko ang aking crush at ipinagtapat ko na ang lahat sa kanya. Sa awa ng Diyos hindi ko tinuloy ang mga balak ko. :)

Ano ang masasabi ko tungkol sa kabanata mismo? Naawa ako kay Boboy. Pinagtaksilan siya ng kanyang Estela Maris, Estela Luna. Matapos ng lahat na dinaanang pagsusubok ng dalawa. Sayang. Mabuti kung hindi nalang tayo nagmamahal.






Biro lang.



Hanggang sa susunod,
Nicholas Price.




Kabanata 5 & 6

Sa kabanata 5 ikwinento ang buhay ni Selya ni Bino. Ipinakita kung saan siya unang nagmula hanggang sa kinaroroonan niya ngayon.Ikwinento dito ang buhay niya bilang katulong sa bahay ng mga Nueva, ang pag-iibigan nila ni Bino at ang pagkikita nila ni Esteban. Itinala dito ang buhay ni Selya, naliligo siya sa ilog tuwing madaling araw, gumagawa ng mga pabango galing sa ilang-ilang, isa siyang mabuting katulong sa pamilyang Nueva, hanggang sa naawa si Bino kay Selya nang inangkin nang kanyang nanay ang abanikong iniregalo sa kanya ng kano. Nagpatuloy ito hanggang sa pag-iibigan ni Bino at ni Selya, ang pagtatagpo lihim nilang pagtatagpo at ang pagkabigo ni Esteban sa pag-ibig ni Selya. Nagtapos ang kwento nang nagsinungaling si Bino sa kanyang mga magulang na buntis si Selya upang sa gayon ay makasal sila at magkatuluyan.

Sa kabanatabng ito, makikita natin ang pag-iibigan ng isang mayaman at isang mhirap na tao. Katulad sa panahon natin ngayon, hindi sang-ayon ang mga magulang ng mayaman na makipagkita sa isang mahirap. Tila bang may deskriminasyon sa ating lugar. Sa akin man lang, kailangan na maalis ang deskriminasyong ito. Pantay-pantay dapat ang tingin ng mga tao sa kapwa din tao. Walang mayaman o mahirap, pantay-pantay lang ang mga tao. Ito ang isang ideyal na tahanan, isang tahanang lahat ng tao ay nagtutulungan at nagmamahalan.

Nagustuhan ko naman ang kabanatang ito dahil dito na ibinuhos ang kwento ni Selya na matagal ko nang gusto malaman. Ito na ang inpormasyong kailangan ko upang maintindihan ko lalo ang mga pangyayari na may kinalaman kay Selya.Kahit papano nalaman ko na ang nangyari sa buhay ni Selya at kung ano ang kanyang mga pangarap at mungkahi sa buhay. Kaya't mas lalo ko nang naintindihan ang iba pang nakaraang kabanata.

Ang kabanata 6 naman ay ang kwento ng pag-iibigan ni Boboy at ni Estela. Mula nung una palang nakita ni Boboy si Estela napa-ibig na siya dito. Linarawan niya si Estela gamit ng mga prominenteng mga tao at ng mga katangiang napakagaganda. Tila bang isang perpektong dalaga si Estrela. Hanggang sa nakilala niya ito sa paggiging kasayawan niya ng tinikling. Nang naipipit ang mga paa nito ng kawayan, ihinatid siya ni Boboy sa kanyang bahay at dun niya nalaman na magkapitbahay lang pala sila. Simula noon naging "close" sila. Lagi nilang kwinekwento ang mga pangyayaring may naiipit hanggang sa magkalindol at hindi sila nasiyahan sa pagkakaipit. Hanggang sa mailabas na ni Boboy ang kanyang nararamdaman sa paggamit nung 5 kwintas ng sampaguita. Simula nun gumawa sila ng kwintas na mag simbolo ng pangako nila at naging makapit ang pag-iibigan ng dalawa.

Tila bang pag-ibig na lamang ang tema ng naunang kabanata at ng kabanatang ito. Sa kabanata 6 ikwinento ang kwento ng pag-ibig nina Estela at Boboy. Ipormatib din ito dahil ang kabanatang ito ang naglilinaw ng mga naunang mga kabanata at maaaring gawin daan sa mga susunod na mga kabanata. Nagustuhan ko ang kabantang ito dahil naaliw ako sa pag-iibigan ng dalawa, hindi ordinaryo ang mga pinag-uusapan at ginagawa nila. Medyo may "uniqueness" ito kung kaya't na bighani ako.

Sa kabuuhan ng dalawang kabanata, maganda naman ang kwento nila, pareho tungkol sa pag-ibig. Nagustuhan ko ang dalawa at para saakin, ang mga ito ay pwede nating iapply sa totoong buhay.

-Matthew Steven D. Tan