Friday, July 31, 2009

Kabanata 5 at 6

Ang ika-limang kabanata ay ang kwento ng buhay ni Selya. Isinasalaysay dito ni Esteban ang ilang mahahalagang bagay sa buhay ni Estela pati na ang kanyang buhay pag-ibig. Sa kabanatang ito, nalaman ko ang dahilan ng ilang mga ugali ni Selya tulad ng kanyang mga ambisyon sa buhay. Siya ay isang katulong sa masyon ng mga Nueva, at bilang isang katulong sampu ng kanyang mga tiyahin, ayaw niyang tumanda bilang isang katulong lamang. Nais niyang umangat sa buhay sa kanyang pagtanda.

Nakamamangha ang pagiging maparaan ni Selya upang mapangalagaan ang kanyang sarili, lalung-lalo na ang ang kanyang kakaibang pabango na gawa sa katas ng ilag-ilang. Sa paglalarawan naman ni Esteban kay Selya, masasabi kong maganda nga talaga si Selya kahit na sa paningin ni Esteban nakabase ang mga pagsasalarawan sa aklat dahil hindi lamang si Esteban ang nabighani sa kanya. Nabighani rin sa kanyang kagandahan ang anak na lalaki ng Don at Donya ng mansyon – si Severino. Naging lihim ang pag-ibig ni Esteban para kay Selya dahil may pagtitinginan sina Selya at Bino para sa isa't-isa ngunit sinabi niya rin ito kay Selya sa bandang huli ng kabanata. Naaawa ako para kay Esteban dahil hindi niya nakuha ang pag-ibig ni Selya. Ngunit sa isang banda, hindi rin naman dapat magsisi si Esteban dahil kay Bino napunta si Selya na tunay din namang nagmamahal sa kanya.

Inilalahad naman ng ikaanim na kabanata ang kwento ng pag-iibigan nina Boboy at Estela. Sa kabanatang ito ng nobela, naiba ang point of view. Ito ay kwento ng pag-ibig nina Boboy at Estela na inilalahad ni Boboy. Ang buhay pag-ibig nilang dalawa ay maihahambing sa marami pang buhay pag-ibig nga mga magkasintahan sa kasalukuyang panahon – karaniwang nagsisimula sa isang pagiging magkaibigan sa klase at magka-ibigan sa kalaunan.

Sa simula ng kabanata, inihahalintulad ni Boboy si Estela sa iba’t-ibang magagandang babae mula sa iba’t-ibang panahon. Tila pinagsama-sama sa iisang Estela ang lahat ng magagandang bagay sa lahat ng nabanggit na mga babae. Parang bumabalik ang kwento ni Bino sa bahaging ito ng kabanata dahil magkatulad ang nakikita ni Bino at Boboy sa babaeng kanilang nagugustuhan – panay kagandahan.

Sa bandang gitna ng kabanata, nabigyang halaga ang metapora ng tinikling sa buhay ng mga tao. Inihalintulad nina Boboy at Estela ang buhay sa pagsasayaw ng tinikling dahil “ipinapahayag nito ang pagtanggap nang malugod sa mga panganib sa buhay.” Tila ito isang pahiwatig sa mga sakunang mangyayari kina Estela at Boboy tulad ng hindi pagpayag ng mga magulang ni Estela na pag-aralin siya sa Unibersidad ng Pilipinas, paghihiwalay nila ng landas, at ang pagkamatay ni Estela kasama ang isa pang buhay sa kanyang sinapupunan.

- Michael Endozo

sayang.

Sa pagbabasa ng kabanatang Ang Alamat ng Mirasol, katangi-tangi ang pagmamahalan ni Bino at Selya. Tulad ng ibang pagmamahalan ay talagang natutong magsakripisyo ang dalawa para maabot ang kanilang hangaring makasama ang isa't isa. Kay Bino, inialay niya ang kaniyang reputasyon sapagkat si Selya nga'y isa lamang na alila habang ang pamilya ni Bino'y mga Don at Donya. Kay Selya nama'y inialay niya ang kaniyang oras at ang matinding pag-asa sa pagbalik ni Bino. Dahil nga handa silang mahirapan para sila'y magkasama, sa huli'y nagkatuluyan din sila.
Para kay Bino nga'y mahirap ding mahalin si Selya dahil sa mga taong kasama niya. Una kasi'y paano na ang pamilya niya? Baka kahihiyan ang ibigay niya sa kanila sapagkat alalay na nga si Selya't siya pa ang nagustuhan niya. Para naman sa ibang mga tao'y maituturing itong nakagugulat dahil malayo ang estado ng dalawa. Kay Selya nama'y nagsakripisiyo siya ng oras dahil kay tagal niyang hinintay si Bino. Dagdag pa rito'y kahit na hindi siya siguradong magkakatuluyan sila ni Bino, nagtiwala pa rin siya. Dahil nga kaakit-akit siya'y maaari naman siyang maghanap ng ibang maiibig. Subalit, umasa pa rin siya at sa kabutihang palad ay nabiyayaan siya ng pagmamahal ni Bino.
Dahil nga sa paghihirap na dinaanan ni Bino at ni Selya, hindi man pisikal kung hindi ay emosyonal at sikolohikal, sa huli nama'y nagkaroon sila ng pagkakataong magmahalan. Pero, sa mga ibang kabanata malalamang parang nag-iba ang pakikitungo ng isa't isa. Si Selya ninais ang napakarangyang buhay at iba na rin ang inatupag ni Bino, ang trabaho niya at si Nene. Malungkot ngang isipin na naghirap pa silang maabot ang hangarin pero nawala rin naman ang pag-iibigan ng dalawa.
- dale.liwanag [k. 5&6]

Thursday, July 30, 2009

Kabanata 5 at 6

Ang ika-lima at ika-anim na kabanata ng nobela ay tumalakay sa dalawang kwento ng pag-ibig. Una ay ang kila Severino at Selya, at ikalawa naman ang kay Estela at Boboy. Hindi ako nainip sa pagbabasa ng dalawang kabanatang ito. Ang ika-limang kabanata ay medyo maikli, ngunit nailahad nang maigi ang kwento nina Severino at Selya. Hindi ko man gusto ang tauhan na si Selya, natuwa naman ako sa kwento nila ni Severino, bagamat may halong lungkot din dahil sa kasawian ng tagapagsalaysay na si Esteban. Dahil nabanggit sa kabanatang ito ang background ni Selya mula nang dalaga pa siya, medyo naintindihan ko na ang iba niyang mga kilos na noong una'y kinaiinisan ko lang. Halimbawa ay ang labis niyang paghangad na makita mula si Mr. Smith at ang pagkahilig niya sa pamaypay na bigay nito, ang kanyang kagustuhang maakit si Mr. Edwards (sa unang dalawang kabanata), etc. Kaya pala siya nag-aambisyon ng mga ganitong bagay ay dahil laki siya sa hirap bilang katulong. Naintindihan ko na kung bakit gustong gusto niyang makaahon sa buhay--dahil nga ayaw niya raw matulad sa mga tiya niya na tumandang mga katulong. Bagamat naipaliwanag ang mga ibang ugali ni Selya, hindi ko pa rin maintindihan kung bakit hindi siya naging mabuting ina kay Nene. Sa aspektong iyon, masasabi kong hindi ko pa rin napapatawad si Selya.

Namangha ako sa paggawa ni Selya ng pabango gamit ang ilang-ilang. Nakikinikinita ko sa aking isip ang kanyang kagandahan dahil sa mga paglalarawan sa kanya sa libro. Pero palagay ko, medyo may bias din ang paglalarawan sa kanya ng tagapagsalaysay dahil nga may gusto rin ito sa kanya. Naawa talaga ako kay Esteban lalo na sa bahagi ng pagbalik ni Severino galing sa paaralan niya, nang puntahan niya si Selya sa ilalim ng punong narra. Hindi manlang kasi nagpaalam si Selya kay Esteban na nakipagkita rin sa kanya noong araw na iyon. Bagamat naaawa ako kay Esteban, parang mas gusto ko naman si Bino para kay Selya kasi kitang kita na mahal na mahal siya nito (kahit na marahil ay hindi karapatdapat si Selya sa pagmamahal nito). Hindi ko gaanong maintindihan ang dulong parte ng ika-limang kabanata, nang sabihin ni Selya kay Esteban na gusto niyang patunayan na pwedeng magpantay ang langit at lupa, at na kailangan niya raw sabihin kay Bino na mahal niya ito, hindi ang kanyang pera.

Sa kabanatang ito rin inihambing si Selya sa Mirasol: "nakapako ang tingin sa pagbabalik ng minamahal," "katulad siya ng mirasol na hinding hindi na mtuturuang ibaling sa iba ang pagsamba sa araw. Si Bino ang araw para kay Selya." Sa kabilang dako naman, sa Esteban din ay isang mirasol, at si Selya naman ang kanyang araw. (unrequited love)

Ang ika-anim na kabanata naman ay tumalakay sa kwentong pag-ibig nina Estela at Boboy. Nag-iba bigla ang pananaw na ginamit sa libro. Hindi na si Esteban ang nagkukuwento kundi si Boboy na. Inihambing sa kabanatang ito si Estela sa sari-saring mga babae. Lahat ng mga babaeng inihambing sa kanya ay magaganda at may magagandang ugali na mayroon din si Estela. Kitang kita sa kabanatang ito na sobrang minamahal ni Boboy si Estela. Parang wala siyang nakitang kapintasan dito. Ang pinakamatingkad na bahagi ng kabanatang ito ay ang diskusyon nina Boboy at Estela tungkol sa sayaw na tinikling. Ang tinikling daw ay tulad ng buhay ng tao. "Sumasayaw" lang tayo sa pagitan ng dalawang nag-uumpugang kawayan. Para kay Boboy, mahalagang matutunan ng tao na maki-"sayaw" sa tugtong ng buhay, sa kabila ng mga problema o nag-uumpugang kawayan. Sabi naman ni Estela, dapat daw isumpa ang tinikling dahil "pinatatatag nito ang iyaking mga Filipino sa pgiging istoiko. Tanggap lamang nang tanggap gayong maaari namang makipaglaban."

Bagamat ibang-iba sila ng pananaw sa maraming bagay, sa dulo ng kabanata ay naging sila rin. Nangyari ito nang bilhan ni Boboy si Estela ng mga kuwintas ng Sampaguita mula sa isang bata (na tinutulan pa ni Estela dahil daw sa sindikato lang napupunta ang pera), at nang tanungin ng lalaki si Estela kung maaari raw bang siya na ang maging kasayaw niya sa tinikling ng buhay. Ngumiti si Estela, at doon na sila naging mag-nobyo. Pinakikita lang ng kabanatang ito na kahit sobrang magkaiba ang dalawang tao, maaari pa rin silang magmahalan :)

-Trixie Conlu

Sunday, July 26, 2009

Kabanata 3-4, tungkol sa mga mikropono at mga mangga

Masasabi ko na kakaiba ang estilo ni Alvin B. Yapan. Hindi ko siya maihambing kahit kanino man. Mailalarawan ko lamang siya gamit ng isang salitang Ingles, post-modernist. Epektibo kasi ang paggamit niya sa mga makabagong teknik sa pagsusulat, tulad ng kabalintunaan, pastiche o ang pagdikit-dikit ng mga elemento ng iba’t ibang genre ng katha sa kanyang akda, at ang pagiging magulo ng daloy ng banghay dahil sa paggamit ng flashback.

Parang habang pinapaandar ng awtor ang nobela sa pamamagitan ng mga pangyayaring may kinalaman sa banghay nito, ginagamit din niya ang nobela upang mamahayag sa mga mambabasa ang kanyang mga paniniwala o opinyon tungkol sa lipunan. Sa palagay ko, kung ang nilalaman ng nobela ay tungkol lamang sa banghay nito, hindi lalampas ito sa 150 pahina. Pinuno ni Yapan ang nobela ng mga obserbasyon niya at mga aral na nais niyang ihayag sa mga mambabasa, at nakakarating ito sa atin sa pamamagitan ni Esteban. Parang si Esteban ay ang mikropono ng awtor. Kung ano ang gustong sabihin ni Yapan, ito ang sinasabi ni Esteban sa akda.

Patunay dito ay ang pagkukuwento ng awtor tungkol sa tauhang Bombay. Hindi ko talaga matukoy kung kailangan ng nobela ang tauhang ito. Sa palagay ko ay isinama lamang ng awtor ang Bombay upang maipakita sa mga mambabasa kung paano tinitignan ng mga taga-probinsiya ang isang katulad niya. Paano ba inilarawan ang Bombay sa nobela? Nagpapautang siya (five-six pa!). Nakasuot siya palagi ng turban. May dala siyang patalim upang patayin ang kahit sinumang hahawak sa kanyang buhok. Maaari nga, ang naganap sa pang-apat na kabanata sa pagitan nina Selya at ang Bombay ay isang kariktura lamang ng totoong sitwasyon. Maihahambing ito sa mga pagsusulat ni Jose Rizal, kung saan pinalabisan niya ang paglalarawan sa mga prayle upang bigyang-diin ang kanilang mga masasamang ugali sa mga Filipino (walang katapusan ang pagsisinungaling ni Pade Irene, at si Padre Camorra ay sobrang babaero).

Isa pang napansin kong ehemplo ng paggamit ng awtor sa nobela bilang karikatura ng lipunan ay ang pagkuwento ni Esteban tungkol sa mga pinanonood niya sa telebisyon sa pangatlong kabanata. Nabigla’t napatawa pa ako sa bahaging ito dahil parang wala na itong kinalaman sa kuwento. Parang hindi na si Esteban ang nag-uusap, kundi si Alvin B. Yapan na nang-aaral.

Marami pa, kasama na rito ang pagsusulat tungkol sa mga alamat ng mga alamat, nguni’t hindi ko na sila babanggitin dahil masyado nang humahaba ang aking blog at hindi pa ako nagsusulat tungkol sa mismong mga kabanata!

Sa nakaraang blog nagsulat ako tungkol sa tagpuan. Ngayon, gusto ko lang banggitin ang ilang mga kapansin-pansin na pangyayari sa kabanata 3-4 at bigyan ang mga ito ng reaksyon. Simple lang. Pipigilan ko sana ang sarili ko kapag napansin ko na nagtatype na naman ako tungkol sa mga mikropono o karikatura. Masyadong natagalan ako sa mga bahaging iyan.

Unang-una, noong binasa ko ang nakaraang mga kabanata, alam ko na buntis si Estela, nguni’t hindi ko naisip na hindi pala si Boboy ang ama ng bata. Naku. Ito na ang pangunahing katanungan sa nobela. Sino ang ama? Kung minamahal talaga ni Estela si Boboy, bakit siya pinagtaksilan? Bakit ito nagpakamatay? Sa palagay ko’y ito ang magiging susi sa pagpapaandar sa kuwento.

Kahit ilang beses kong binasa ang bahagi tungkol kay Kadungung, Yling, at Fray Bernardino, nalalabuan pa rin ako sa kuwento ng Ibalong at kay Oryol. Ang naintindihan ko lang ay parang may sariling buhay (o kaya kaluluwa?) ang kuwentong ito. Niligtas nga ng kuwento ang taong nakakaalam dito. Sana sa mga susunod na kabanata ay magiging malinaw na ang kababalaghan ng kuwento ng Ibalong.

Nasabi ko na ang katakatakang pagpapakamatay ni Estela ay ang pangunahing susi sa kuwento. Mali pala. Mahalaga ring malaman ng mga mambabasa kung ano ang mga lihim sa pagitan nina Selya at Bino. Maraming misterio sa kuwentong ito, hindi ba? Sana malalaman natin tungkol sa mga lihim sa pagitan ng dalawa at ang napansin kong ugnayan nito kay Nene. Hindi pala lamang si Esteban ay nakakakita sa mga aswang...sila Bino na rin!

Isa sa mga paborito kong bahagi sa unang apat na kabanata ay ang paglarawan sa mga aral na natutunan ni Nene dahil sa mga prutas. Parang may mahalagang aral na naibahagi kay Nene ang bawat prutas sa hacienda ng mga Nueva. Halimbawa, natutunan ni Nene ang halaga ng paghihintay sa mga mangga. Totoo naman na kailangang hintayin maging hinog ang mangga, nguni’t ngayon ko lang naisip na puwedeng iaplay ang aral ito sa totoong buhay. Puwede naman siguro... :)

Salamat na lang sa inyong paghihintay para matapos na ang blog na ito.

-Nicholas Price
Kabanata 3 - 4

Saturday, July 25, 2009

Kabanata 3 at 4

Nagsimula ang ikatlong kabanata sa panggagamot kay Boboy ni Esteban sa kanyang lumang bahay sa gitna ng kagubatan ng Sagrada. Pinamahayan na ng ibang nilalang ang bahay ni Esteban dahil matagal na rin niya itong hindi natitirahan simula noong pumanaw ang kanyang mga magulang noong panahon ng Hapon. Doon isinasalysay ni Esteban kay Boboy ang kwento ng Ibalong. Ngunit, lahat ng ito ay kwento lamang ni Esteban (flashback) habang isinusulat niya sa papel ang walang katapusang kwento ng Ibalong sa loob ng kanyang inuupahang kuwarto sa Maynila.

Ipinapakita sa kabanatang ito ang pag-unlad ng kaalaman ng tao. Ipinapakita rito, sa pamamagitan ng katauhan ni Esteban, ang ebolusyon ng panitikan mula sa pasalita patungong pasulat. Sa pagsulat, mapapatili ang mga detalye at maiiwasan ang pababawas at pagdadag ng mga bahagi sa isang kwento.

Sa ikaapat na kabanata, binabalikan ni Esteban ang buhay ni Nene – simula noong siya ay ipagbuntis ng kanyang inang si Selya hanggang sa kanyang kabataan. Binibigyang pansin ang katauhan ni Nene sa kabanatang ito. Naipaliliwanag din sa kabanatang ito ang ilang ugali ni Nene dahil sa mga natutunan niya sa mga prutas sa hacienda ng kanyang ama. Maraming natutunan si Nene na hindi matutunan sa paaralan, sa aklat o sa mga pangaral – ang mga ito ay naututunan lamang ni Nene sa sariling niyang mga karanasan sa hacienda kasama ang kanyang ama at ang katulong na Agtang si Agatha.
- Michael Endozo

nakaraan.

Sa huling blog ko'y pinag-usapan ko ang kahalagahan ng pakikipag-usap. Tinalakay ko kung gaano kaimportante para sa ibang tao ang kakayahang makipag-usap ni Esteban sa mga kababalaghan. Subalit, sa kabanata tatlo at apat ay may natagpuan akong kasinghalaga o mas mahalaga pa sa pakikipag-usap. Ito ay ang salitang pasulat o ang mismong pagsulat. Mahalaga kasi ito ayon sa nobela dahil hindi ito nababago. Ito nga ang isa sa dahilan kung bakit sinulat ni Esteban ang kwento ng Ibalong.
Ito nga ang ginawa ni Esteban. Sinulat niya ang kwento ng Ibalong. Si Fray -- nga rin ay sinubukang isulat ito. Nabanggit nga na ang kwentong ito'y hindi matatapos kailanman. Dahil dito'y sinulat ni Esteban ang kwento dahil ninais niyang matapos na rin ito. Isa pa'y para na rin daw hindi na ito mabago ng iba. Sa pasalita kasing pagkkwento ay napakadaling mabago ang iilang bahagi. Gusto na niya ring panatilhin ang tunay na mga nangyari sa kwento ng Ibalong.
Lumalabas na sa apat na kabanata ay mahalaga ang mismong salita. Ito man ay maaaring pagbigkas o pagsulat. Subalit, nakadepende sa sitwasyon kung anong uri ang mas nararapat. Kapag sa pagbabahagi ng bagay-bagay ay mahalaga ang pagbigkas. Pero, kapag ninanais ng itago o itala ang mga detalyeng mahalaga, kailangan na itong isulat. Ito nga ang ginawa ni Esteban. Ito ang paraan para ang kwento ng Ibalong ay hindi mabago at mapanatili ang tunay nitong halaga.
-dale.liwanag [k. 3&4]

Friday, July 24, 2009

Kabanata 3 at 4

Ang pangatlong kabanata ay nagsimula sa gubat, kung saan ginagamot pa rin ni Esteban si Boboy. Mas mabuti na ang kalagayan nito kumpara sa ikalawang kabanata, marahil dahil sa kapayapaang natatamo niya sa gubat. Isang araw daw, umuwi sa gubat si Esteban galing sa bayan, at nakitang wala si Boboy sa kubong tinitirhan nila. Natagpuan niya ito sa ilog, tinitingnan ang mga takay sa ilog. Tinanong ni Boboy kung bakit daw kulay lila ang mga bulaklak nila, at sinabi ni Esteban na minsa'y ikukuwento niya raw sa kanya kung bakit. Doon na nagsimula ang pagsasalaysay ni Esteban ng kuwento ng Ibalong na tungkol kila Baltog, Handiong at Bantong, ang mga bayani ng Bicol.
Sa bandang ito ng kabanata ako medyo naguluhan. Ang dami dami kasing mga bagong pangalan na bigla nalang
ng tagapagsalaysay. Ayos lang sana kung binibigyan niya muna ang mga ito ng kahit maikling introduksyon (kung sino sila, ano ang koneksyon nila sa mga ibang nabanggit nang mga tauhan), pero walang introduksyon, kaya medyo nakakalito. Halimbawa ay si Bino. Hindi naman nabanggit si Bino sa mga unang kabanata (ang nabanggit ay "Severino", at hindi naman sinabing siya rin pala si Bino, ni hindi rin nasabi kung ano ang relasyon niya sa ibang tauhan sa mga unang kabanata), naipakilala lamang siya ng lubusan sa ika-apat na kabanata pero ilang beses na binanggit ang pangalan niya sa ikatlong kabanata. Hindi ko rin maintindihan kung ano ang kahalagahan ni Yling sa kabanatang ito. E ano naman kung kalbo siya at nasasabik siyang ikwento ni Kadungung ang kuwento ng Ibalong? Paano iyon naging mahalaga sa kabanata? Iyon ang hindi ko maintindihan.
Binanggit ni Esteban ang pagkukuwento ni Kadungung kay Fray Bernardino ng kuwento ng Ibalong. Sinabi niyang ibang iba ang bersyon ni Fray Bernardino sa narinig niyang kuwento, at ang mga dahilan kung bakit daw iba ang bersyon niya ay uminog sa kanyang pagiging dayuhan na nais maglagay ng iba't ibang variations sa kuwentong Pilipino (tulad ng mga karaniwang dayuhan na nais impluwensiyahan ang mga Pilipino, at baguhin ang maraming bagay sa Pilipinas noong panahon ng pagkagapi). Sa bahaging ito ng kabanata ay nainip ako ng lubusan dahil sa halip na dumeretso na si Esteban sa pagkukuwento ng kuwento ng Ibalong, sobrang dami pa niyang sinabi tungkol kay Fray Bernardino at sa mga posibleng dahilan ng magkaibang bersyon ng kuwento. Sa pahina 40, unang kabanata, makikita ang napakaraming haka-haka ni Esteban tungkol kay Fray Bernardino.
Matapos talakayin ni Esteban si Fray Bernardino, nagkuwento pa ulit siya ng tungkol sa insidente ng muntik nang pagkamatay ng huling may alam ng kuwento ng Ibalong sa Cagsawa Church. Muli, tila nang bitin lang ang tagapagsalaysay sa pagkuwento niya ng kuwento ng Ibalong. Nang sa wakas ay ikuwento na ni Esteban ang tungkol sa tatlong bayani ng Bikol, nang bitin nanaman siya sa dulo nang ihinto niya ang pagkukuwento sa pagkakatulala ni Handiong sa pagpapakita ni Bantong ng bangkay ni Rabot. Hindi ko alam ngayon kung tapos na ba o ano ang kuwento ng Ibalong. Kung talgang iyon na ang wakas ng kuwento, hindi ko alam kung pano i-iinterpret ang pagtatapos nito.
Sa kabanata 4 naman, isinalaysay ang kuwento ng pamilya nina Selya, Severino at Nene. Aksidente ang pagkabuntis ni Selya, kaya sa umpisa pa lang, nang sinabi niyang nais niyang ipalaglag ang bata, ay mahihinuha na ng mga mambabasa kung anong klaseng ina siya magiging. Nang ipanganak nga ang batang si Nene, naging walang kwentang ina si Selya sa kanya. Awang-awa ako kay Severino o Bino dahil ang nabuntis niya ay isang taong tulad ni Selya. Maramot siyang babae, at wala siyang insip kung hindi ang kanyang sarili. Inuuna pa niya ang pagpapaganda kaysa sa pag-alaga ng anak niya. Simpleng pagpapa-dede ay hindi niya pa magawa, gayong ang agtang si Agatha, na wala namang asawa o anak, ay nagawa ito para kay Nene. Masuwerte na lang si Nene na may ama siyang tulad ni Bino. Sobrang bait ni Bino, at hanga talaga ako sa kanya. Ang responsibilidad ng parehong ama at ina ay inako na lamang niya. Siya ang nagtratrabaho para sa pamilya, at siya rin ang nag-aalaga kay Nene.
Binanggit din sa kabanatang ito ang isang insidente tungkol kay Selya at sa isang Bombay sa Sagrada. Natawa ako sa bahaging ito ng kabanata. Pasalamat nalang si Selya at ang asawa niya'y matalino at marunong makitungo sa tao, kundi baka namatay na talaga siya.
Inilahad sa dulo ng kabanata ang kaugalian nina Nene at Bino na magpitas ng mga prutas sa kanilang hacienda, sa iba't ibang mga buwan ng taon. Nakakatuwa ang bahaging ito dahil ipinakita kung gaano kalapit ang loob ng mag-ama sa isa't isa. Ang pagpitas ng bawat uri ng prutas ay may leksyon para kay Nene (halimbawa: natutunan niya ang halaga ng paghihintay sa pagpitas ng mangga, na kinailangang bigyan ng panahon upang dumilaw at manamis)--mga magagandang asal na tanging sa ama niya at kay Agatha niya lamang natutunan.
-Trixie Conlu

Kabanata 3-4

Sa kabanata 3 ikwinento ang epiko ng ibalong. Ang buhay ng tatlong bayani sa kwentong ito at kung bakit sia naging mga bayani ng kabikolan. Dito rin sa kabanatang ito "criniticize" ng may-akda ang isang bersyin ng ibalong ng isang prayleng kastila. Sabi niya na kulang kulang daw ang gawa nito. Narinig amang daw niya ito sa isang dayuhan at isinulat kung kaya't kulang kulang ito.

Sa kabanata 4 naman kwinento ang buhay ni nene at kung pano siya pinalaki ng kanyang mga magulang. Kung pano siya inabandon ng kanyang ina at kung pano siya inaagaan ng kanyang ama. Ang buhay niya sa hacienda at ang pagkasunod-sunod ng buhay niya sa hacienda ng kanyang tatay.

Sa kabuuhan, nagustuhan ko ang kabanatang ito dahil hindi gaya sa naunang kabanata na medyo nakakaantok, ang mga kabanatang ito ay may halaga at nakabigay sakin ng aliw. Mas lao na yung kabanata 3 dahil dito ikwinento ang ibalong na matagal ko nang hinihintay malaman kung ano talaga yan. Ang kabanata 4 naman ay halos buhay ni nene. Kung pano siya nabuhay at binuhay ng kanyang mga magulang. Kung anu-ano ang mga pinagdaanan niya hanggang sa tumanda siya.

Ang dalawang kabanata na ito ay nagbibigay sa akin ng idea kung ano ang mga susunod na mangyayari. Para itong nagbibigay ng foreshadowing dahil sa pamamagitan ng mga impormasyon sa mga kabanatang ito mas maiintindihan ko ang kabuuhan ng nobela. So para saakin mahalaga ang kabanatang ito, hindi masyadong boring gaya nung naunang mga kabanata at mas naintindihan ko ang kwento.

-Matthew Tan

Friday, July 17, 2009

Kabanata 1-2, Nicholas Price

Ang akdang Ang Sandali ng mga Mata ay ang ikalawang nobelang Filipino lamang na sinubukan kong basahin. Nang binigay sa atin ang gawaing ito (ang pagbabasa at pagboblog tungkol sa akda), kinabahan ako dahil kahit sa maikling kuwento, nahihirapan akong magkaintindi, madalas dahil sa kakulangan ng interes o kawalang ng kayang makipagugnay sa kuwento.

Nagkatotoo ang aking mga pangamba nang simulan ko ang pagbabasa sa unang kabanata, Ang Paglibing ng Isang Saging. Tila higit pa ang oras na pinagpalipas ko sa pagbabasa ng diksiyonaryong Filipino-ingles kumpara sa akda. Mabuti naman na nagustuhan ko agad ang kuwento matapos basahin ang ilang pahina lamang, kaya hindi nagtagal ang paghihirap ko. Kahit may mga salita pa rin na parang mga taong di ko kilala na nakatitig sa akin galing sa mga pahina, nakuha ko pa rin ang konteksto ng karamihan ng mga salitang ito. Binasa ko ang unang dalawang kabanata nang maigi dahil naiinteres ako sa kuwento at hindi lang dahil kailangan kong basahin para sa grade.

Dahil medyo huli ang pagpost ko sa blog na ito, nabasa ko ang mga entry ng mga kasama ko sa Tropang Longganisa. Nagsulat sila tungkol sa mismong kuwento (plot) ng unang dalawang kabanata at ang ang mga tauhan nito (partikular si Esteban at Nene). Sa palagay ko ay wala na akong maibabahaging tangi sa blog tungkol sa kuwento o mga karakter, kaya magsusulat na lang ako tungkol sa isa pang mahalagang elemento ng katha, ang tagpuan.

Mahalaga ang tagpuan sa anumang kuwento dahil ito ay nagbibigay realidad dito. Mas madaling makipagugnayan at makipagvisualize ( :) ) ang mga mambabasa sa isang kuwento kapag epektibo ang paglarawan sa tagpuan. Ang tagpuan ay hindi lamang limitado sa pisikal kundi sa kabuuang konteksto din ng kuwento. Ang Sandali ng mga Mata ay nakatagpo sa isang salin (version) ng Pilipinas kung saan namamarati ang mga kapre, aswang, manananggal at iba pang mga obheto ng mga paniniwalaang Pilipino. Hindi lang sila kuwento pampatakot ng bata. Totoo sila...naninigarilyo sa itaas ng mga puno, nakikisali sa mga handaan ng mga buhay, at nagpapalit ang mga bangkay sa puno ng saging.

Sa pisikal naman na konteksto, ang unang dalawang kabanata ay nakatagpo sa Maynila, kung saan lumipat si Esteban mula sa Sagrada. Nagsusulat siya tungkol sa mga pangyayaring naganap sa bayan na iyan, gamit ng flashback. Inilarawan ng may-akda sa pamamamagitan ni Esteban ang kuwartong tinitirhan ng pangunahing karakter. Maliit ito at madumi. Nabanggit pa na may mga ipis doon. Nararamdaman ko talaga ang sikip na nararanasan ni Esteban sa kuwartog iyan. Mabisa nga ang paggamit ng pagsasalungat o contrast ng awtor sa mga tagpuang Maynila at Sagrada. Ang Maynila ay madumi, masikip, at moderno, at ang Sagrada naman ay nasa probinsiya kaya sariwa ang hangin at may gubat sa tabi ng bayan. Inilalarawan din ng mabuti ang bahay ng mga Nuevo. Ang kagubatan sa kapaligiran ng Sagrada ay isa ring mahalagang tagpuan. Dito nagkita sila Estela at Boboy at dito bumalik ang dalawa, si Estela patay, si Boboy buhay. Dito dinala si Boboy upang bantayan ni Esteban habang siya’y maysakit.

Sa palagay ko, malaki talaga ang kontribusyon ng elementong tagpuan sa kabuuang epekto ng akda sa mga mambabasa.

Ang nakakatawa naman sa kuwento ay parang kakilala ng arbularyo ang karamihan ng mga kaluluwa sa Sagrada, nguni’t napapansin ko pa rin na ang mood ng kuwento ay medyo dark, dahil sa mga binabanggit ni Esteban tungkol sa Oryol at sa alamat ng Ibalong.

Excited na akong basahin ang dalawa pang kabanata!

- Nicholas Price

kabanata 1 & 2

Sori Sir kung ngayon lang, hindi kasi nabigay sakin yung email and password eh. Ngayon ko lang po nakuha.

Pagkatapos kong basahin ang kabanata 1 and 2 ng librong Ang Sandali ng Mga Mata ni Alvin B. Yapan. Marami akong naalaman na hindi ko pa nalaman dati. Medyo familiar sakin yung kwento since taga-bikol ako at ang kwentong ito ay ukol sa rehiyong iyon. Ang paniniwala sa mga albularyo, mga kaluluwa at iba pa. Dahil taga bikol ako specifically camarines sur maalam ako sa epikong ibalong at yung iba pang kwentong bikolano na nakasaad sa librong ito. Dito makikita ang paniniwala ng mga tao sa mga ganitong mga supernatural creatures. Base sa aking sariling karanasan totoo ang mga kwentong nakasaad sa libro, nakwento na saamin ito dati ng mga nakatatanda. Ito ang kwento ni Estella at ni mang esteban at ng oryol. Medyo natakot ako nung una ko tong marinig dahil sobrang realistic niya.

Dito pinapakita yung mga tradisyon ng mga pilipino yung mga magaganda at masasamang tradisyon na sinusunod natin hanggang ngayon. Ang paniniwala sa folklore at mga kasabihan ng ating mga ninuno hanggang ngayon ay nandito pa rin. Pinapasa ito ng mga matatanda sa kanilang mga anak at sa darating pang henerasyon.

Sa sunod na kabanata naman kwinento ang buhay ni nena, isang babaeng magaling, matalino, at masipag. Galing niyang mag negosyo at maagdiskarte para sa kanyang negosyo. Yun nga lang nagbago buhay niya ng makilala niya ang dayuhan na gusto siyang pakasalan. Nagbago si nena sa pagiging isang magaling na babae sa pagiging isang babaeng naniniwala na lang sa swerte at handang hanapin ito upang gumanda daw ang kanyang buhay.

Overall naman nagus2han ko yung kwento niya. Medyo familyar na kasi ako at alam ko ang mga lugar na ito kung kaya't medyo realistic talaga para sa akin.

-Matthew Tan

Kabanata 1 at 2

Kakatapos ko lang basahin ang unang dalawang (first two) kabanata ng nobelang Ang Sandali ng Mga Mata ni Alvin B. Yapan kagabi. Nagsimula ako noong Martes, at pahintu-hinto ako sa pagbabasa dahil nakakatakot ang mga pangyayari sa mga unang pahina. Literal na kumakabog ang puso ko habang binabasa ito, lalo na nang malaman kong nakakakita pala ng mga kaluluwa ang nagsasalita o narrator sa nobela na si Esteban. Natakot ako lalo sa parte na kinausap ni Esteban ang kaluluwa ni Estela, na nagpunta sa gubat. Ang CREEPY :( (pwede ba taglish dito?)

Bagamat nakakakaba, natuwa rin naman ako sa pagbabasa.

Ipinakita sa unang kabanata ang mga tradisyon at paniniwala ng mga Pilipino, partikular na sa mga folklore. Halimbawa ay yung paniniwala na kapag nakakita ka ng taong pugot ang ulo, ibig sabihin ay mamamatay siya. Noong burol din ni Estela, nabanggit din na mayroong manananggal sa bubong ng bahay nila na nais nakawin ang katawan ng dalaga. Uso rin sa bayan ng Sagrada ang mga albularyo, na naipakita naman noong “nasapian” si Boboy matapos siyang pumuntang gubat para hanapin si Estela. May mga bahagi sa unang kabanata na hindi ko pa maintindihan, tulad ng nababanggit na paulit ulit na kwentong Ibalong pati kwento ng sawang si Oryol. Siguro malalaman ko pa ang tungkol diyan sa mga susunod na kabanata.

Sa ikalawang kabanata, ikinwento naman ang buhay ni Nene na nanay ni Boboy at anak ni Selya. Magaling na babae si Nene. Matalino siya at maparaan. Ang galing niya mag-isip ng mga bagay na maaaring gawing negosyo. Inumpisahan niya sa bayan ng Sagrada ang pagbenta ng yelo, ang manukan at babuyan, sari-sari store at kung anu ano pang mga negosyo na naging tanyag sa lugar na ito. Parating ginagaya ng mga tao sa Sagrada ang mga ideya ni Nene kung kaya naman tuwing makakaisip siya ng bagong i-nenegosyo, laging sa umpisa lang ito lumalago dahil sa paglaon ng panahon, dumarami ang kanyang mga kompetisyon. Ito mismo ang dahilan kung bakit nasabi ni Esteban na may ugaling alimango o crab mentality ang mga tao dito. Nang makilala ni Nene si Mr. Edwards, sa Amerikanong ito na umikot ang mundo ng babae. Pinag-aagawan pa nga ng mag-inang Nene at Selya ito. Sa huli, si Nene ang nagwagi dahil siya ang inalok ng kasal ng lalaki. Hindi rin ito natuloy sa kalaunan dahil nawala nalang si Mr. Edwards nang mapagtanto nila ni Nene na hindi rin magiging malago ang negosyong department store sa Sagrada dahil malalaman at malalaman din ng mga tao kung saan galing ang mga produkto, at siguradong gagayahin nanaman ang negosyong ito. Hindi huminto si Nene sa paghahanap kay Mr. Edwards nang maglaho ito. Nagawa pa niyang iwanan ang kanyang anak at ina para lang subukan ang kanyang swerteng mahanap ang lalaki sa Amerika.

Tinapos ni Esteban ang ikalawang kabanata sa malungkot na pagsabing nagbago si Nene mula sa pagiging mahusay na babae ng simulain tungo sa pagiging isang manggagaya at mapanghangad na tao sa kulturang Amerika—katulad na rin ng halos lahat ng Pilipino.
-Trixie Conlu :)

Kabanata 1 at 2

Matapos kong mabasa ang dalawang pambungad na mga kabanata ng nobelang “Ang Sandali ng mga Mata” ni Alvin B. Yapan, marami akong nalaman tungkol sa mga pamahiin o paniniwala ng mga Pilipino. Nalaman ko rin ang ilang pangit na ugali ng mga Pilipino.

Ang Libing ng Isang Saging. Ito ang pamagat ng unang kabanata sa nobela. Nagtaka ako noong una kong nabasa ang pamagat, hindi ko akalain na literal na sa libing ng isang puno ng saging matatapos ang kabanatang ito. Ipinapakita sa kabanatang ito na matibay ang paniniwala ng mga Ibalong sa mga dwende, engkanto, at iba pang lamang lupa. Habang umuusad ang Siyensiya at Teknolohiya, hindi pa rin nawawala ang ganitong mga paniniwala dahil malalim ang pinag-uugatan ng mga ito. May kani-kaniya ring dahilan ang tao upang maniwala o di-maniwala sa mga bagay na ito.

Ipinapakita naman sa ikalawang kabanata – Nagsimula sa Panahon ng Yelo – binibigyang pansin ang karakter ni Nene. Kahit na tila niloloko lamang ni Mr. Edwards si Nene, naging magaling pa rin si Nene sa mundo ng pagnenegosyo. Sa simula ay si Nene ang nagpapasimula ng mga bagong negosyo sa Sagrada. Nagsimula si Nene sa simpleng pagtitinda ng yelo hanggang sa mapunta siya sa pagbebenta ng mga “imported” na bagay. Ngunit, sa pagtatapos ng kabanata, si Nene na isang “babae ng mga simulain ay sa huli’y natuto na ring manggaya.”

Interesante ang unang dalawang kabanata. Naglalahad ito ng mga mabubuti at pangit na ugaling at paniniwalang Pilipino. Nagustuhan ko sa kabuuan ang unang dalawang kabanata ng nobela.

- Michael Endozo

kakayahan.

Sa pagbabasa ng unang dalawang kabanata ng nobelang Ang Sandali ng mga Mata ni G. Yapan, may isang natatanging katangian ng pangunahing tauhan na ako'y naakit. Ito ay ang kakayahang makipag-usap sa mga kaluluwa, aswang at kung ano mang itinuturing nating kababalaghan sa panahon ngayon. Napakahalaga ng katangiang ito sapagkat tumutulong ito sa pag-andar ng kwento. Ito ang nagpapaiba sa ibang mga normal na tao at mga taong hindi kayang makakita ng mga kakaiba. Subalit sa mga pangyayari sa dalawang kabanata, ang kaibahang ito ay maituturing na mabuti sapagkat may mga problemang nagamit ng pangunahing tauhan ang mga kakahayan niya upong makatulong.
Sa pamamagitan ng simpleng pakikipag-usap sa mga kababalaghan, nakakatulong na ang pangunahing tauhan. Sa pakikipag-usap kasi sa mga kaluluwa, nakakakuha siya ng mga impormasyon na hindi nalalaman ng karaniwang tao. Ito nga ay dulot ng pagkakaroon ng komunikasyon sa mga kaluluwa. Dahil nga dito'y nalalaman niya ang katotohanan ng ilang pangyayari na sa karaniwang tao'y iba na lamang ang pinaniniwalaan. Tulad nga rito ang nangyari sa katawang kinuha ng manananggal at pinalitan ng puno ng saging. Sa kakayahan pa nga'y nakakaprotekta pa siya ng ibang tao sapagkat minsa'y nailalayo niya ang ilan sa kapahamakang galing sa mga aswang.
Imbes na matakot sa mga kaluluwa at mga aswang at gawin ang lahat upang layuan ang mga ito, naiiba ang pangunahing tauhan. Sa iba kasi'y maituturing na sumpa ang kakayahan niya pero sa kanya'y biyaya pa ito hindi man sa kaniya, biyaya naman sa iba. Kahit na posibleng mangyaring ayaw niya pa rin ang kakayahang ito sapagkat iba naman talagang makakita ng mga kaluluwa at aswang, nangyayari pa ring pahalagahan niya ito sa pamamagitan ng paggamit ito para sa kabutihan.
-dale.liwanag [k. 1 &2]