Friday, October 16, 2009

Ang Huli.

Ang responsibilidad ng isang tagapagsalaysay: kung kailan ibubunyag ang lihim ng bawat kuwento. Nang hindi nagagalit ang kaniyang mga tagapakinig o mambabasa.

Ito ang binanggit ni Esteban na paglalarawan sa kanyang ikinukuwento. Sa palagay ko at gaya ng mga sinulat ko sa nakaraan, ito din ang nais ipahiwatig ni Alvin Yapan tungkol sa kanyang kuwento. Ang akdang Ang Sandali ng mga Mata ay isang epikong alamat, isang mahabang kuwento kung saan sakop ang nakaraan, sa pamamagitan ng pagsasalaysay ng ibang mga alamat at mito, ang kasalukuyan, sa pamamagitan ng pagkukuwento sa mga nagaganap na pangyayari sa bayan ng Sagrada at sa Maynila, at pati ang kinabukasan, dahil sa abilidad ni Esteban.

Gumagamit nito ng mga modernong paraan ng pagkukuwento tulad ng kabalintunaan at realismo, at ang mga karakteristik ng isang tradisyunal na akda, tulad ng pagging idealistiko ng pagmamahal (ngunit may ilan ring elementong moderno sa paksa ng pag-ibig) at paggamit ng alamat tungkol sa kalikasan. Isa itong akdang Filipino, at ang pinakamataas na antas nito, dahil hindi lang ito nagugustuhan ng mga mambabasa kundi napag-iisipan na rin, (at least in my case).

Kung may natutuhan ako sa pagbabasa ng ASNMM, ito yun: Mahalagang-mahalaga ang nakaraan, at hindi natin kayang paalisin ang kahalagahan nito sa ating buhay. Magkaugnay ang nakaraan at ang kasalukuyan, at sa palagay ko ang isang matalino at matagumpay na tao ay natututo sa kanyang nakaraan. Inilalarawan ito sa ika-19 kabanata, Ang Alamat ng Lilang Takay, kung saan inihambing ni Esteban ang alamat ni Handiong kay Nene. May paralelismo sa pagitan ng mga pangyayari sa alamat at sa totoong buhay, gaya ng may paralelismo din ang nakaraan sa kasalukuyan.

May kamalayan naman ang mga tauhan ng ASNMM tungkol sa kanilang nakaraan, ngunit hindi sila natututo, kaya umulit lang nang umulit ang mga pangyayari na parang isang siklo. Si Selya ay naging masamang ina kay Nene, at sa ibang paraan, ngunit dulot ng magkaugay na pagkakamali, naging masamang ina din si Nene kay Boboy.

Nasabi ko na nagustuhan ko ang akda, ngunit medyo nabigo ako sa wakas. Hindi natin nalaman kung bakit pinagtaksilan ni Estela si Boboy o kung kanino. Hindi tayo sigurado sa kinahinatnan ni Nene. Hindi natin nakita ang bahaging ginampanan ni Oryol sa kuwento. Medyo kulang sa akin ang konklusyon, ngunit masasabi ko na intensyunal ito, dahil sa totoong buhay hindi basta-basta’y nalulutas ang mga problema.

Huling salita tungkol sa akda: Paano ba nanganganak ang isang alamat? Tanong ni Esteban. Sa palagay ko sinagot niya ang sarili niyang tanong sa paggagawa ng alamat para sa kaluluwa. Gumawa siya ng kuwento dahil hindi niya alam kung ano ba talaga ang nangyayari sa kanya. Gumagawa tayo ng alamat upang ipaliwanag ang isang bagay na mahirap intindihin.

Monday, September 21, 2009

kwento.

sa huling dalawang kabanata, naunawa ko ang kahalagahan ng kwento. natutunan ko na ang bawat kwento ay may mahalagang sinasabi. may mga kwentong nagbibigay ng mga aral. iba nama'y nagdadala ng mga kaalaman tungkol sa nakaraan. sa nabasa ko, dalawang kwento ang tumatak talaga sa akin. ang una ay ang alamat ng lilang takay at ang huli ay ang buong kwento ni Esteban na kaniyang isinulat.
sa alamat ng lilang takay, tulad ng ibang mga alamat ay tinutukoy nito ang pinanggalingan ng isang bagay o anuman. subalit, may dalawang aral na mahalagang makuha mula rito. pero, ang dalawang aral na ito ay mistulang magkasalungat. ang una ay ang tungkol sa pakikipaglaban sa pag-ibig. si takay kasi'y sinuway ang mga utos at nanirahan kasama ang binata. ganoon siguro katibay ang pagmamahalan nilang kinaya nilang itaya ang buhay nila. salungat nito, nararapat ding sundin nga ang mga utos mismo. dahil nga sa pagsuway ni takay ay napahamak ang iniibig niya. sa kwento ngang ito'y may mahalaga itong sinasabi. katulad din nito ang kwento ng Ang Sandali ng mga Mata.
sa kwento ni Esteban, napakaraming matututunan. subalit, mahalaga ring bigyang pansin ang mismong pagkukwento niya. ang pakay niya kasi sa pagkukwento ay para malaman ng iba ang nangyari. siguro gusto niyang ipaalam at panatilihing buhay ang kwento. iyon siguro ang parang huli niyang habilin sa mga nakasalamuha niya. kasi, pagkatapos ng pagkkwento niya'y handa na siyang mamatay. ganoon kahalaga ang kwento para kay Esteban. ito ang tulay niya para sa mga taong hindi alam ang katotohanan. sa pagkukwento niya'y sinuma'y maraming maipupulot na mensahe. ito ang isa sa mga pinakamatibay na kinahinatnan ng pagsusulat niya- para may matuto, para may makaalam.
-dale.liwanag [k19&20]

Sunday, September 20, 2009

Kabanata 19 at 20

Ang huling dalawang kabanata ay ang pagtatagpo ng dalawang magkaibang panahon, ang kwento ng Ibalong ang kwento ng tao sa Sagrada. Nagtagpo ang dalawang magkaibang timeframe na may mga tauhang magkakamukha ang mga ginagampanang karakter. Mahusay na napagtagpo ni Yapan ang mga ito sa ika-19 at ika-20 kabanata.

Sa ika-19 na kabanata ng nobela ni Yapan, binanggit na niya kung ano ang kaugnayan ng kwento ng Ibalong sa mga tauhan sa nobela. Ayon kay Yapan, si Handiong ay si Nene at si Nene ay si Handiong. Parehong si Nene at si Handiong ay umalis sa Sagrada na tulala. Si Boboy naman ay inihahambing ni Yapan kay Bantong. Nakakatuwang malaman ang kaugnayan ng mga detalyeng nabasa ko dati. Naging makabuluhan na ang pagbabasa ko sa mga detalyeng hindi ko naiintindihan dati kung bakit sinabi iyon ni Yapan.

Hindi malinaw sa akin ang mga pagkakatulad ng mga tauhan ng nobela sa kwento ng Ibalong bago ibunyag ni Yapan ang mga ito sa ika-19 na kabanata. Sa pagsasabi ni Yapan ng pagkakaugnay, nakita ko na tugma nga ang mga pangyayari ng kwento ng Ibalong sa mga tao sa Sagrada.

Sa ika-20 kabanata, ipinapakita ang pagsuko ni Esteban sa paghahanap kay Nene. Nawalan na marahil na ng ganang maghanap ni Teban dahil, ayon mismo sa kanya, hindi makikita ang taong ayaw magpakita. Sa paglisan ni Teban sa Maynila, iniiwan rin niya ang kwento ng Ibalong sa papel sa loob ng kanyang inupahang kuwarto.

Ayon kay Teban, “hindi sakit ang pagtanda kung hindi pagtanda sa binata ng sariling dumaan sa pagkabata”. Sa pagtanda, inaalala natin ang mga nagawa natin noong tayo ay bata pa. Sa pagtanda, tayo ay nag-iisip tungkol sa mga napagdaan natin sa buhay. Kung sa pagtanda tayo ay nag-iisip, maaari bang sabihing sa pag-iisip tayo ay tumatanda? Sa aking palagay, oo. Marami tayong natututunan kung tayo ang nag-iisip nang mabuti, kaya naman para tayong tumatanda – tumatanda an gating isipan at pagkilos kung ating iisipin ang mga mali at tama nating nagawa noon.

- Michael Endozo

Saturday, September 19, 2009

Ang katapusan

Ito na ang pinakahuling mga kabanata ng nobelang ang sandali ng mga mata ni Alvin Yapan. Sabik akong basahin ito upang malaman kung ano na talagamang mga mangyayari ngunit nabigo lamang ako dahil marami pa ding mga mysteryo na hindi ipinaliwanag, marami pang mga bagay na hindi na pinakita ni Yapan.

Sa kabanata 19 ikwinento ang isang alamat. Ito ang alamat ng isang magandang dalaga na si takay na isang kaluluwa na umibig sa isang mortal na si kanamay. Ang alamt na ito ay hindi namatay ngunit nagbunga lamang sa isa pang alamat ng halaman. Sa kabanata din ito naipaliwanag sa akin at naunawaan kong si Handiong ay si Nene na siyang umibig kay Oryol na kalahating tao kalahating sawa. Si Boboy naman daw ay si Baltog na siyang humiling sa mga Diyos na mamatay ang pinakamamahal niyang babae at nang namatay nga wala na siyang luha upang iyakan ang kagagawan niya.

Naging malinaw sa akin na ang katapusan ng nobelang ito ay makatotohanan hindi ito tulad ng isang fairy tale na laging may happy ending. Makatotohanan ito dahil tulad ng totoong buhay may mga ups and down tayo may pagkakataon na masaya ang ating katapusan at may pagkakataon na sawi tayo.

Sa pinakahuling kabanata naman pinakita na pauwi muli si Esteban sa Sagrada galing sa Maynila. Uuwi na muli siya upang balikan ang kanyang mga iniwan, sumuko na din siya sa paghahanap kay Nene dahil hindi niya naman din talaga mahahanap na si Nene. Natulungan ni Esteban si kathy at ang kaluluwa, nalaman din ng kaluluwa kung sino nga siya at na magkakilala pala sila ni kathy. Madami din nagawa si Esteban sa Maynila, madami siyang natulungan kahit may mga kabiguan din siya.

Tamang tama ang katapusan ng nobelang ito, angkop siya sa mga nangyari at sapat sa kwento. Para sa akin mas maganda ang isang katapusan na makatotohanan dahil mas makakarelate tayo kaysa sa isang katapusan na laging masaya na hindi naman makatotohanan. Maganda ang kwento ng nobela kahit marami pang mga bagay ang hindi naopalwanag ni Yapan sa katapusan.

-Matthew tan

Kabanata 19 at 20

Ignorance is bliss, sabi nila. What you don't know won't hurt you, ika ng iba.

Ano nga ba ang mas mainam? Ang maging mangmang sa mga masasaklap na katotohanan ng buhay at manatiling ligtas sa mga kalungkutang dala nito, o ang maging bukas sa lahat ng makamundong pangyayari, kahit sa mga bagay na mahirap intindihin at mabigat tanggapin, at magkaroon ng pagkakataon na subuking unawain ang lahat para sa ikabubuti ng sarili at ng mga taong nakaligid sayo?

Iyan ang palaisipang bumabalot sa aking isip tuwing iniisip ko ang pagkakaroon ni Esteban ng third eye. Sa tingin ko, kung sa akin nangyari iyon, kung noo ko ang nadaplisan ng bala at nabuksan ang ikatlo kong mata, marahil mabaliw ako sa aking mga makikita. Marahil hindi ko kayanin ang kakayahang makakita ng mga patay, mga kaluluwang ikinakatakot kong nasa paligid lang bago ako matulog, lalo na kung kakatapos ko lang manood ng nakakatakot na pelikula. Tingin ko'y hindi biro ang pagkakaroon ng ganitong kakayahan. Isa siyang bagay na hindi kakayanin ng mahihina ang loob, ng faint-hearted. Kinakailangan ang tapang at tibay ng isang taong nasa posisyon ni Esteban. Wala siyang magagawa, at hindi niya kagustuhan ang mabuksan ang mga mata at isip niya sa mga ganitong kamalayan. Marahil ay hindi niya talaga ito ginusto, at siguro'y dumaan siya sa panahong kinamumuhian niya ang pagbukas ng ikatlo niyang mata.

Kung talagang ignorance is bliss, siguro'y napaka-miserable ng buhay ni Esteban. Ngunit hindi ko nais tignan ang kanyang kakaibang "kakayahan" sa ganoong paraan. Naniniwala naman akong may positibong bahagi ang lahat ng sitwasyon, kabilang na ang kanya. Dahil kung hindi nabuksan ang ikatlong mata ni Esteban, hindi niya maiintindihan ang mga pangyayari sa Sagrada. Hindi lalawak ang kanyang paningin sa buhay, at hindi niya matutulungan ang mga tao sa paligid niya. Siguro'y mahirap ngang maging lubusang mulat sa lahat ng kasaklapan ng buhay, ngunit ang maganda rito'y mayroon kang magagawa para baguhin ang takbo ng mga pangyayari.

Ang paglapat ni Esteban ng kuwento sa papel ay ang nagbuod sa kanyang ginanap na tungkulin sa buhay ng bawat tauhan sa nobela, at ang gaganapin niyang tungkulin sa buhay ng mga makakabasa nito. Sa kabuuan, isa siyang patnubay sa kanilang lahat, marahil kahit sa atin. Isiniwalat niya ang kuwento ng nakaraan, na nakakawing sa mga kuwento ng kasalukuyan, upang matuto ang tao na tanggapin ang bawat realidad ng buhay, at magkaroon ang lahat ng pagkakataong baguhin ang hinaharap. Sabi nga niya, ang alamat ay hindi kailanman namamatay. Nanganganak lang ito ng nanganganak. Kung baga, history repeats itself. Isa itong babala galing sa kanya na sinasabing dapat tayong maging mas mulat sa mga posibilidad ng buhay, at maging mas maingat sa mga bagay na nangyari na noon na maaari ring mangyari sa atin ngayon.

Ang Sandali ng Mga Mata ay tumutukoy sa isang hamon para sa pagbabago--isang hamong iniwan sa atin ng tagapagsalaysay sa pamamagitan ng kanyang pagbabalik tanaw sa kuwento ng Ibalong, at ang kuwento ng mga Nueva.

Sunday, September 13, 2009

Kabanata 17 - 18: Tungkol sa mga emoticons



Noong nakalipas na Biyernes, habang nasa B307 ako at naghihintay ng bell para magsimula na ang Fil, tinanong ko ang ilan sa mga kaklase ko kung nagugustuhan ba nila ang nobela. Ang sagot ng nakararami: hindi! Nang sabihin ko na ineenjoy ko ang pagbabasa ng ASNMM tuwing linggo, may suwestiyon na ibinigay ng isa, “sure ka ba na pareho ang libro na binabasa mo sa binabasa namin?” Napatawa ang lahat.


Hindi ko naman sinasabi na mali siya, dahil wala akong problema kung iba ang kanilang opinyon kaysa sa opinyon ko. Binanggit ko lang ang anekdotang ito dahil naisip ko na magandang oportunidad ngayon para magpaliwanag kung bakit ko nagugustuhan ang kuwento. Kung tatandaan natin, sa unang blog ko ay umamin ako na mahihirapan ako sa pagbabasa, dahil hindi ako sanay sa mga akdang Filipino. Ngunit ngayon, sa sobrang ikatutuwa ko ng kuwento, tuwing nasa mga kamay ko ang libro at lumalapit nang lumalapit ang mukha ko sa mga pahina (dahil sa interes), nangyayari na parang binabasa ko siya ng Ingles. Siguro lang, nasasanay lamang ako sa pagbabasa ng Filipino.

Alinman sa dalawa, nagugustuhan ko ang kuwento. Ang Bayan ng Sagrada ay punong-puno ng mga tauhang interesante, na may sariling kasaysayan at mga problema, may sariling mga intensyon sa buhay. Si Selya, ang masama ngunit nakakatawang Donya, na walang pagtigil ang kanyang paggamit sa abaniko, na sa sobrang paghanga sa kahit anong bagay na may kaugnayan sa Amerika ay naadik sa sabungan, kahit hindi naman pala galing Texas ang kanyang mga manok. Si Nene, babae ng mga simulain, na maraming natutunan sa mga prutas, na sumusuporta kay Vilma Santos, na naglakbay nang malayo papuntang Maynila upang bawiin ang isang istatwa mula kay Pangulong Marcos (na wala namang kaalaman o kinalaman tungkol sa nangyayaring kaguluhan doon). Si Esteban, na nakakakita sa mga kaluluwa at manananggal, na karpintero at gerilya, na isa sa mga tatlong lalaki na nagmahal kay Selya, at ang pinaka may walang pagkakataon na magsama sa kanya, sa tatlo.

Nagugustuhan ko ang kuwento dahil sa mga mahiwagang pangyayari, na tila tinatanggap ng mga taga-Sagrada na parang normal lamang ang mga ito: ang sampung mga salot na nagpahirap sa buhay ng mga taga-rito, ang kaguluhan sa pagitan ng mga aso at pusa, at marami pang iba.

Higit sa lahat, nagugustuhan ko ang kuwento dahil sa mga kababalaghan, dahil sa mga misteryong pumapalibot sa mga tauhan at sa bayan ng Sagrada: sino ang tunay na ama ni Nene, sino ang nagpabuntis kay Estela, paano naging arbularyo si Esteban, bakit ayaw humingi si Selya ng tulong kay Esteban...


*******


Sa ika-17 kabanata, Ang Higanteng Musuleo, pumunta si Nene sa Manila, kasama ni Isko, upang hanapin ang MalacaƱang at bawiin ang istatwa ng Birhen sa mga Marcos.

Napahuh?! noong binasa ko ang simula ng kabanatang ito. Ang sobrang ridiculous ng gusto ni Nene. Parang hindi makatotohanan. Unang-una, inaasahan ba nito na papapasukin lang siya sa palasyo ng basta-basta? Hindi naman tiyak kung nasa kanila ba talaga ang Ina. At least, may baril siya. Ang nakakatawa pa, pumunta si Nene sa Maynila na parang walang kaalaman tungkol sa mga protesta at kaguluhan na nagaganap sa siyudad noon. Panahon yan ng EDSA! Ang paki-alam lang niya ay bawiin ang istatwa at uwiin ito sa Naga. Marami siyang naobserbahan sa Ortigas at Mendiola bago siyang nakarating sa palasyo. Nasaksihan niya ang mga protesta, at ang pakunwaring pag-alis ni Marco sa Pilipinas. Naging bahagi siya ng kasaysayan ng Pilipinas, nang walang kamalay-malay.

Masasabi ng iba na ang ipinahihiwatig ng kabanatang ito, maliban sa mga naging pakikipagsapalaran ni Nene, ay ang paglarawan sa pakikiisa ng mga tao laban kay Marcos. Na may kakayahan ang mga tao, at mas lalo na kung nagsama sila. Ipinakita dito ang kanilang katapangan sa harap ng panganib at ang kanilang kabayanihan patungo sa pagtagumpay. Sang-ayon naman ako sa mga magsasabi nito, ngunit parang may isa pang patong, o layer, ang mensahe ni Alvin B. Yapan sa kanyang pagsulat ng kabanata.

Batay sa mga nabasa ko, nagkaroon ako ng teorya, na nais ipahiwatig ni Alvin B. Yapan ang perception ng isang taga-probinsiya sa Maynila noong panahong iyan. May nabanggit na Walkman at mga telebisyon, na hindi gaanong nakikita sa Sagrada (dahil old-fashioned pa rin ang pamumuhay nila), at parang naguguluhan si Nene sa dami ng mga tao, kotse, at teknolohiya sa paligid niya. Nasabi ko na parang walang kamalay-malay o paki-alam man sa nangyayaring rebolusyon. Nangyari ba na ang masamang impluwensiya ni Marcos ay umabot lamang sa Maynila at hindi sa ibang mga probinsiya? Hindi ko masabi, Hindi nga ako sigurado na iyan ang intensyon ni Yapan sa kanyang pagsusulat. Opinyon ko lang.


*******


Kung napahuh?! ako sa nakaraang kabanata, sa ika-18 kabanata naman ay napa :O ako sa sobrang dami ng katanungan na isinagot nito, at napa :’( sa sobrang lungkot na nadulot ng mga pangyayari. Gaya ng sinulat ko dati tungkol sa isang kabanata, parang binuhusan ako ng isang malamig na pitsel ng impormasyon tungkol sa kuwento.

Una kong naisip matapos basahin ang kabanta, nabanggit ba dati na mukhang Hapon si Nene? Baka nagkaroon ng foreshadowing at hindi ko napansin.

Ang panggahasa kay Selya ay, kahit nangyari ito sa nakaraan, ang climax ng kuwento. Ito na talaga ang susi sa mga misteryo sa pagitan ng lahat ng mga tauhan. Ang pangyayaring ito ay ang naging lihim nila Selya at Bino, at ang naging dahilan kung bakit bukas ang mga mata ni Esteban sa mundo ng mga kaluluwa. Nais ko sanang ipagbintang si Selya, ngunit alam ko na ang kanyang pakikipaglandian nito sa Hapon ay para mailigtas niya ang bahay ng mga Nueva. Hindi ito kasalanan ni Selya, kundi kasalanan ni Bino. Siya ang nagsinungaling sa kanyang mga magulang at ang kanilang mga tauhan ay ang itinatago ng mga Nueva sa kanilang mansiyon. Kaya pala, hindi nagtagal at naging bitter si Bino at nagkulong ang sarili sa kanyang mundo ng tuba at mga pamahiin.

Ang digmaang nakabasag sa maraming buhay, sa maraming pangarap, ay naging dahilan sa pagsira ng buhay ng mga Nueva, sa isang sandali ng mga mata. Nakakalungkot. Nagdulot man ito ng kahit mumunting kabutihan sa pagsilang ni Nene ay isinayang lamang nito ang lahat sa kanyang pagtangkang paghanap kay Mr. Edwards.

Ang huling mga tanong: Ano ang nangyari sa pagitan nina Boboy at Estela? Ano ang kinalaman ni Oryol at ang kuwento ng Ibalong sa lahat?

Hanggang sa huling blog,
Ang tao na kung minsan ay napapa :O at napapa :’( sa kanyang pagbabasa,
Nicholas Price.



Kabanata 15 - 16: Tungkol sa Pagtanda at Simbolismo


Sa Kabanata 15, Agua de Mayo, inilahad ni Esteban ang pagtatapos ng buhay ng kaawaawang tauhang si Bino. Pero bago iyon, nagkuwento muna si Esteban tungkol sa kanyang buhay matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Umuwi si Esteban sa bahay ng kanyang mga magulang sa kabayanan. Hindi nagtagal at namatay sila. Hindi naman ako gaanong nilungkot sa kanilang pagpanaw sapagkat, una, kulang ang impormasyon na binigay tungkol sa kanila kaya hindi ako naging involved sa kanila, at pangalawa, parang independyente si Esteban at hindi rin siya naapektuhan ng lubusan. Kung tutuusin, parang may sinisilbing tungkulin ang mga magulang ni Esteban sa kabuuang akda. Konti lang ang kaalaman ng mga mambabasa tungkol sa kanila, ngunit alam natin na sa sobrang pagmamahal nila sa isa’t-isa, sabay silang namatay. Soulmates sila. Kung sila ay nagkasama habang buhay nang ganyan, hanggang sa namatay sila ng sabay, masasabi natin na matagumpay ang kanilang kuwentong pag-ibig. Mahalaga ito para sa akin dahil ang mga kuwentong pag-ibig nila Esteban at Selya, Nene at Benjamin, at Boboy at Estela ay sa kasalukuyan mga kuwentong sawi. Ang mga magulang ni Esteban ay isang ehemplo sa ASNMM na hindi lagging negatibo ang magiging resulta na pagmamahal.


Gaya ng sinulat ko sa simula, pinag-usapan sa kabanatang ito ang pagkamatay ni Bino. Matanda na siya, at wala siyang ibang ginagawa kundi umupo sa tumba-tumba na ipinagawa niya kay Esteban at uminom ng tuba. Binanggit ko na at babanggitin ko ulit. Kaawaawa si Bino, ngunit hindi lang dahil miserable ang naging takbo ng buhay niya kundi dahil din sa kanyang mga maling pagpapasya na nagpalala sa pagiging miserable ng kanyang buhay. Oo, hindi niya kasalanan na masamang babae si Selya, o na nabarilan siya sa kanyang manhood, ngunit bakit siya sumuko sa pagpapalaki kay Nene? Hindi palibhasa hindi siya ang totoong ama nito, hindi siya ang responsable dito, o hindi niya siya puwedeng mahalin. Sa palagay ko napagtanto ni Bino ang kanyang mga kamalian, ang kanyang pagkawalang-bahala sa buhay. Ang patunay galing sa akda: “Hindi raw alam ni Bino kung paano nangyari, na parang walang napuntahan ang lahat ng pinag-aralan at pinagsikapan nya sa buhay, upang tumigil sa katandaan at matuklasang marami pa palang dapat gawin, marami pa palang dapat ayusin.

Pinag-aralan si Bino ng kanyang mga magulang nang maayos. Maganda na sana ang kanyang magiging kinabukasan bilang tagapagmana ng Hacienda Nueva. Ngunit ipinagsayang laman niya ang lahat sa pagsisinungaling sa kanyang magulang tungkol sa pagiging buntis ni Selya. May papel din ang Digmaan, na maraming sinirang mga pangarap at buhay. Sayang. Hindi ko maisip na ganyan ang magiging kinabukasan ko, ang kinabukasang katulad sa kinabukasan ni Bino. Pagsasamantalahin ko ang ang panahon ko sa mundong ito, upang hindi ako magiging katulad ni Bino, na nag-aabang ng Agua de Mayo upang maging bata ulit. Namatay pa si Bino dahil sa kanyang pagnanais ng hindi na tumanda. Ironic, hindi ba?


*****


Hindi ko sanang uulitin ang binanggit ng mga kasama ko sa Tropang Longganisa sa kanilang mga blog, ngunit sang-ayon naman ako sa kanilang mga sinabi. Ang pagkukuwento ni Esteban tungkol sa kaguluhan sa pagitan ng mga aso at pusa at ang pakikisali ng mga manananggal sa mga snap elections ni Marcos noong Pebrero (ang Buwan ng Puso at Kabaliwan) ay sumisimbolo sa pangkaraniwang halalan sa Pilipinas. Mabaho, magulo, may nananakot, may nandadaya. Ginawang komikal ulit ni Alvin B. Yapan ang isang seryosong sitwayson.

Sa kabanatang ito, Buwan ng Puso at Kabaliwan, ipinagpasya ni Nene na pupunta siya sa MalacaƱang at babawiin niya ang istatwa ng Ina na inaakala niyang ninakaw ng mga Marcos. Hindi ba niya alam na sa ganitong panahon nagkakagulo sa Maynila dahil sa rebolusyon? Malalaman natin sa susunod na kabanata.

Hanggang sa susunod,
Nicholas Price.