Friday, October 16, 2009

Ang Huli.

Ang responsibilidad ng isang tagapagsalaysay: kung kailan ibubunyag ang lihim ng bawat kuwento. Nang hindi nagagalit ang kaniyang mga tagapakinig o mambabasa.

Ito ang binanggit ni Esteban na paglalarawan sa kanyang ikinukuwento. Sa palagay ko at gaya ng mga sinulat ko sa nakaraan, ito din ang nais ipahiwatig ni Alvin Yapan tungkol sa kanyang kuwento. Ang akdang Ang Sandali ng mga Mata ay isang epikong alamat, isang mahabang kuwento kung saan sakop ang nakaraan, sa pamamagitan ng pagsasalaysay ng ibang mga alamat at mito, ang kasalukuyan, sa pamamagitan ng pagkukuwento sa mga nagaganap na pangyayari sa bayan ng Sagrada at sa Maynila, at pati ang kinabukasan, dahil sa abilidad ni Esteban.

Gumagamit nito ng mga modernong paraan ng pagkukuwento tulad ng kabalintunaan at realismo, at ang mga karakteristik ng isang tradisyunal na akda, tulad ng pagging idealistiko ng pagmamahal (ngunit may ilan ring elementong moderno sa paksa ng pag-ibig) at paggamit ng alamat tungkol sa kalikasan. Isa itong akdang Filipino, at ang pinakamataas na antas nito, dahil hindi lang ito nagugustuhan ng mga mambabasa kundi napag-iisipan na rin, (at least in my case).

Kung may natutuhan ako sa pagbabasa ng ASNMM, ito yun: Mahalagang-mahalaga ang nakaraan, at hindi natin kayang paalisin ang kahalagahan nito sa ating buhay. Magkaugnay ang nakaraan at ang kasalukuyan, at sa palagay ko ang isang matalino at matagumpay na tao ay natututo sa kanyang nakaraan. Inilalarawan ito sa ika-19 kabanata, Ang Alamat ng Lilang Takay, kung saan inihambing ni Esteban ang alamat ni Handiong kay Nene. May paralelismo sa pagitan ng mga pangyayari sa alamat at sa totoong buhay, gaya ng may paralelismo din ang nakaraan sa kasalukuyan.

May kamalayan naman ang mga tauhan ng ASNMM tungkol sa kanilang nakaraan, ngunit hindi sila natututo, kaya umulit lang nang umulit ang mga pangyayari na parang isang siklo. Si Selya ay naging masamang ina kay Nene, at sa ibang paraan, ngunit dulot ng magkaugay na pagkakamali, naging masamang ina din si Nene kay Boboy.

Nasabi ko na nagustuhan ko ang akda, ngunit medyo nabigo ako sa wakas. Hindi natin nalaman kung bakit pinagtaksilan ni Estela si Boboy o kung kanino. Hindi tayo sigurado sa kinahinatnan ni Nene. Hindi natin nakita ang bahaging ginampanan ni Oryol sa kuwento. Medyo kulang sa akin ang konklusyon, ngunit masasabi ko na intensyunal ito, dahil sa totoong buhay hindi basta-basta’y nalulutas ang mga problema.

Huling salita tungkol sa akda: Paano ba nanganganak ang isang alamat? Tanong ni Esteban. Sa palagay ko sinagot niya ang sarili niyang tanong sa paggagawa ng alamat para sa kaluluwa. Gumawa siya ng kuwento dahil hindi niya alam kung ano ba talaga ang nangyayari sa kanya. Gumagawa tayo ng alamat upang ipaliwanag ang isang bagay na mahirap intindihin.

Monday, September 21, 2009

kwento.

sa huling dalawang kabanata, naunawa ko ang kahalagahan ng kwento. natutunan ko na ang bawat kwento ay may mahalagang sinasabi. may mga kwentong nagbibigay ng mga aral. iba nama'y nagdadala ng mga kaalaman tungkol sa nakaraan. sa nabasa ko, dalawang kwento ang tumatak talaga sa akin. ang una ay ang alamat ng lilang takay at ang huli ay ang buong kwento ni Esteban na kaniyang isinulat.
sa alamat ng lilang takay, tulad ng ibang mga alamat ay tinutukoy nito ang pinanggalingan ng isang bagay o anuman. subalit, may dalawang aral na mahalagang makuha mula rito. pero, ang dalawang aral na ito ay mistulang magkasalungat. ang una ay ang tungkol sa pakikipaglaban sa pag-ibig. si takay kasi'y sinuway ang mga utos at nanirahan kasama ang binata. ganoon siguro katibay ang pagmamahalan nilang kinaya nilang itaya ang buhay nila. salungat nito, nararapat ding sundin nga ang mga utos mismo. dahil nga sa pagsuway ni takay ay napahamak ang iniibig niya. sa kwento ngang ito'y may mahalaga itong sinasabi. katulad din nito ang kwento ng Ang Sandali ng mga Mata.
sa kwento ni Esteban, napakaraming matututunan. subalit, mahalaga ring bigyang pansin ang mismong pagkukwento niya. ang pakay niya kasi sa pagkukwento ay para malaman ng iba ang nangyari. siguro gusto niyang ipaalam at panatilihing buhay ang kwento. iyon siguro ang parang huli niyang habilin sa mga nakasalamuha niya. kasi, pagkatapos ng pagkkwento niya'y handa na siyang mamatay. ganoon kahalaga ang kwento para kay Esteban. ito ang tulay niya para sa mga taong hindi alam ang katotohanan. sa pagkukwento niya'y sinuma'y maraming maipupulot na mensahe. ito ang isa sa mga pinakamatibay na kinahinatnan ng pagsusulat niya- para may matuto, para may makaalam.
-dale.liwanag [k19&20]

Sunday, September 20, 2009

Kabanata 19 at 20

Ang huling dalawang kabanata ay ang pagtatagpo ng dalawang magkaibang panahon, ang kwento ng Ibalong ang kwento ng tao sa Sagrada. Nagtagpo ang dalawang magkaibang timeframe na may mga tauhang magkakamukha ang mga ginagampanang karakter. Mahusay na napagtagpo ni Yapan ang mga ito sa ika-19 at ika-20 kabanata.

Sa ika-19 na kabanata ng nobela ni Yapan, binanggit na niya kung ano ang kaugnayan ng kwento ng Ibalong sa mga tauhan sa nobela. Ayon kay Yapan, si Handiong ay si Nene at si Nene ay si Handiong. Parehong si Nene at si Handiong ay umalis sa Sagrada na tulala. Si Boboy naman ay inihahambing ni Yapan kay Bantong. Nakakatuwang malaman ang kaugnayan ng mga detalyeng nabasa ko dati. Naging makabuluhan na ang pagbabasa ko sa mga detalyeng hindi ko naiintindihan dati kung bakit sinabi iyon ni Yapan.

Hindi malinaw sa akin ang mga pagkakatulad ng mga tauhan ng nobela sa kwento ng Ibalong bago ibunyag ni Yapan ang mga ito sa ika-19 na kabanata. Sa pagsasabi ni Yapan ng pagkakaugnay, nakita ko na tugma nga ang mga pangyayari ng kwento ng Ibalong sa mga tao sa Sagrada.

Sa ika-20 kabanata, ipinapakita ang pagsuko ni Esteban sa paghahanap kay Nene. Nawalan na marahil na ng ganang maghanap ni Teban dahil, ayon mismo sa kanya, hindi makikita ang taong ayaw magpakita. Sa paglisan ni Teban sa Maynila, iniiwan rin niya ang kwento ng Ibalong sa papel sa loob ng kanyang inupahang kuwarto.

Ayon kay Teban, “hindi sakit ang pagtanda kung hindi pagtanda sa binata ng sariling dumaan sa pagkabata”. Sa pagtanda, inaalala natin ang mga nagawa natin noong tayo ay bata pa. Sa pagtanda, tayo ay nag-iisip tungkol sa mga napagdaan natin sa buhay. Kung sa pagtanda tayo ay nag-iisip, maaari bang sabihing sa pag-iisip tayo ay tumatanda? Sa aking palagay, oo. Marami tayong natututunan kung tayo ang nag-iisip nang mabuti, kaya naman para tayong tumatanda – tumatanda an gating isipan at pagkilos kung ating iisipin ang mga mali at tama nating nagawa noon.

- Michael Endozo

Saturday, September 19, 2009

Ang katapusan

Ito na ang pinakahuling mga kabanata ng nobelang ang sandali ng mga mata ni Alvin Yapan. Sabik akong basahin ito upang malaman kung ano na talagamang mga mangyayari ngunit nabigo lamang ako dahil marami pa ding mga mysteryo na hindi ipinaliwanag, marami pang mga bagay na hindi na pinakita ni Yapan.

Sa kabanata 19 ikwinento ang isang alamat. Ito ang alamat ng isang magandang dalaga na si takay na isang kaluluwa na umibig sa isang mortal na si kanamay. Ang alamt na ito ay hindi namatay ngunit nagbunga lamang sa isa pang alamat ng halaman. Sa kabanata din ito naipaliwanag sa akin at naunawaan kong si Handiong ay si Nene na siyang umibig kay Oryol na kalahating tao kalahating sawa. Si Boboy naman daw ay si Baltog na siyang humiling sa mga Diyos na mamatay ang pinakamamahal niyang babae at nang namatay nga wala na siyang luha upang iyakan ang kagagawan niya.

Naging malinaw sa akin na ang katapusan ng nobelang ito ay makatotohanan hindi ito tulad ng isang fairy tale na laging may happy ending. Makatotohanan ito dahil tulad ng totoong buhay may mga ups and down tayo may pagkakataon na masaya ang ating katapusan at may pagkakataon na sawi tayo.

Sa pinakahuling kabanata naman pinakita na pauwi muli si Esteban sa Sagrada galing sa Maynila. Uuwi na muli siya upang balikan ang kanyang mga iniwan, sumuko na din siya sa paghahanap kay Nene dahil hindi niya naman din talaga mahahanap na si Nene. Natulungan ni Esteban si kathy at ang kaluluwa, nalaman din ng kaluluwa kung sino nga siya at na magkakilala pala sila ni kathy. Madami din nagawa si Esteban sa Maynila, madami siyang natulungan kahit may mga kabiguan din siya.

Tamang tama ang katapusan ng nobelang ito, angkop siya sa mga nangyari at sapat sa kwento. Para sa akin mas maganda ang isang katapusan na makatotohanan dahil mas makakarelate tayo kaysa sa isang katapusan na laging masaya na hindi naman makatotohanan. Maganda ang kwento ng nobela kahit marami pang mga bagay ang hindi naopalwanag ni Yapan sa katapusan.

-Matthew tan

Kabanata 19 at 20

Ignorance is bliss, sabi nila. What you don't know won't hurt you, ika ng iba.

Ano nga ba ang mas mainam? Ang maging mangmang sa mga masasaklap na katotohanan ng buhay at manatiling ligtas sa mga kalungkutang dala nito, o ang maging bukas sa lahat ng makamundong pangyayari, kahit sa mga bagay na mahirap intindihin at mabigat tanggapin, at magkaroon ng pagkakataon na subuking unawain ang lahat para sa ikabubuti ng sarili at ng mga taong nakaligid sayo?

Iyan ang palaisipang bumabalot sa aking isip tuwing iniisip ko ang pagkakaroon ni Esteban ng third eye. Sa tingin ko, kung sa akin nangyari iyon, kung noo ko ang nadaplisan ng bala at nabuksan ang ikatlo kong mata, marahil mabaliw ako sa aking mga makikita. Marahil hindi ko kayanin ang kakayahang makakita ng mga patay, mga kaluluwang ikinakatakot kong nasa paligid lang bago ako matulog, lalo na kung kakatapos ko lang manood ng nakakatakot na pelikula. Tingin ko'y hindi biro ang pagkakaroon ng ganitong kakayahan. Isa siyang bagay na hindi kakayanin ng mahihina ang loob, ng faint-hearted. Kinakailangan ang tapang at tibay ng isang taong nasa posisyon ni Esteban. Wala siyang magagawa, at hindi niya kagustuhan ang mabuksan ang mga mata at isip niya sa mga ganitong kamalayan. Marahil ay hindi niya talaga ito ginusto, at siguro'y dumaan siya sa panahong kinamumuhian niya ang pagbukas ng ikatlo niyang mata.

Kung talagang ignorance is bliss, siguro'y napaka-miserable ng buhay ni Esteban. Ngunit hindi ko nais tignan ang kanyang kakaibang "kakayahan" sa ganoong paraan. Naniniwala naman akong may positibong bahagi ang lahat ng sitwasyon, kabilang na ang kanya. Dahil kung hindi nabuksan ang ikatlong mata ni Esteban, hindi niya maiintindihan ang mga pangyayari sa Sagrada. Hindi lalawak ang kanyang paningin sa buhay, at hindi niya matutulungan ang mga tao sa paligid niya. Siguro'y mahirap ngang maging lubusang mulat sa lahat ng kasaklapan ng buhay, ngunit ang maganda rito'y mayroon kang magagawa para baguhin ang takbo ng mga pangyayari.

Ang paglapat ni Esteban ng kuwento sa papel ay ang nagbuod sa kanyang ginanap na tungkulin sa buhay ng bawat tauhan sa nobela, at ang gaganapin niyang tungkulin sa buhay ng mga makakabasa nito. Sa kabuuan, isa siyang patnubay sa kanilang lahat, marahil kahit sa atin. Isiniwalat niya ang kuwento ng nakaraan, na nakakawing sa mga kuwento ng kasalukuyan, upang matuto ang tao na tanggapin ang bawat realidad ng buhay, at magkaroon ang lahat ng pagkakataong baguhin ang hinaharap. Sabi nga niya, ang alamat ay hindi kailanman namamatay. Nanganganak lang ito ng nanganganak. Kung baga, history repeats itself. Isa itong babala galing sa kanya na sinasabing dapat tayong maging mas mulat sa mga posibilidad ng buhay, at maging mas maingat sa mga bagay na nangyari na noon na maaari ring mangyari sa atin ngayon.

Ang Sandali ng Mga Mata ay tumutukoy sa isang hamon para sa pagbabago--isang hamong iniwan sa atin ng tagapagsalaysay sa pamamagitan ng kanyang pagbabalik tanaw sa kuwento ng Ibalong, at ang kuwento ng mga Nueva.

Sunday, September 13, 2009

Kabanata 17 - 18: Tungkol sa mga emoticons



Noong nakalipas na Biyernes, habang nasa B307 ako at naghihintay ng bell para magsimula na ang Fil, tinanong ko ang ilan sa mga kaklase ko kung nagugustuhan ba nila ang nobela. Ang sagot ng nakararami: hindi! Nang sabihin ko na ineenjoy ko ang pagbabasa ng ASNMM tuwing linggo, may suwestiyon na ibinigay ng isa, “sure ka ba na pareho ang libro na binabasa mo sa binabasa namin?” Napatawa ang lahat.


Hindi ko naman sinasabi na mali siya, dahil wala akong problema kung iba ang kanilang opinyon kaysa sa opinyon ko. Binanggit ko lang ang anekdotang ito dahil naisip ko na magandang oportunidad ngayon para magpaliwanag kung bakit ko nagugustuhan ang kuwento. Kung tatandaan natin, sa unang blog ko ay umamin ako na mahihirapan ako sa pagbabasa, dahil hindi ako sanay sa mga akdang Filipino. Ngunit ngayon, sa sobrang ikatutuwa ko ng kuwento, tuwing nasa mga kamay ko ang libro at lumalapit nang lumalapit ang mukha ko sa mga pahina (dahil sa interes), nangyayari na parang binabasa ko siya ng Ingles. Siguro lang, nasasanay lamang ako sa pagbabasa ng Filipino.

Alinman sa dalawa, nagugustuhan ko ang kuwento. Ang Bayan ng Sagrada ay punong-puno ng mga tauhang interesante, na may sariling kasaysayan at mga problema, may sariling mga intensyon sa buhay. Si Selya, ang masama ngunit nakakatawang Donya, na walang pagtigil ang kanyang paggamit sa abaniko, na sa sobrang paghanga sa kahit anong bagay na may kaugnayan sa Amerika ay naadik sa sabungan, kahit hindi naman pala galing Texas ang kanyang mga manok. Si Nene, babae ng mga simulain, na maraming natutunan sa mga prutas, na sumusuporta kay Vilma Santos, na naglakbay nang malayo papuntang Maynila upang bawiin ang isang istatwa mula kay Pangulong Marcos (na wala namang kaalaman o kinalaman tungkol sa nangyayaring kaguluhan doon). Si Esteban, na nakakakita sa mga kaluluwa at manananggal, na karpintero at gerilya, na isa sa mga tatlong lalaki na nagmahal kay Selya, at ang pinaka may walang pagkakataon na magsama sa kanya, sa tatlo.

Nagugustuhan ko ang kuwento dahil sa mga mahiwagang pangyayari, na tila tinatanggap ng mga taga-Sagrada na parang normal lamang ang mga ito: ang sampung mga salot na nagpahirap sa buhay ng mga taga-rito, ang kaguluhan sa pagitan ng mga aso at pusa, at marami pang iba.

Higit sa lahat, nagugustuhan ko ang kuwento dahil sa mga kababalaghan, dahil sa mga misteryong pumapalibot sa mga tauhan at sa bayan ng Sagrada: sino ang tunay na ama ni Nene, sino ang nagpabuntis kay Estela, paano naging arbularyo si Esteban, bakit ayaw humingi si Selya ng tulong kay Esteban...


*******


Sa ika-17 kabanata, Ang Higanteng Musuleo, pumunta si Nene sa Manila, kasama ni Isko, upang hanapin ang Malacañang at bawiin ang istatwa ng Birhen sa mga Marcos.

Napahuh?! noong binasa ko ang simula ng kabanatang ito. Ang sobrang ridiculous ng gusto ni Nene. Parang hindi makatotohanan. Unang-una, inaasahan ba nito na papapasukin lang siya sa palasyo ng basta-basta? Hindi naman tiyak kung nasa kanila ba talaga ang Ina. At least, may baril siya. Ang nakakatawa pa, pumunta si Nene sa Maynila na parang walang kaalaman tungkol sa mga protesta at kaguluhan na nagaganap sa siyudad noon. Panahon yan ng EDSA! Ang paki-alam lang niya ay bawiin ang istatwa at uwiin ito sa Naga. Marami siyang naobserbahan sa Ortigas at Mendiola bago siyang nakarating sa palasyo. Nasaksihan niya ang mga protesta, at ang pakunwaring pag-alis ni Marco sa Pilipinas. Naging bahagi siya ng kasaysayan ng Pilipinas, nang walang kamalay-malay.

Masasabi ng iba na ang ipinahihiwatig ng kabanatang ito, maliban sa mga naging pakikipagsapalaran ni Nene, ay ang paglarawan sa pakikiisa ng mga tao laban kay Marcos. Na may kakayahan ang mga tao, at mas lalo na kung nagsama sila. Ipinakita dito ang kanilang katapangan sa harap ng panganib at ang kanilang kabayanihan patungo sa pagtagumpay. Sang-ayon naman ako sa mga magsasabi nito, ngunit parang may isa pang patong, o layer, ang mensahe ni Alvin B. Yapan sa kanyang pagsulat ng kabanata.

Batay sa mga nabasa ko, nagkaroon ako ng teorya, na nais ipahiwatig ni Alvin B. Yapan ang perception ng isang taga-probinsiya sa Maynila noong panahong iyan. May nabanggit na Walkman at mga telebisyon, na hindi gaanong nakikita sa Sagrada (dahil old-fashioned pa rin ang pamumuhay nila), at parang naguguluhan si Nene sa dami ng mga tao, kotse, at teknolohiya sa paligid niya. Nasabi ko na parang walang kamalay-malay o paki-alam man sa nangyayaring rebolusyon. Nangyari ba na ang masamang impluwensiya ni Marcos ay umabot lamang sa Maynila at hindi sa ibang mga probinsiya? Hindi ko masabi, Hindi nga ako sigurado na iyan ang intensyon ni Yapan sa kanyang pagsusulat. Opinyon ko lang.


*******


Kung napahuh?! ako sa nakaraang kabanata, sa ika-18 kabanata naman ay napa :O ako sa sobrang dami ng katanungan na isinagot nito, at napa :’( sa sobrang lungkot na nadulot ng mga pangyayari. Gaya ng sinulat ko dati tungkol sa isang kabanata, parang binuhusan ako ng isang malamig na pitsel ng impormasyon tungkol sa kuwento.

Una kong naisip matapos basahin ang kabanta, nabanggit ba dati na mukhang Hapon si Nene? Baka nagkaroon ng foreshadowing at hindi ko napansin.

Ang panggahasa kay Selya ay, kahit nangyari ito sa nakaraan, ang climax ng kuwento. Ito na talaga ang susi sa mga misteryo sa pagitan ng lahat ng mga tauhan. Ang pangyayaring ito ay ang naging lihim nila Selya at Bino, at ang naging dahilan kung bakit bukas ang mga mata ni Esteban sa mundo ng mga kaluluwa. Nais ko sanang ipagbintang si Selya, ngunit alam ko na ang kanyang pakikipaglandian nito sa Hapon ay para mailigtas niya ang bahay ng mga Nueva. Hindi ito kasalanan ni Selya, kundi kasalanan ni Bino. Siya ang nagsinungaling sa kanyang mga magulang at ang kanilang mga tauhan ay ang itinatago ng mga Nueva sa kanilang mansiyon. Kaya pala, hindi nagtagal at naging bitter si Bino at nagkulong ang sarili sa kanyang mundo ng tuba at mga pamahiin.

Ang digmaang nakabasag sa maraming buhay, sa maraming pangarap, ay naging dahilan sa pagsira ng buhay ng mga Nueva, sa isang sandali ng mga mata. Nakakalungkot. Nagdulot man ito ng kahit mumunting kabutihan sa pagsilang ni Nene ay isinayang lamang nito ang lahat sa kanyang pagtangkang paghanap kay Mr. Edwards.

Ang huling mga tanong: Ano ang nangyari sa pagitan nina Boboy at Estela? Ano ang kinalaman ni Oryol at ang kuwento ng Ibalong sa lahat?

Hanggang sa huling blog,
Ang tao na kung minsan ay napapa :O at napapa :’( sa kanyang pagbabasa,
Nicholas Price.



Kabanata 15 - 16: Tungkol sa Pagtanda at Simbolismo


Sa Kabanata 15, Agua de Mayo, inilahad ni Esteban ang pagtatapos ng buhay ng kaawaawang tauhang si Bino. Pero bago iyon, nagkuwento muna si Esteban tungkol sa kanyang buhay matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Umuwi si Esteban sa bahay ng kanyang mga magulang sa kabayanan. Hindi nagtagal at namatay sila. Hindi naman ako gaanong nilungkot sa kanilang pagpanaw sapagkat, una, kulang ang impormasyon na binigay tungkol sa kanila kaya hindi ako naging involved sa kanila, at pangalawa, parang independyente si Esteban at hindi rin siya naapektuhan ng lubusan. Kung tutuusin, parang may sinisilbing tungkulin ang mga magulang ni Esteban sa kabuuang akda. Konti lang ang kaalaman ng mga mambabasa tungkol sa kanila, ngunit alam natin na sa sobrang pagmamahal nila sa isa’t-isa, sabay silang namatay. Soulmates sila. Kung sila ay nagkasama habang buhay nang ganyan, hanggang sa namatay sila ng sabay, masasabi natin na matagumpay ang kanilang kuwentong pag-ibig. Mahalaga ito para sa akin dahil ang mga kuwentong pag-ibig nila Esteban at Selya, Nene at Benjamin, at Boboy at Estela ay sa kasalukuyan mga kuwentong sawi. Ang mga magulang ni Esteban ay isang ehemplo sa ASNMM na hindi lagging negatibo ang magiging resulta na pagmamahal.


Gaya ng sinulat ko sa simula, pinag-usapan sa kabanatang ito ang pagkamatay ni Bino. Matanda na siya, at wala siyang ibang ginagawa kundi umupo sa tumba-tumba na ipinagawa niya kay Esteban at uminom ng tuba. Binanggit ko na at babanggitin ko ulit. Kaawaawa si Bino, ngunit hindi lang dahil miserable ang naging takbo ng buhay niya kundi dahil din sa kanyang mga maling pagpapasya na nagpalala sa pagiging miserable ng kanyang buhay. Oo, hindi niya kasalanan na masamang babae si Selya, o na nabarilan siya sa kanyang manhood, ngunit bakit siya sumuko sa pagpapalaki kay Nene? Hindi palibhasa hindi siya ang totoong ama nito, hindi siya ang responsable dito, o hindi niya siya puwedeng mahalin. Sa palagay ko napagtanto ni Bino ang kanyang mga kamalian, ang kanyang pagkawalang-bahala sa buhay. Ang patunay galing sa akda: “Hindi raw alam ni Bino kung paano nangyari, na parang walang napuntahan ang lahat ng pinag-aralan at pinagsikapan nya sa buhay, upang tumigil sa katandaan at matuklasang marami pa palang dapat gawin, marami pa palang dapat ayusin.

Pinag-aralan si Bino ng kanyang mga magulang nang maayos. Maganda na sana ang kanyang magiging kinabukasan bilang tagapagmana ng Hacienda Nueva. Ngunit ipinagsayang laman niya ang lahat sa pagsisinungaling sa kanyang magulang tungkol sa pagiging buntis ni Selya. May papel din ang Digmaan, na maraming sinirang mga pangarap at buhay. Sayang. Hindi ko maisip na ganyan ang magiging kinabukasan ko, ang kinabukasang katulad sa kinabukasan ni Bino. Pagsasamantalahin ko ang ang panahon ko sa mundong ito, upang hindi ako magiging katulad ni Bino, na nag-aabang ng Agua de Mayo upang maging bata ulit. Namatay pa si Bino dahil sa kanyang pagnanais ng hindi na tumanda. Ironic, hindi ba?


*****


Hindi ko sanang uulitin ang binanggit ng mga kasama ko sa Tropang Longganisa sa kanilang mga blog, ngunit sang-ayon naman ako sa kanilang mga sinabi. Ang pagkukuwento ni Esteban tungkol sa kaguluhan sa pagitan ng mga aso at pusa at ang pakikisali ng mga manananggal sa mga snap elections ni Marcos noong Pebrero (ang Buwan ng Puso at Kabaliwan) ay sumisimbolo sa pangkaraniwang halalan sa Pilipinas. Mabaho, magulo, may nananakot, may nandadaya. Ginawang komikal ulit ni Alvin B. Yapan ang isang seryosong sitwayson.

Sa kabanatang ito, Buwan ng Puso at Kabaliwan, ipinagpasya ni Nene na pupunta siya sa Malacañang at babawiin niya ang istatwa ng Ina na inaakala niyang ninakaw ng mga Marcos. Hindi ba niya alam na sa ganitong panahon nagkakagulo sa Maynila dahil sa rebolusyon? Malalaman natin sa susunod na kabanata.

Hanggang sa susunod,
Nicholas Price.



Kabanata 17 at 18

Ang Kabanata 17 ay nagpapakita sa atin ng mga mahahalagang bagay na makakatulong sa atin bilang mga Filipino. Sa kanata 17 pinakita na tayong mga Filipino ay pwede palang magkaisa at mag bayanihan. Dito pinakita ang pgababayanihan ng mga Filipino laban sa administrasyong Marcos. Dito din pinakita ang pagpasok ni Nene sa Malacanang upang kunin ang orihinal na statwa ng mahal na Ina. Dito tinulungan din siya ng mga tao ng Sagrada. Para sa akin masasabi kong napakahalaga ng pagkakaisa natin dahil makakatulong ito sa paglago ng ating bansa. Isa sa mga rason kung bakit hindi tayo umaasenso ay ang problema natin na magbayanihan. Meron tayong mentalidad na kung tawagin ay crab mentality, kapwa natin ay ibinababa natin, sinisiraan o kinakalaban. Kabaliktaran ito ng ibig ipakita ni Yapan sa atin sa kabanatang ito.

Sa kabanata 18 naman naipakita sa atin ang madilim na katotohanan tungkol sa pagkabuntis ni Selya kay Nene. Noong panahon ng digmaan doon pala ginahasa si Selya at wala si Binong magawa dahil buhay niya din ang nakataya sa saing maling aksyon na gawin niya. Dito din ikwinento ni Esteban ang pinakamahalagang elemento ng nobelang ito, ang sandali ng mga mata. Para sa akin napakahirap mabuhay sa panahon ng digmaan. Maging lalaki ka man o babae pare pareho lang mararanasan ang kadahasan ng mga kalaban. Ginagahasa ang mga babae, ginagawang mga alipin at ang iba ay pinapatay din, ang mga lalaki naman ay pinapatay ng walang awa. Ayaw kong mabuhay sa ganitong panahon. Swerte na tayo na ngayon tayo nabuhay sa panahong ito.

-Matthew Tan

tao.

sa kabanatang nabasa ko, may mga pira-piraso itong anekdota na nangyari talaga noong rebolusyon laban kay Marcos. Sa kabanatang ito, naramdaman ko ang kakayahan ng isang tao. Lumabas sa kwento na may kayang gawin ang isang tao o isa mang grupo ng tao para maiabot ang mithiin. Bilang indibidwal, may lakas si Nene na gawin ang ninanais niya kahit man maraming balakid. Bilang grupo, nagawa ng mga rallyista na pilitin ang isang pinunong napakalakas na itigil ang katiwaliang ginagawa. Kaya rin nilang itaya ang buhay sa harap ng mga sundalong maaari silang patayin.
Para kay Nene, kakaiba ang kakayahang ipinakita niya dahil una, ang ninanais niya'y napakahirap gawin. Sino ba namang kayang pumasok sa Malacanang at kuhanin ang isang bagay na hindi napapansin ng mga guwardiya. Kakaiba rin kasi siya lang ang naglakas-loob na gawin ito. Ayaw naman sumama ng iba dahil peligroso na nga sa Maynila, pupunta pa sila sa Malacanang. Kahit man hindi nagtagumpay si Nene, ang mismong pagsubok niya lang sa gusto niyang makamit ay lampas na sa gagawin ng isang tao. Napakatapang niya para gawin ito.
Sa dako naman ng mga pumunta sa rally, kakaiba rin ang pinakita nilang katapangan dahil napakalaki ng tsanyang mamatay sila. Maraming sundalo pa rin ang pumapanig kay Marcos noon at kung kailangan silang patayin para mapanatili ang posisyon ni Marcos ay posibleng gawin nila ito. Subalit, dahil nga sa katapangan nila'y napamangha ang mga sundalo at dahil inosente naman ang mga taong ito, hindi nila kayang paputukan sila. Dahil nga sa katapangan, mismong naitanggal si Marcos bilang pangulo.
Sa dalawang pangyayari ito, mapatutunayan ang kakayahan ng isang tao. Sa katapangan, kayang gawin ng isang tao o isang grupo na ipaglaban ang mga paniniwala kahit na nakaharap sa posibleng kamatayan. Si Nene nga, naglakbay pa ng malayo para lang ibalik ang rebulto ng Ina. Hinarap niya ang matinding peligro dahil napasama pa siya sa rally na kung saan posibleng maganap ang pamamaril. Ganyan katibay ang isang tao.
-dale.liwanag k17&18

Kabanata 17 at 18

Prutas

Nagbabalik ang mga prutas sa ika-17 kabanata ng nobela. Maaalalang lumaki si Nene sa hacienda ng mga Nueva at ang nagturo sa kanya ng mga magagandang pag-uugali ay ang mga prutas dito. Muli, tinulungan ng mga ito si Nene sa pagpasok sa palasyo ng Malacañang, upang hanapin ang orihinal na imahe ni Ina. Nagawang ilagay nina Nene at mga kasamahan sa Sagrada na ilagay ang baril sa loob ng isang pakwan upang hindi mapansin ng maraming pulis at militar na nagbabantay ng Malacañang. Kinakailangang magdala si Nene ng isang baril upang maproteksyunan ang sarili sa kanyang pagtatangkang makapasok sa Palasyo.


Pagkakaisa at Pagtatakwil


Naipapakita ni Yapan ang pagkakaisa ng mga Filipino sa pamamagitan ng pagsasalaysay ng mga pangyayari noong EDSA Revolution. Minsang naglaban ang pula at dilaw para sa pagkapanguluhan. Nagwagi ang dilaw at pumalit kay Marcos si Cory bilang pinakamakapangyarihang tao sa Pilipinas. Nagpapatunay ito na maaaring magkaisa ang mga Pilipino para sa isang pambansang interes.

Isa pang pakakaisa na ipinapakita ni Yapan ay ang pagsasandugo nina Sikatuna at Lepazpi, lider ng mga Pilipino at mga Kastila na nagsandugo para sa pagkakaisa sa bansang Pilipinas. Ngunit, nabaliwala ang sandugo ng mga lider dahil sinakop din naman ng mga Kastila ang Pilipinas. Sinakop ang Pilipinas sa pamamagitan ng isang madugong digmaan.

Ang EDSA Revolution at ang pintang El Pacto de Sangre ay parehong nagsasalarawan ng pagkakaisa at katiwalain. Nagtakwil ang mga Kastila ng isang sanduguan na isang sagradong orasyon noong unang panahon. Nagtakwil ang mga opisyal ng gobyerno sa mga sinumpaang pangakong pauulanrin at tapat na paglilingkuran ang bansa.


Pagkatuklas

Maraming natuklasan sa dalawang kabanata. Sa ika-17, natuklasan ni Nene na wala sa Malacañang ang hinahanap niyang rebulto ni Ina. Nagawang makapasok ni Nene sa loob ng Palasyo pa pamamagitan ng uniporme ng katulong ng Palasyo na nakita niya habang palihim siyang papasok. Tinakot ni Nene ang katulong upang ibigay ang kanyang uniporme; ngunit, sa halip na matakot, natuwa pa ang katulong na sa wakas ay makakatakas siya mula sa Malacañang.

Natuklasan na rin ng mga mambabasa na ang tunay na pangyayari sa likod ng pagbubuntis ni Selya kay Nene kahit hindi ito nagalaw ng asawang si Bino. Hinalay si Selya ng kanyang manliligaw na Hapon sa harap ng Don at Donya Nueva, Bino, Esteban, at iba pang kasamahan ni Bino. Wala silang nagawa habang hinahalay ng lider ng mga Hapon si Selya dahil maraming nakatutok na mga bayoneta sa kanila. Wala silang magagawa dahil isang kalabit lamang ay tapos na ang kanilang buhay.

Nabuksan na ang mga mata ng Don at Donya Nueva sa katotohanang hindi si Bino ang ama ng Nene, si Nene na pinakamaputi sa buong lahi nila. Nabuksan na ang mga mata ng mga mambabasa kung bakit nakakakita si Esteban sa mundo ng mga kaluluwa. Nabuksan na ang kanilang mga bata sa lihim ng mag-asawang Bino at Selya. Nabuksan na ang mga mata ng manliligaw na Hapon ni Selya na si Selya at isang birhen.

- Michael Endozo

Saturday, September 12, 2009

Kabanata 17 at 18

Madalas ikwento sa akin ng aking mga magulang kung paano sila sumali sa EDSA revolution noong mag-nobyo pa lamang sila. Parehas silang mga estudyante pa noon, at sabay nilang dinayo ang Camp Crame upang makiisa sa sambayanang Pilipinong nagnanais patalsikin ang diktador na si Marcos. Tuwing isinasalaysay ni Mama ang kuwentong iyan, laging may tono ng dangal at pagmamalaki sa kanyang boses. Hindi siya ang tipo ng tao na sumasali sa mga rally, hindi niya masyadong isinasangkot ang sarili niya sa mga national issues. Ngunit noong panahon daw na iyon, ramdam na ramdam niya ang maigting na pangangailangang sumali sa rebolusyong iyon. Hindi niya alam kung iyon ang ikamamatay niya, kung ano ang mga mangyayari sa kanila doon, pero buong loob siyang sumama kay Papa at sa mga iba pa nilang kaklase sa Camp Crame.

Ngayon na iniisip ko, mayroon naman talagang maipagmamayabang ang bawat Pilipinong dumalo sa makasaysayang EDSA revolution. Ang totoo, medyo nakakainggit nga ang mga taong nakadalo roon. Masasabi nilang may nagawa sila para sa bayan, dahil matagumpay nilang napatalsik ang isang diktador sa pamamagitan ng kanilang tibay ng loob at pagkakaisa. Kung sakaling nabuhay ako sa panahong iyon, sa tingin ko'y didibdibin ko rin ang pagsali sa rebolusyon, tulad ng mga taong inilarawan ni Nene sa Kabanata 17. Nakakapanghinayang nga lang isipin na si Nene, na nasa gitna na ng lahat ng mga mahahalagang pangyayari na bubuo sa kasaysayan ng Pilipinas, ay hindi man lang nakapagbigay-halaga sa mga nangyayari sa paligid niya.

Marahil ganito lang talaga ang buhay ng tao? Pasikot sikot tayo sa mga bago at di pamilyar na mga sitwasyon (tulad ng pasikot sikot ni Nene sa mga kalye ng Maynila), pilit na hinahanap ang isang bagay (ang imahen ng Birhen, kay Nene) na tingin natin ay makakapagpasaya sa atin. Sa dulo, maaaring hindi rin natin ito matagpuan, at mabalot tayo sa kadilimang bumalot kay Nene nang hindi niya makita ang Ina. Sa halip na lasapin ang mga magagandang nangyayari sa atin sa kasalukuyan, ngayon mismo, lagi tayong naghihintay na may magandang mangyari sa atin. Darating ang panahon na hahantong tayo sa ating mga "higanteng museleo" na parang walang nangyari.

**

Ang Kabanata 18 para sa akin, ang isa sa pinakadramatiko at nakagugulat na kabanata sa nobela. Dito, nabunyag na rin sa wakas ang lihim nina Selya at Bino na alam din ni Esteban. Hindi ko alam kung tama ang naging reaksyon ko, pero nainis ako kay Esteban sa kabanatang ito. Binanggit niya na nakita niyang nakita niya ang pang-gagahasang ginawa ng mga Hapon kay Selya at ang ang pang-aabusong ginawa nila sa pamilyang Nueva at sa mga kapwa gerilya ni Bino. Ngunit ano ang ginawa niya? Pinabayaan niya lang na mangyari ito, at tumakas siya para mailigtas ang buhay niya. Oo, marahil ay makasariling hingin sa isang tao na ilagay sa alanganin ang kanyang buhay para matulungan ka, pero paano mo naman matitiis na hindi tulungan ang isang taong minamahal mo, sa gitna ng isang life-or-death na sitwasyon? Naging duwag si Esteban sa pagkakataong ito, at hindi ko masisi si Boboy na halos maloko na sa mga impormasyong nakalap niya sa kuwento ni Esteban.

Sa bahaging ito rin ng nobela, nailahad kung paano nabuksan ang "third eye" ni Esteban. Isang napakadramatikong eksena ang pangyayaring ito. Ikinuwento niya na nang barilin siya sa noo ng isang Hapon na nakakita sa kanya, dumaplis lang daw ang bala at nag-iwan ng isang sugat na nagbukas sa kanyang mga mata sa mundo ng mga kaluluwa. Ito ang "sandali ng mga mata" ni Esteban. Ang sandali na magiging puno't dulo ng buong nobela. Ang sandaling nagpasimula sa buong kuwento. Ang sandaling nagbigay sa kanya ng kakayahang makita si Estela, at ng kapangyarihang mapagaling si Boboy. Ito ang pinakamahalagang sandali sa buong kuwento ni Yapan.

-Trixie Conlu

Sunday, September 6, 2009

Kabanata 15 at 16

Sa ika-15 kabanata, tampok ang huling mga araw ni Bino sa mundo. Kasabay ng pagkasira ng bahay ng bato, unti-unti na ring nanghihina si Bino. At sa pagputok ng Bulkang Mayon, kasabay nito ang huling hininga ni Bino. Walang nagawa ang unang ulan ng Mayo upang mailigtas si Bino.

Sa kabanata 16, maraming dayaan ang nangyari sa botohan sa pagkapangulo sa pagitan nina Ferdinand Marcos at Corazon Aquino. Inilarawan ito ni Yapan sa pamamagitan ng iba-ibang hayop at nilalang na nagnanakawan ng boto.

Maraming ding kaguluhang ang sinabi ni Yapan sa kabanatang ito ng kanyang nobela.

Una niyang nabanggit ang tungkol sa aso at pusa. Nagkapalit ang kanilang mga karakter. Ngumingiyaw na ang mga aso at kumakahol na ang mga pusa. Ang pusa na ang nagbabantay sa bakuran ng mga tahanan at ang mga aso ay nagging malalambing na alaga sa loob ng mga bahay. Sa aking palagay, nagpapakita ito ng pagpapalipat-lipat ng tao sa magkabilang partido pulitikal. Sinisimbolo nito ang mga balimbing sa lipunan na walang magawa kundi ang magpalit ng karakter sa tuwing makakakita ng magandang oportunidad sa kabilang partido.

Pinuna rin ni Yapan ang mga election paraphernalia na ginamit noong botohan. Maraming nasayang na puno dahil nauwi lamang sila sa mga pangangampanya ng mga tumatakbo. Nagkalat ang mga ito sa lansangan. Ang ganitong sitwasyon ay maihahambing ko pa rin sa kasalukuyan. Maraming pulitiko ang ipinapakita ang kani-kanilang pagmumukha sa pamamagitan ng mga poster na laman lamang ay ang kanilang walang katapusang pagbati kung anumang okasyon mayroon o di naman kaya ay ang kanilang proyekto na lumalabas lamang tuwing malapit na ang eleksyon.

Naipapakita rin ni Yapan ang iba pang dayaan sa botohan tulad ng flying voter. Naipakita ito sa pamamagitan ng pagboto ng mga patay. Ayon pa kay Yapan, may mga nagputol pa ng mga daliri upang maibotong muli ang kanilang paboritong kandidato. Naipapakita nito ang kasalukuyang pangyayari tuwing eleksyon. May mga nakakaboto pa rin kahit sila ay patay na – ibigsabihin, nagagamit ang kanilang pangalan ng ibang tao upang maiboto ang kanilang manok sa eleksyon. 

Ang mga manananggal naman ay ang sumisimbolo sa mga pananakot tuwing eleksyon. Ang ganitong pangyayari ay totoo pa rin hanggang ngayon. May mga kandidato kasing namimilit na iboto sila sa pamamagitan lamang ng pananakot. Maaari rin naming sumisimbolo ang mga manananggal sa mga suhol ng mga kandidato sa botante (vote buying). Walang magagawa ang ilang mahihirap na botante kundi ang “magpabili” dahil sa hirap ng buhay.

- Michael Endozo

gana.

napakalungkot ng buhay kapag nawalan ka ng gana. malungkot kapag naisip mong wala na palang halaga ang buhay mo. mas malungkot pa kapag nalaman mong sinayang mo ang buong buhay mo. ganyan ang nangyari kay Bino. kaya naman siya namatay dahil dun eh.
ano nga ba ang nangyari kay Bino? iniwan niya iyung seminaryo. nag-aral pa siya. nasayang din. pinakasalan niya si Selya. ano nangyari pagkatapos? parang tinalikuran na siya. mag-asawa nga, di naman nagkakatabi matulog. parang sinakripisyo na niya iyong kinabukasan niya, para sa wala. sa negosyo niya sa hacienda, hindi na rin niya natuunan ng pansin. nawalan na ng gana. parang lahat ng pinaghirapan niya, wala rin. nasayang. mahirap ding tanggapin iyon kapag matanda ka na. parang dun mo lang naisip, sa buong buhay mo, pinaghirapan mo, tapos, sa huli, parang walang silbi.
kaya naman namatay si Bino eh. kala niya kasi, dahil sa pag-ulan, baka sakaling bumalik na ang kabataan niya. baka sakaling mabago pa niya ang buhay niya. alam niya kasing nasayang ito eh. kala niya kasi puro tama ang ginawa niya. pero sa dulo naman, wala rin. kaso nga lang, wala namang nagawa ang pag-ulan. matanda pa rin siya. dahil siguro hindi niya matanggap kung ano ang kinalabasan ng buhay niya, at lalo na dahil wala na siyang magagawa rito, kaya siya namatay. kung hindi niya naman kasi mababalik ang buhay niyang nasayang, baka mas mabuti pang mamatay na siya imbes na ipagpatuloy ang buhay niyang walang katuturan. siguro nga si Boboy na ang magpapatuloy ng mga pangarap niya habang bata pa iyon. pero sa kanya, matanda na siya. huli na ang lahat. hindi man niya gustong sayangin ang buhay niya, ang kapalaran niya'y ang buhay niya'y masasayang. at dahil wala na siyang magagawa rito, hindi na niya matanggap. namatay na siya. masakit mawalan ng pag-asa lalo na kung wala ng magagawa kung hindi umasa. dahil nawalan na siya ng pag-asa, nawala na ang lahat. pati ang buhay niya.
-d. liwanag k 15 & 16

Saturday, September 5, 2009

Kabanata 15 at 16

Sa kabanata 15 ikwinento ni Yapan ang pag-andar ng kanyang buhay. Kwinento niya ang buhay ni Esteban, mula ng namatay ang kanyangmga magulang hanggang sa pagtratrabaho niya na. Ang buhay ng tao ay parang gulong. Minsan nasa baba ka minsa nasa itaas ka.Sa isang punto ng iyong buhay magiging masagana ito ngunit sa isang punto babasak ka din ngunit wagnatin isipin na katapusan na ito ng mundo. Lahat ng bagay ay pwedeng lutasin, kailangan lagi natin isipin na laging may pag-asa. Hanggang nabubuhay tayo may pag-asa tayo. Ang buhay ni Esteban ay tulad ng isang common na tao. Mag-aral tapos magtrabaho hanggang tumanda at hindi na makapagtrabaho. Halos lahat ng tao ganito ang pananaw sa buhay. Ang isip ng iba boring na ang mabuhay dahil ulit lang naman ng ulit ang takbo ng buhay. Ang masasabi ko lang gawin nating makulay ang buhay natin, wag natin isiping boring ito dahil marami tayong pwedeng gawin upang maging maganda ang pamumuhay natin.

Nang ikwento naman ni Bino ang kanyang buhay, iba din ang naging mga karanasan niya. Mas mahirap mabuhay sa mga paa ni Bino. Napakahirap ng buhay niya,natutulog ang mag-asawang Bino at Selya sa ibang kwarto. Si Nene lamang ang gumagawa ng mga gawaing bahay. Si Selya ay nakaupo lamang at nagpapaypay, si Bino ay nakikilaro sa ibang mga batang hindi niya naman kaidad. Ganito ang naging takbo ng buhay sa loob ng bahay ng mga Nueva. Para saakin, hindi ko nanaising maging ganito na lamang ang buhay ko. Ang gusto ko sa isang pamilya ay ang pagiging close nila sa isa't-isa ayaw kong pamilya na malayo sa isa't-isa. Gusto ko din na nagtutulung ang bawat isa o nagtutulong sa mga gawain ng bawat miyembro ng pamilya.

Sa kabanata 16 naman may-shift sa paksa. Dito kwinento ang election sa pagitan ni Ferdinand Marco at ni Cory Aquino. Ang buwan ng Pebrero na dapat ay buwan ng mga puso ay naging buwan ng pag-aaway, kadayaan, at patayan. Alam naman nating lahat kung ano ang nangyayaro sa Pilipinas tuwing may elecsyon. Napakagulo ng ating bansa sa mga panahong ito. Nagsisiraan ang mga kandidato, para silang mga aso't pusa. Kung sino ang mas magaling mangsira ai iyong mananalo. Madami ding nangyayaring kadayaan tulad ng "flying voters" at ang pagboto gamit ang mga pangalan ng mga namatay na. Napakadumi ng politiko dito sa Pilipinas. Sa aking pananaw, kailangan nating baguhin ang ating pamamaraan ng pagboboto sa elecsyon. Buksan natin ang ating mga isop sa tama. Sundin natin ang alam natin na nakakabubuti sa lahat. Huwag tayo maging sugapa, sakim o makasarili.

-Matthew Tan

Kabanata 15 at 16

What has four legs in the morning, two legs in the afternoon, and three legs at night?

Naalala ko ang tanyag na riddle of the Sphynx sa pagbabasa ko ng Kabanata 15 ng ASNMM. Sa kabanatang ito, ipinakita ni Yapan ang transisyon ng tao sa bawat yugto ng kanyang buhay. Inumpisahan ito sa pagkuwento ni Esteban ng kanyang buhay matapos mamatay ng kanyang mga magulang. Ito ang "afternoon" ng buhay niya, o ang panahon ng kanyang pagiging isang adult. Marami siyang ginawa sa panahong ito. Marami siyang naging trabaho, mula sa pagiging manggagamot, hanggang sa pagiging karpintero at mang-uukit. Replektibo ito ng tipikal na buhay ng taong may edad 20-50. Wala silang ibang ginawa kundi maghanapbuhay, maghanap ng mapagkukunan ng pera, nang sa gayo'y may mapakain sa kanilang mga pamilya at mabuhay ng masagana. Minsa'y napapaisip ako kung ganito lang ba talaga ang tunguhin ng lahat ng tao sa buhay. Nag-uumpisa ang lahat sa pagiging estudyante. Maghihirap ka sa kakaaral upang makamit mo ang iyong diploma na magiging tiket sa pagkuha mo ng trabaho. Pag nagkaroon ka na ng trabaho, maghihirap kang muli sa loob ng dalawampu hanggang tatlumpung taon. Pagktapos, mapapagod ka na, at magreretiro na sa trabaho. Matapos mong magretiro, tutulala ka na lang sa iyong bahay, kasama marahil ang asawa mong uugod-ugod na rin, at wala ka nang gagawin kundi hintayin ang paghinto ng iyong hininga.

Hindi ko nais maging mapangutya, ngunit hindi ba't parang ganoon lang naman lagi ang takbo ng buhay ng tao? Mapapaisip ka tuloy kung para saan ba ang lahat ng ito. Nabuhay ka ba para lang maging ganiyan ang buhay mo? Wala bang mas malaki at mas mahalagang bagay na dapat mong gampanan sa panandalian mong pananatili sa mundo?

Naisip ko ang mga bagay na ito habang ikinukuwento ni Esteban ang naging inuman nila ni Bino. Ang naging buhay ni Bino ang mismong uri ng buhay na ayaw kong matamasa. Nalungkot ako habang ikinukuwento ni Bino ang mga pangyayari bago at pagkatapos niyang abangan ang Agua de Mayo. Ipininta rito ni Yapan ang larawan ng buhay sa bahay ng mga Nueva sa panahong iyon. Hindi na natutulog ang mag-asawang Bino at Selya sa isang kwarto. Halos hindi na sila nag-uusap. Si Nene lang ang abala sa mga gawaing-bahay at walang pumapansin sa kanya. Si Selya ay lagi lang nagpapaypay, nakaupo sa isang sulok ng sala. Si Boboy naman ay nakikipaglaro sa mga batang malaki ang agwat sa kanyang edad. Ito ang atmospera sa bahay ng mga Nueva. Sa ganitong klase ng tahanan tumanda si Bino. Sa ganitong klase ng tahanan niya sinalubong ang "night" ng kanyang buhay. At kung babalikan ang mga paglalarawang ginawa kay Bino--kung paanong nakakatulog siya sa pagod sa pagpapaypay sa sarili, kung paanong babangon siya ng tahimik at uupo sa tumba-tumba, kung paanong iniintay niya ang unang ulan ng Mayo kahit Hunyo na dahil desperado siyang "gumaling" sa kaniyang pagiging matanda--makikita natin na parang walang naging katuturan ang kanyang buhay. Ang kanyang kagustuhan na maligo sa unang ulan ng Mayo ay indikasyon ng desperadong pagtatangkang mabuhay pa ng mas matagal, dahil alam niyang sinayang niya lang ang maraming taon ng buhay niya sa loob ng kanyang bahay, sa piling ng kanyang tumba-tumba.

Lalo akong nalumbay nang ikumpara ni Yapan ang pagligo nina Boboy at ng mga bata sa kalye, na nasa "morning" pa ng kanilang mga buhay, sa pagpapaligo ni Bino sa kanyang mga kulubot na kamay sa Agua de Mayo.

Nagkaroon din ng paghahambing sa tahimik na pagpanaw ni Bino sa pagputok ng Bulkang Mayon noong Hunyo 30, 1981. Ipinakita lang nito na talagang napaglipasan na si Bino ng panahon, at na mayroon pang mas mahahalagang bagay na nangyari sa Sagrada kaysa sa kanyang pagkamatay.

Samantala, nagkaroon naman ng biglaang pagpapalit ng paksa ang nobela sa ika-16 na Kabanata. Sa Kabanatang ito, nagkaroon ng malaking irony sa mga pangyayari sa buwan ng Pebrero. Ang buwan ng Pebrero ang buwan ng mga puso. Ito ang buwan ng pag-ibig, kung saan matatagpuan si kupido hawak ang kanyang pana. Buwan din daw ito ng kulay pula--pulang mga puso, pulang rosas, etc. Pero sa Kabanata 16, ang buwan ng Pebrero ay naging buwan ng kakaibang pula--pulang dugo, pulang digmaan, etc.

Sa buwan na ito, naganap ang halalan sa pagitan ni Ferdinand Marcos at ni Cory Aquino. Sa bahaging ito ng nobela ipinakita ang kalagayan ng politika sa Pilipinas. Ang mga kaganapan sa botohan sa Mababang Paaralan ng Sagrada ay nagpakita ng kung ano ang mga karaniwang nangyayari tuwing panahon ng eleksyon dito. Una, ipinakita ang pagkakagulo ng mga aso at pusa. Ang mga aso at pusa ay sumisimbulo sa mga kandidatong naglalaban tuwing halalan. Ang kakaibang kilos ng mga ito ay replektibo sa kilos ng mga politiko. Sinabi rito na nag-gagayahan daw ang aso at pusa sa pagtahol at pagngiyaw. Binanggit din na pilit nilang pinapakita na kaya nilang gawin ang ginagawa ng bawat isa. Halimbawa ay ang pagligo ng mga pusa sa tubig, at ang pagdila naman ng mga aso sa kanilang balat. Hindi ba't ganoon din naman ang mga politiko? Pilit nilang dinadaig ang isa't isa, nakikipagkumetensya para sa atensyon at pabor ng mga tao. Nabanggit din ang pagdudumi ng mga pusa at aso. Ang mga aso raw, sa halip na dumumi sa kalsada tulad ng kinagawian nila, naghuhukay na raw sila sa lupa at ibinabaon doon ang kanilang dumi. Ngunit wala rin daw itong silbi dahil huhukayin din ng mga pusa ang mga ito, at sa paghihiganti ng mga aso, ang dumi ng pusa ay mahuhukay rin. "Naghalo sa hangin ang amoy ng tae ng mga pusa at aso." Ganyan ang eleksyon sa Pilipinas. Ang kanya kanyang baho at dumi ng mga kandidato ay nabubunyag ng isa't isa. Paninira. Kung sino ang mas magaling manira, siya ang panalo.

Samantala, ipinakita rin ang iba pang indikasyon ng dirty politics sa bansa. Ang mga kaluluwang bumoboto ng paulit ulit ay maihahambing sa mga taong bumoboto sa pangalan ng mga patay na, upang makarami sa pagboto. Ang mga manananggal naman ay maihahalintulad sa mga "flying voters" na lumilipat lipat ng lugar upang maging higit sa isa ang mga boto.

Ang buong Kabanata 16 ay nagpinta ng larawan ng tipikal na eleksyon sa Pilipinas. Marumi. Madaya. Sakim. Sugapa.

Kanya-kanyang gimik lang. Kahit ano, gawin mo na. Buhayin man ang mga patay. Siguraduhin mo lang na panalo ka.

-Trixie Conlu

Kabanata 13 at 14

Sa kabanata 13, nawalan ng ganang tulungan nina Selya at Bino ang anak nilang si Nene sa pagpapalaki kay Boboy dahil si Boboy ay isang anak na bunga lamang ng isang kasalanan, kasalanan dahil hindi kasal sina Nene at Benjamin at dahil isang tulisan si Benjamin. Nakakalungkot isipin na pati ang nag-iisa nilang apo ay hindi magawang ipagamot gayong sila ang mayroong pera.

Wala pera noon si Nene dahil hindi pa nabebenta ang baboy at hindi pa rin dumadating ang sweldo niya galing paaralan. Hindi pa rin nagbabago ang ganitong sitwasyon hanggang ngayon. Marami sa mga nagtatrabaho sa gobyerno ay delayed ang sweldo. Ayon nga sa guro ko noong highschool, mahilig daw ang mga guro ng mga public school sa “London” – loan dito, loan doon – dahil laging delayed ang kanilang sweldo. Naisip ko tuloy, bakit kaya hindi nangutang noon si Nene? Ngunit naisip ko rin na marahil hindi pa uso ang pangungutang noon. Marahil si Marcos pa lamang ang marunong mangutang noong panahon na iyon. =))

Dahil hindi madala ni Nene si Boboy sa ospital, umasa na lamang siya sa himala ng Birhen (Ina) na pagalingin si Boboy. May dalawa akong opinyon ukol dito. Una, nakakalungkot isipin na naalala lamang ni Nene na humingi ng tulong sa Ina bilang huling resort dahil wala na talaga siyang mapagkuna ng pera. Hindi niya ito naisip noong una pa lamang. Ngunit, hindi maiitatangging lubos at malaki ang pagmamahal ni Nene para kay Boboy. Isa siyang tunay na ina para sa akin. Hindi siya tulad ng kanyang ina na si Selya na pinabayaan lamang siya sa kanyang paglaki hanggang pagtanda.

Pangalawa, para sa akin, hindi naman ang paghalik sa rebulto ng Ina ang makakapagpagaling kay Boboy. Kagaya nga ng nasabi, rebulto lamang ito. Bilang isang Katoliko, wala akong naaalalang itinuro ang simbahan na nakakapagpagaling ang isang rebulto. Ang paghingi ng dasal mula sa Ina at sa iba pang santo ang makakatulong sa ating mga problema, hindi ang paghalik sa rebulto.

Sa ikalabing-apat na kabanata, makikita ang maraming problema sa lipunan. Isa na rito ang bagyo. Ang bagyo ay isang natural na phenomenon kaya walang pakakapaghanda para rito. Tama nga ang nasabi sa kabanata na walang gaanong naitutulong ang PAG-ASA kung may bagyo man sa ating bansa. Pero, sa kabilang banda, may mga magagandang bagay ding nagagawa ang PAG-ASA sa ating paghahanda para sa isang bagyo. Kaya hindi ako lubos na sumasang-ayon sa akda na halos walang magagawa ang PAG-ASA para sa kaligtasan ng mga tao.

Isa pang suliraning nailahad sa kabanata ay ang mga suliranin na ang gobyerno mismo ang nagdala sa ating bansa – ang super palaka (Hawii frog) at ang golden kuhol. Sa aking pagtangin, patuloy pa rin hanggang ngayon ang mga ganitong bagay. Maraming suliraning ngayon ang bansa na mismong gobyerno ang nagdala tulad ng NBN-ZTE deal, US Military bases, korapsyon, mga quarry, atbp. Naramdaman ko ang pagiging nasyonalista ni Yapan sa bahaging ito ng kanyang nobela. Napansin ko na puros kamalian ng gobyerno at ang paghihirap ng mamamayan ang inilalahad ng kabanatang ito.

Makikita rin sa kabanata na optimistiko tayong mga Pilipino pagdating sa mga suliranin sa buhay. Nakakakita tayo ng magaganda at kapakipakinabang na mga bagay sa mga suliranin at unos na dumadaan sa ating buhay.

- Michael Endozo

Tuesday, September 1, 2009

Kabanata 13-14

Ang kabanata 13 ay tungkol sa milagro, ako man din ay naniniwala sa mga milagro. Dito idinala ni Nene si Boboy sa kapistahan ng birhen sa Naga upang makapagmalas ng isang milagro doon. Sa pista, masyadong marami ang mga tao, matanda, bata, o mga teenager nandoon, nakikipagsapalaran na idala ang mahal na birhen galing sa katedral ng Naga patungo sa Basilica. Ako mismo ay nakadanas na sa Penafrancia Fiesta dahil taga-Naga man din ako. Alam ko kung ano ang nangyayari sa panahong ito. Ang mga tao galing sa iba't ibang lugar ng Pilipinas ay pupunta ng Naga upang makita ang Birhen, ngunit ang pinakarason nila ay upang makipagpista at makipagdiwang, hindi naman talaga debosyon sa mahal na ina. Dinala ni Nene si Boboy dito sa kaisipan niyang gagaling ang sakit ni Boboy sa milagro. Ang totoong milagro na nangyari dito ay ang pagdating ni Mr. Edwards. Dinala nila si Boboy sa isang ospital at dun siya gumaling. Ang mga milagro para sa akin ay hindi basta basta lang nangyayari, kailangan mo ding gumalaw upang mangyari ito.

Ang kabanata 14 ay tungkol sa Bagyo na dumaraan sa kabicolan. Madami talagang bagyo na dumaraan sa may saamin, maraming namamatay sa tuwing may bagyo. Ang Bicol ay malapit sa dagat pasipiko kung kaya't halos lahat ng bagyo ay dumaraan dito. Dahil sa mga bagyo natuto ang mga taong magadapt. Binago nila ang pamamaraan ng pagtanim at pagsasaka. May mga idinala sila ditong mga bagong mga species tulad ng golden snail na akala nila'y makakatulong ngunit sa huli ay naging peste at sagabal lamang. Sa tingin ko kailangan ialis na itong mga klaseng hayop dahil foreign ito sa atin hindi natin alam kung anong ang pwede mangyari dahil dyan. Wag tayong umasa sa mga ganitong pamamaraan.

PS. Sir sorry ngayon lng ako nagablog kasi umuwi po ako noong weekend hindi ako nakagamit ng computer at hindi ko din naiuwi ang libro ko.

-Matthew Tan

Kabanata 13-14

Monday, August 31, 2009

Kabanata 13 at 14: Tungkol sa Isang Hindi-inaasahang Himala, at ang Kunwaring Pag-unlad



Dalawang maikling kabanata, ngunit dalawang kabanata na maaaring pagkukunan ng ilang mahahalagang kaisipan tungkol sa kabuuang akda. Sa palagay ko, ang ikalabing-tatlong at ang ikalabing-apat na kabanata ay ang huling mga hakbang bago ang climax ng kuwento.


******

Sa Ang Himala ng Birhen, ikinuwento ni Esteban kay Boboy ang nangyari noong nagkasakit siya. Walang pera noon si Nene upang gamutin si Boboy. Hindi rin siya lumapit kay Esteban na arbularyo dahil hindi ata siya naniniwala sa kanyang kakayahan. Ang ginawa na lang ni Nene ay dalhin ang kanyang anak sa Naga upang puntahan ang katedral doon, kung saan may nagaganap na prusisyon para sa Birhen ng Peñafrancia.

Inilarawan nang mabuti ng awtor ang mga nangyari sa parada at prusisyon. Sobrang daming tao, iba’t-ibang uri: matanda’t bata, babae’t lalaki, lahat ay nagsama-sama sa mga kalsada upang panoorin ang parada para sa Birhen. Napansin ko rito ang bahaging kung saan binabanggit ang mga bagay-bagay na pinagtutuunan ng pansin ng mga tao sa parada (lobo, hikaw, singsing...novena, ice cream, atbp.). Naisip ko sa pagbabasa ko, parang andoon sa Naga ang mga tao hindi dahil sa Birhen, hindi dahil sa debosyon, kundi dahil sa mismong pagdiriwang, dahil sa entertainment value ng parada, dahil sa mga nagmamartsang kadete at sumasayaw na majorette. Parang nais ipahiwatig ng awtor na nagiging commercialized ang relihiyon sa Pilipinas.

Hindi gumaling si Boboy sa pagbibisita nila sa katedral kaya kinabukasan (tama ba?) dinala ang bata sa ilog upang paliguan dito habang dumadaan ang pagoda ng Birhen. Lalo pang lumalala ang sakit ni Boboy dahil sa dumi ng tubig. Mapaghimala man o hindi, hindi ko papaliguan ang aking anak sa maduming tubig-ilog. May common sense kasi ako, ngunit naiintidihan ko naman, desperado kasi si Nene. Marahil nga, namatay si Boboy kundi dahil kay Mr. Edwards. Sa palagay ko, ang pinapag-usapan sa titulo ng kabanata, Ang Himala ng Birhen, ay ang pagtatagpo nina Nene at Mr. Edwards. Ang pagtatagpo na magdudulot ng kasaganahan at kahirapan sa buhay ni Nene. At least, gumaling si Boboy.

May binanggit dito na isang proyekto ni Nene. Ano kaya ito?

*****

Nakapag-reflect ako habang binasa ko ang susunod na kabanata, Mga Bahay sa Gitna ng Bagyo.

Matapos naisin ni Boboy na buksan ang kanyang mata (upang makita muli si Estela) sa itinaguriang ang kanilang mundo, o ang mundo ng mga kaluluwa, aswang, at iba pa, ikinuwento ni Esteban sa kanya ang kasaysayan ng Sagrada sa panahon ng 1970-1972. Pinag-usapan dito ang malaking bagyo na dumaan sa Bicolandia. Nakakatuwa ang kasabihan tungkol sa pagbibigay ng pangalan sa mga bagay na hindi pa naiintindihan. Totoo nga ito, takot ang mga tao sa mga bagay na hindi nila maiintindihan.

Bukod pa sa kaisipang ito, sa palagay ko ay hindi mahalagang intiindihin ang literal na bagyong Sining, kundi ang sumunod na piguratibong bagyo, ang bagyo ng pag-uunlad matapos ang pagdeklara ng Batas Militar. Hindi pa handa ang mga magsasaka, na kuntento pa sa kanilang buhay, sa pagbabago na naganap sa Sagrada. Ang mga pagbabagong dumating na simbilis ng bagyong Sining.

Sa umpisa naman nagdulot ang IRRI ng kabutihan sa anihan, na gumanda, ngunit sa maikling panahon lamang. Ang dagdag pang mga pakikialam ng gobyerno tulad ng mga super palaka at golden kuhol ay nagdulot pa ng kasamahan. Inihambing nga sila sa mga sampung salot.

May natutunan naman ako sa kabanatang ito, tungkol sa kasaysayan. Akala ko dati, ang pagbabago sa sistema ng agrikultura, gamit ng teknolohiya, ay magdudulot ng kaunlaran. Hindi pala lagi.

*****

Hanggang sa susunod,

Isang bahay na nakikipagbuno sa bagyo ngunit nananatili at tumatanda,

O isang taong stubborn,

Nicholas Price.



Sunday, August 30, 2009

kabalintunaan sa buhay.

Hindi lamang sa mga kwento matatagpuan ang kabalintunaan. Sa pamumuhay nga ng tao'y mayroon ding kabalintunaang nangyayari. Sa nabasa ko sa kabanata ikalabing apat, may dalawang halimbawa nito: na ang ulan na nagpapatubo ng mga halaman at mga palay ang sisira rin dito, at ang mga hayop na pinasok sa bansa na tutulong daw sa kalagayan ay naging peste pa. Kabalintunaan ang dalawang ito kasi imbes na tuluyang makatulong pa sa mga itinatanim ng mga magsasaka ay ito pa ang sisira. Siguro nga'y kahit marami ang isang mabuting bagay ay makasasama pa rin.
Sa halimbawa ng pagbuhos ng ulan, mahalaga kasi noon ang pag-ulan sa pagsasaka bago pa maimbento ang bagong teknolohiya. Nararapat lang na sundin ang pagbabago ng panahon para sa masaganang ani. Subalit, kapag naman masyado ng malakas ang ulan, nasisira na ang mga palay. Nalulunod na ito at nabubulok. Kahit nga kailangang kailangan ang mga ulan, kapag bumagyo na'y malaki na itong problema para sa magsasaka.
Sa kabilang dako naman, nakakatawa rin na maling-mali ang pagpasok ng mga hayop na galing sa ibang-bansa. Nang pinasok ang kuhol at palaka, nahirapan pa ang mga magsasaka noon. Ang kuhol kasi talaga'y pang-export at para kainin ng mga tao dahil madami raw itong protina. Ang palaka nama'y para patawing ang mga ahas. Imbes na makadagdag sa kakaunting ginhawa sa mga tao, dumagdag pa ang problema nila. Ang kuhol nama'y hindi masarap para sa mga Pinoy at hindi naman nakain ng mga palaka iyong ahas. Dumami pa ang dalawang uri ng hayop at kinailangan pang ikontrol ang populasyon.
Mayroon nga talagang mga bagay na mistulang mabuti subalit kapag dumami na'y malaki nang problema. Isa nga ang ulan. Kapag may ulan, may patubig para sa halaman. Subalit, kapag bagyo na'y laki nang hirap. Ang mga hayop na pag-asang makatulong ay pahirap pa. Siguro talaga'y kung ano namang mabuti'y hindi pa rin dapat talaga magkaroon ng marami sapagkat makakasama na ito.
-dale.liwanag [k13&14]

Saturday, August 29, 2009

Kabanata 13 at 14

Naniniwala ako sa milagro. Naniniwala akong nakakatulong ang matinding dasal at pananalig sa Diyos upang malampasan ng tao ang pagsubok sa buhay. Bagamat malaki ang tiwala ko sa Kaniya, hindi naman ako naniniwala na ang solusyon sa lahat ng problema sa buhay ay madadaan lang sa dasal. Kailangan din maghanap ng paraan ang tao upang malampasan ang mga pagsubok niya.

Sa Kabanata 13 ipinakita ang pagsisikap ni Nene na madala si Boboy sa simbahan, sa imahen ng Mahal na Birhen, upang mapagaling ito sa kanyang lagnat. Ginawa ito ni Nene dahil ito ang pinaniniwalaan niyang pinakamagandang lunas sa pagkakasakit ni Boboy, at sa kabanatang ito, makikita ang lubos na pagmamahal na tanging ang isang ina lang ang makapagbibigay sa kanyang anak. Napakatingkad ng mga imaheng ginamit ni Yapan sa kabanatang ito, at nailarawan si Nene na parang isang isda na lumalangoy laban sa daloy ng isang ilog. Sinuong niya ang dami ng tao sa pista ng Peñafrancia at nilampasan ang lahat ng hadlang para makarating sa Katedral.

Sa mahabang paglalakbay ni Nene sa masisikip na daanan at siksikan ng tao, naipinta rin ni Yapan ang isang malinaw na larawan ng tipikal na pagpapalaki ng mga magulang sa kanilang anak. Sa pista, ang mga anak-mayaman ay nakabibili ng mga lobo na naipagmamayabang nila sa mga batang mahihirap. Ang mga nasa middle class naman, o ang mga may kaya ay napapabutasan ng mga tainga at nabibilhan ng mga hikaw. Samantala, ang mga batang ipinanganak sa hirap ay napapagalitan lang dahil sa pangungulit at pagpapabili ng ice cream o cotton candy. Sa kasalukuyang panahon, makikita pa rin ang ganitong mga pagkakaiba sa pagitan ng bawat antas ng lipunan.

Sa paglalakbay rin ni Nene, nakita niya ang mga dalagang majorette na kumekendeng sa tugtugin ng banda. Naipakita rin dito kung paano tratuhin ng ibang kalalakihan ang katawan ng mga babae. Nakalulungkot man sabihin, pero sa kasalukuyang panahon, ganito pa rin ang nangyayari sa mga kababaihan.

Bagamat napakahirap na ng pinagdaanan ni Nene upang makarating sa Katedral ng Naga, sinunod pa rin niya ang payo ng matandang babae na paliguan si Boboy sa ilog sa araw na idadaan ang pagoda ng Birhen. Muli, ipinakita ang determinasyon ni Nene na mapagaling si Boboy sa pakikipagsiksikan niya sa ilog. Kakaiba talaga magmahal ang isang ina. Sa dulo, nang hindi gumana ang pagpapaligo ni Nene kay Boboy, dinala ni Mr. Edwards ang mag-ina sa ospital. Sana'y nung umpisa pa lang ay naisip nang gawin ni Nene ito, dahil ito naman talaga ang pinaka-nararapat gawin, bukod sa pagdadasal na gumaling na si Boboy.

Marahil ang milagrong naganap sa kabanatang ito ay hindi ang pagpapagaling ng imahen ng Birhen kay Boboy, kundi ang pagpapakita ni Nene ng dakilang pagmamahal sa anak niya, sa kabila ng masasaklap niyang karanasan bilang halos inabandunang anak nina Bino at Selya.

Ang Kabanata 14 naman ay tumalakay sa bagyo, na sa tingin ko'y sumisimbulo sa mga pagsubok sa buhay. Nasabi ko ito dahil sa unang bahagi ng kabanata, nabanggit na ang tanging nagagawa lang daw ng PAG-ASA ay bigyan ng pangalan ang mga ito dahil hindi rin nila talaga malamn kung saan ito pupunta, at kung ano ba talaga ang laki nito. Tulad ito ng mga problema sa buhay--hindi natin alam kung kailan darating, o kung gaano kalaki ang magiging epekto sa atin. Ang alam lang natin ay nariyan ito, at ang tanging magagawa lang natin ay ihanda ang ating sarili para dito.

Uminog ang buong kabanata sa kung paano hinaharap ng mga tao sa Sagrada, lalo na ang mga Nueva, ang mga "bagyo" ng buhay. Pinakita rito na kahit ang bahay na bato ng mga Nueva, ang matibay na bahay na bato nila, ay natitinag din ng malakas na bagyong tulad ni Sining. Bagamat nagdulot ng maraming kapinsalaan ang bagyo sa mga bahay ng mga taga-Sagrada, nagkaroon din naman ito ng magandang epekto sapagkat lahat ng mga prutas na dapat anihin ay inani na ng bagyo para sa kanila. Sa kalaunan nga lang, naging problema rin para sa mga Nueva ang bagyo dahil nasira ang kanilang mga pananim. Namroblema tuloy si Lope, na siyang namamahala dito.

Pagkatapos ng bagyo, nagkaroon ng mga pagbago sa pagtatanim kasabay ng pagbabago ng panahon. Nauso ang fertilizer at pesticides, pati ang Hawaiian frog at golden snail. Sa dulo, ang lahat ng ito ay tila walang kwenta rin, dahil sa halip na makatulong sa pagpaparami ng ani, nagdulot pa ng pinsala ang mga ito. Mapapaisip ka tuloy kung bakit ang hilig magpauso ng mga tao ng mga bagay na mas nakakapagpa-komplikado lang ng mga bagay bagay. Mabuti sana kung sigurado sila na ang mga bagay na ito ay talagang makatutulong sa kasalukuyang mga gawain, kung mapapadali ba talaga ang mga ito. Ngunit hindi naman nila alam kung talaga bang epektibo ang Hawaiian frogs at golden snails. Naging pests pa tuloy ang mga ito sa bandang dulo.

Sa dulo ng kabanata, nagbigay ng palaisipan si Lope. Tinanong niya kung ano ang mas mabuti, "isang bahay na nakikipagbuno sa bagyo ngunit nananatili at tumatanda? O isang bahay bang nakikipagtanan sa bagyo ngunit nananatiling bata?" Sa tingin ko, ang ibig sabihin lang nito ay mas mabuti bang manatili kang tradisyunal at maniwala sa mga lumang nakagawian na, kahit malipasan ka ng panahon, o mas mabuti bang makisama ka sa pagbabago ng panahon nang hindi ka nito maiwanan. Para sa akin, mabuti ang pangalawa--ang makisama sa pagbabago ng panahon, pero dapat ay alam mo na ang mga pagbabagong tatanggapin mo ay makabubuti para sa iyo.

-Trixie Conlu


Sunday, August 23, 2009

Kabanata 11-12: Tungkol sa mga Appetizers at Ulam


Kung sa nakaraang mga kabanata ng Ang Sandali ng mga Mata ay naiwan sa mga mambabasa ang maraming mga tanong at di-maiintindihang mga pangyayari, ngayon, dahil nasa bandang gitna na tayo ng akda, dahan-dahang sinasagutan na ang mga tanong natin tungkol sa kabuuang kuwento, ngunit sa di-maaasahang mga paraan. The story is intensifying in its inevitable march to a resolution (di ko ito naisalin :)). Parang bumibilis na ang pagkuwento ni Esteban.



*****

Sa ikalabing-isang kabanata, Pag-iisang-dibdib, Paglilibing, nilinaw ni Esteban ang kasaysayan ng Sagrada. Nainteres ako sa pagbabasa dito dahil parang makatotohanan nga ang paraan ng pagtatag ng Sagrada. Malamang nasa pagmamay-ari ang lupa ng mga prayle, at ibinigay ito sa isang pinunong tumulong sa Pransiskano. Ano kaya ang ginawa niya para marapat sa kanya ang itong malawak na lupang ito? Hindi na natin malalaman. Basta, ang punong duhat, na ang bunga nito ay mahalaga sa mga Agta dahil ito ay ang paksa ng isang alamat tungkol sa kanila, ay naging mahalaga rin sa mga taga-Sagrada. Kung dati ay nagsilbi itong marker ng hangganan ng lupa, sa panahon ng mga titulo at kontrata ito ay naging sagabal sa pag-uunlad. Pag-uunlad batay sa pananaw ng mga dayuhan at hindi alang-alang sa kabutihan ng mismong mga nagbubungkal ng lupa.

Malinaw ang paglalarawan dito sa pagbabago ng panahon. Kung dati ay komunal lamang ang sistema ng pamumuhay ng magsasaka, noong nagsidatingan ang mga dayuhan nagkaroon ng di-kakaunting gulo. Ngayon, sa totoong buhay, sa panahon ng mga titulo at kontrata, nararanasan pa rin natin ang mga epekto ng gulo. Parang walang naitulong sa atin ang CARP, hindi ba? Kaya nagpoprotesta ang mga magsasaka, dahil hindi sila nakikinabangan sa CARP.

Balik naman sa kuwento: nalaman natin na ang pamilya ni Selya ay mga nagtatrabaho sa kabukiran ng mga Nueva. Mahigpit na nagmamay-ari ang mga Nueva noon. Mataas ang singil na palay. Si Selya, na iniwan ng kanyang mga magulang, ay kung bagang inialay ng kanyang tiyuhin sa pamilyang Nueva upang maging katulong. Hindi kasi ito makakatulong sa bukid sa kaliitan ng kanyang mga kamay at hakbang.

Fast forward naman sa panahon ng kasinungalingan ni Bino. Nagkaroon ng isang engrandeng kasalan, ngunit hindi ata ang mismong kasalan ang naging kapansin-pansin sa mga taga-Sagrada, kundi ang kanilang pag-aasa na may mangyayaring mali dito. Hindi kasi kapani-paniwala na magpapakasal ang unico hijo ng Don at Donya Nueva sa isang katulong. Tsk, tsk, Masyadong tsismoso ang mga taga-Sagrada. Maganda naman daw si Selya at mukha naming matalino kaya bakit naman hindi mangyayari ang kasalan? Old fashioned! Nagpapakita sila, gaya ng sinabi ng kasama ko sa Tropang Longganisa, ng Crab Mentality. Kawawa naman ang mga magulang ni Bino; pumayag lamang sila para may tagapagmana ang hacienda. Hindi nila naasahan na dahil kina Bino at Selya, sa panahon ni Boboy mababawasan ang lawak nito sa limang ektarya lamang. Ironic!

Masaya naman ang mga bagong kasal sa panahon na iyon ngunit nagbabala ang lihim, ang lihim na mangyayari sa giyera na sisingit sa pagitan ng dalawa at magiging sanhi ng lahat ng kasawiang-palad sa buhay nila, at maging sa buhay ni Nene. Tama nga ako noong sinabi ko dati na ang lihim na ito ay ang susi sa buong kuwento.

Fast forward na naman pagkatapos ng digmaan. Mahalaga sa kuwento ang paglarawan sa pakikisama nina Bino at Lope. Dahil nakakulong si Bino sa mga matandang pamahiin, si Lope na ang namamahala sa mga gawain sa hacienda. Aakalain mo na best friends ang dalawa, ngunit...

Wala naman akong masabi tungkol sa CARP at NPA. Parang siningit ni Alvin B. Yapan ang isang liksiyon tungkol sa kasaysayan. Hindi naman mahalaga ito sa kuwento maliban sa paglalarawan kung paanong unti-unting nabawasan ang lupain ng mga Nueva pero tinagurian pa silang Don at Donya.

Patay na pala si Lope. Siguro si Esteban na lang at si Selya ang nakakaalam sa lihim...


*****

Sobrang nashock ako sa kabanata 12. Tila binuhusan ako ng isang malamig na pitsel ng impormasyon tungkol sa kuwento. Kung ang kabanata 11 ay ang naging appetizer para sa mga mambabasa tungkol sa mga misteryo tulad ng Lihim (gagawin ko na siyang proper noun) at si Lope, Ang Bugtong ng Nganga ay ang magiging malaking kaldero ng ulam. Lalamon ka at mabubusog ka. Magsisi ka na binasa mo nang masyadong mabilis.

Oo, siguro nagooverreact ako sa kabanatang ito. Pero seryoso naman ako, tignan mo!

Hindi pala anak ni Bino si Nene dahil! Mag-asawa pala talaga sina Agatha at Lope! May tinatago palang galit si Bino kay Lope! Sinunog ng buhay ang mga magulang ni Bino ng mga Hapon!

Ito ay isang kabanata ng mga “kaya pala”. Kaya pala parang nawalan lang ng interes si Bino kay Nene. Kaya pala nagnanais itong malunod sa tuba. Kaya pala tumanggi si Bino alok ni Lope. Kaya pala hindi binanggit kung ano ang naging kinahinatnan ng kanyang mga magulang hanggang ngayon.

Maganda talaga ang palalarawan ni Yapan sa kanyang mga karakter. Ayon sa kanya, o sa kanyang persona na si Esteban, sina Bino, Lope, Agatha, at Selya ay nakulong sa kanilang sariling mundo.

Si Lope, ang nakaligtas kay Bino, ay hindi napapasalamatan ng Don. Nakulong si Lope sa pagiging katiwala at hindi kaibigan nang tanggihan ni Bindo ang alok niya. Si Bino na nais sigurong malunod sa tuba ay may tinatagong galit kina Lope at Agatha. Parang gusto ko siyang tawaging gago sa harapan niya. Sa lahat ng ginawa ni Lope para sa kanya. Oo naman, malas si Bino sa nangyari sa kanya. Ngunit bakit niyang sisihin si Lope na nagligtas sa kanya?

Nakakatawa naman ito si Selya. Sobrang komikal ang paglalarawan sa kanyang Colonial Mentality. May hawak siyang pumaypay na galing Amerika at inuubos niya ang pera ni Bino sa pangangalaga sa mga “Texas” na manok (galing daw States eh). Nais niyang patunayan sa lahat na mas magaling ang Amerika kaysa sa Pilipinas. Sobra itong determinado na umasenso sa pamamamagitan ng Amerika na kahit sa sabungan ay nakikipagtalo siya. Tumigil lamang siya para kay Boboy, na magiging abogado dapat. Mayaman kasi ang mga abogado, at magaling mag Ingles. Gago :))

Patapos na!
Nicholas Price.

P.S. Hindi ko nabanggit nang malinaw ang nangyari kay Bino sa giyera, ngunit naglagay ako sa blog ng isang salitang pun na nagrereference sa pangyayari. Katuwaan lamang :) Sana mahanap ninyo, o kaya mahanap mo, dahil ikaw lang ata ang nagbabasa ng blog ko, Sir .





Kabanata 9-10: Tungkol sa Pagtatampo at sa Social Commentary

Napansin ko na medyo umaagos ang kuwento palayo sa mga supernatural na pangyayari, tulad ng pagkita sa mga aswang at kaluluwa. Tumutungo na ito sa paglalarawan sa mga tao. Mga taong nagmamahal at nagtatampo. Mga taong gumagawa ng mga bagay na di-katuwiran at alang-alang sa mga maling kadahilanan.

Punong-puno yata ang Sagrada ng mga taong ganito. Nakita na natin sa nakaraang mga kabanata ang pagpapakamatay ni Estela (na hindi pa natin alam ang dahilan) at ang kasalan nina Selya at Bino na batay sa isang kasinungalingan.


*****

Sa ika-siyam na kabanata, Mga Alitaptap na Nahuli ng Hamog, si Esteban ay nakapagpasyang sumanib sa mga gerilya laban sa mga Hapon. Hindi dahil inabuso siya ng mga mananakop. Binigyan pa nga siya ng mga day passes at armband upang makilala siya ng ibang mga Hapon at para malaman nila na ang karpintero ay isang “Good Civilian”. Hindi naman upang maghiganti sa mga Hapon. Bakit naman? Buhay pa ang mga magulang ni Esteban at nakapagtago pa siya ng pagkain. Masasabing hindi naman naapekto nang lubusan ang kanyang buhay noong dumating ang mga Hapon. Sumali siya sa mga gerilya dahil galit siya kay Selya, si Selya na hindi nagpaalam sa kanya at nagpakasal kay Bino. Si Esteban noon ay gumawa ng mga bagay na di-katuwiran.

Malinaw na napatunayan noong bumisita si Esteban kay Selya bago sumali ito sa mga gerilya na may mga damdamin talaga si Selya para sa karpintero, at tinatago lamang niya ito upang manatili sa magandang kalagayan.

Nakatulong naman si Selya sa kanyang mga biyenan, ngunit sa hindi magandang mga paraan. Sa simula, hindi nadamay masyado ang mag-asawang Don at Donya Nueva sa pananakop ng mga Hapon, dulot ng kanyang pakikipaglandian sa mga Hapon. Nakuha pa itong ligawan ng isang opisyal kahit may asawa siya. Si Selya talaga. Ipinagtanggol ko nga siya sa nakaraang blog. Sa palagay ko kasi, hindi naman siya masamang tao. Naudyok lamang ng circumstance, ngunit lumalala na ang kanyang masamang asal. At least, nanatiling ligtas ang hacienda Nueva.

Inilarawan sa kabanatang ito ang mga pakikipagsapalaran ni Esteban bilang rebelde laban sa mga mananakop na Hapon. Naging kilala siya sa mga gerilya dahil sa matagumpay niyang pagsalakay sa isang trak ng armas habang nasa ilalim siya ni Rafael (na namatay) at marunong lang siyang gumamit ng Springfield. Binigyan siya ng sarili niyang pulutong at marami pa siyang nagawa para sa liberasyon ng Bikol. Ginawa niya ang lahat dahil lamang sa pagtatampo niya sa isang babae. Bata pa siya noon kaya siguo kumilos siya nang ganoon.

Mabuti nalang na napagtanto ni Esteban ang mga kamalian niya, ngunit pagkatapos lamang ng mahabang panahon (ilang taon?) ng pagpapatay sa mga Hapon at pagiging responsable sa di-mabilang mga nasawing buhay ng kanyang mga kasamang gerilya.

Nagsulat ito matapos ikuwento ang kanyang pagtakas sa mahigpit na hawak ng kamatayan: Manipis lang naman pala ang apoy na pumipilit sa aming magbarilan. Halata naman kung ang ipinaglalaban mo ay hindi ang inyong bayan kundi ang pagmamahal mo sa isang babae na hindi naman nararapat mahalin.

*****

Sa ikasampung kabanata, Ang Ulan ng mga Bala, inilarawan ang tauhang si Chua. Isa siyang Tsino na galing Maynila, ngunit hindi siguarado ang mga taga-Sagrado kung bakit siya naparoon o kung Chua ba talaga ang pangalan niya. Bago ito namatay sa timawang mga kamay ng mga miyembro ng NPA, siya’y naging responsable, kasama ni Nene, sa pagpapaunlad sa Sagrada. Nagsimula ang kanyang negosyo sa tabako hanggang sa yumaman siya ng yumaman dahil sa pagkaroon ng iba’t-ibang paninda. Hindi siya ginalaw ng mga Hapon dahil sa pagbenta niya ng sigarilyo. Niligawan pa niya si Nene ngunit tinanggihan siya. Si Chua, na pinatay ng mga NPA. Sa palagay ko, sumisimbolo si Chua sa lahat ng mga Tsinong nagpaunlad ng Pilipinas at ang naging kapalit ay ang masamang pagtingin galing sa mga Filipino.

Katulad ng sinulat ko tungkol sa Bombay na nakipag-away kay Selya sa bandang simula ng kuwento, gusto ko sanang itanong sa aking mambabasa: mahalaga ba si Chua sa kuwento? Wala naman siyang kinalaman sa misteryo na pumapaligid sa mga Nueva (maliban kung meron talaga). Isa na naman siyang karikatura ni Alvin B. Yapan sa kanyang social commentary na dumadaloy nang magkagapay (parallel) sa banghay ng nobela.

Maliban kay Chua, ang kuwento ng kabanatang ito ay tungkol sa pagkakakilala nina Nene at Benjamin at ang kanilang pakikisuyo habang gumagaling ang mga sugat ng taga-NPA matapos makipagengkuwentro ito sa mga CP. Nag-ibigan sila kahit magaling na si Benjamin at, gaya ng pagiging protektado ang hacienda Nuvea sa mga Hapon dahil kay Selya, hindi sila ginalaw ng mga NPA. Pinanganak si Boboy sa ilalim ng ulan ng mga bala at umalis si Benjamin.

Nagulat ako nang basahin ang bahagi kung saan ipinakita ni Lope kay Boboy ang baril. Hindi ba nag-iisip si Lope? O baka lang akala ng katiwala ni Bino na hindi mali ito. Hindi ko masabi. Basta, nagulat ako.

Matapos basahin ang buong kabanata, napaluha ako. Hindi nga pala alam ni Nene ang apelyido ng kanyang asawa. Oo, asawa, kahit hindi pa sila kasal. Napaslang na NPA sa isa na namang enkuwentro” Mabuti nalang na hindi naintindihan ni Boboy, na nasa murang edad, ang pagdalamhati ni Nene noon. Hindi na siya nagnais ng ama.

Isa na naming enkuwentro. Kung sa kabanata 9 ang lumalaban ay ang mga Filipino at mga Hapon, ngayon kapuwa Filipino ay nagpapatayan. Nakakalungkot nga. Hindi nagtatapos ang giyera.


Hanggang sa susunod,
Nicholas Price.




Kabanata 11-12

Sa kabanata 11 itinalakay ang sistema ng pagmamay-ari ng lupa. Ang pag-asenso ng pagamamay-ari ng lupa. Kung dati rati'y walang maayos na pag-alam kung hanggang saan ang pagmamayari mo ngayon nakasulat na ang lahat at may proweba na ng pagmamay-ari. Dito din inilahad ang pamamalakad ng Don at Dona sa hacienda, naging malupit sila sa pamamalakad nito. Inilahad din dito ang pag-iibigan nina Bino at Selya, ang kwento kung pano sila nagkatuluyan at ang mga pangyayari sumunod. Nagsinungaling si Bino sa kanyang mga magulang na nabuntis niya si Selya upang maipagpakasal sila dahil hindi sang-ayon ang kanyang mga magulang sa pag-iisang dibdib nina selya at Bino. Dahil sa pag-angat ng status ni Selya mas naging maluho siya, gustong gusto niya ang mga bagay dayuhan at ang pamumuhay mayaman. Lumaki at lumaki ang kanyang ulo. Dito din pala inilahad ang kwento kung saan nagmula si Selya. Ang katotohanang iniwan din siya at inabandon ng kanyang pamilya ng kabataan niya kung kaya't nagawa niya ding iwanan ang kanyang anak. Umiral din dito ang mentalidad ng mga Pilipinong ibaba ang kapwa nilang Pilipino o ang "crab Mentality." Ipinamalas ito ng mga tao ng kasal nina Bino at Selya dahil hindi sila sang-ayon sa pangyayaring iyon. Hindi ako sang-ayon sa mentalidad na ito ng mga Pilipino. Hindi dapat natin ibinababa ang ating kapwa. kailangang magkakampi tayo lagi. Bayanihan ang kulang sa atin eh! Kaya nga hindi tayo umaasenso dahil sa mentalidad na ito.

Sa kabanata 12 naman kwinento ang pagpalakad ni lope sa hacienda, ang pagkahook ni Selya sa pagsasabong at ang katotohanang hindi totoong anak nina Bino at Selya si Nene. Magpapakasal na sana sina Lope at Agatha ngunit hindi pumayag si Bino na maging ninong kung kaya't hindi na ito natuloy. Napakawalang hiyang tao siya dahil wala siyang utang na loob sa dalawang taong ito na tumulong sa kanya. Isa din ito sa mga masasamang mentalidad ng mga Pilipino, ang utang na loob. Kailangang iwasan nating sumunod sa mga mababahong tradisyong iniwan satin ng ating mga ninuno. Baguhin natin ito at pagandahin.

-Matthew Tan

Kabanata 9-10

Sa kabanatang ito ilinarawan ang digmaan. Isang digmaang puno nang kasawian at lungkot. Dito inilarawan ang totoong larawan ng digmaan kung pano namumuhay ang mga tao. Pnakita dito kung pano nabuhay si Esteban ng digmaan ng mga hapon at mga kano. Dahil sa pang-aapi ng mga hapon sa mga mamamayan ng Pilipinas madami ang nagrebelde. Nabuhay sila na walang permanenteng mga tahanan. Dito ko nakita na napakahirap palang mabuhay ngpanahon ng digmaan. Takbo lang ng takbo ang mga tao dahil sa takot. Madugo at hindi makatao ang ginagawa ng mga tao kapag may digmaan, ginagawa ng lahat na mabuhay kahit na makapatay sila. Kamatayan ang pakay at kinakakatakutan ng lahat ng tao kapag may digmaan. Para sa akin maswerte na tayo dahil ipnanganak tayo sa panahong ito, kahit na ganito na ang ating mundo ngayon basta't may kapayapaan sa ating daigdi ito na ay sapat dahil napakahirap ng isang gyera. Hindi mo na alam kung sino ang kaibigan o kalaban. Hindi katanggap tanggap ang digmaan.

Sa sunod naman na kabanata ipinakita satin ang pagpalaki ni nene kay boboy. Dito din may ipinakilala satin ng ating dakilang manunulat. Isa siyang negosyante tulad na din ni Nene na nagtulong sa pag unlad ng sagrada. Batay sa aking nabasa maganda naman ang naging pagpapalaki kay boboy. Minahal siya ng kanyang mga magulang at handang ipaglaban at ipagtanggol.

-Matthew Tan

malungkot.

Sa ikalabing-isang kabanata, napansin kong mayroong dalawang katangian ang mga Filipino na maituturing na masama. Una ay iyong pag-iisip na sana'y may masamang mangyari sa isang tao. Ito ang tipong umaasa ang isang tao na may malubhang mararanasan ang isa pa. Ang isa pa'y ang ulo'y lumalaki kapag biglang nabiyayaan. Ang tao'y biglang nagiging mayabang at parang nawawalan ng paki sa iba. Nakita ko itong dalawang katangian sa ilang bahagi ng kabanata.
Sa talangkang pag-iisip, mistulang nangyari ito ng magpapakasal na si Bino at si Selya. Lahat kasi noo'y umaasa na mangyari nga ang dapat mangyari. Malungkot dito'y imbes na sumaya dahil ang isang katulong ay umangat ang estado sa buhay, umiikot pa rin ang pag-iisip sa mga pamahiin. Umaasa kasi silang may masamang mangyayari sa kasal o sa handaan. Mabuti namang walang nangyaring ganito sa okasyong iyon.
Tungkol naman kay Selya'y lumaki ang ulo niya. Nang napangasawahan niya si Bino'y nawala na ang dati niyang katauhan. Para kasing hindi mo mahihinuhang katulong pala siya rati. Noon nga'y sumasali na siya sa sabong at hindi na niya pinakailaman ang kaniyang sariling anak. Para bagang binayayaan na nga siya'y dahil dito, mataas na siya sa lahat. Imbes na magpasalamat at mamuhay ng payak na ginawa niya dati'y binago niya lahat at naging Donya.
Siguro nga'y dahil sa pag-iisip ng mga tao sa Sagrada na may masamang mangyayari kay Selya, nagbago na rin ang katauhan ng Donya. Dahil nga masama ang iniisp ng iba, nawalan siya ng paki rito. Dati nga'y katulong lamang siya subalit naiibigan siya ng anak ng pamilyang mayayaman. Pero, hindi siya lumingon sa pinanggalingan at hindi naging masaya ang buhay ng kaniyang pamilya.
-dale.liwanag [k.11&12]

Kabanata 11 at 12

Ang kabanata labing-isa ay nagsasaad ng pag-iibigan nina Selya at Bino sa kabila ng pagtutol ng Don at Donya Nueva sa kanilang kasal. Sa tindi ng pagmamahal ni Bino para kay Selya, nakuha niyang masinungaling sa kanyang mga magulang upang matuloy lamang ang kanilang kasal. Ito ang unang pagkakataon na nasunod ang nais ni Bino sa kanilang pamilya. Kahit hindi nais ipakasal nina Don at Donya Nueva si Bino kay Selya na isa sa kanilang katulong, wala silang magagawa dahil buntis na umano si Selya ayon mismo sa kanilang unico hijo.

Nakita ni Bino kay Selya ang isang babaeng nais niyang makasama habambuhay kaya ginawa niya ang lahat upang mapakasalan lamang siya. Hindi naging dahilan ang pagiging katulong ni Selya sa pamilya Nueva upang hindi siya pakasalan ni Bino. Nakita ko sa kabanatang ito na ang tunay na pagmamahal ay tumitingin hindi sa pisikal na anyo at katayuan sa buhay. Ang pag-ibig ang nagpapakita sa nag-iibigan ng kanilang tunay na anyo, anyo na hindi kita ng mga mortal na mata ng mga tao.

Inilalahad din sa kabanata 11 ang tungkol sa pagbabago ng sistema ng tao sa pag-aari ng mga lupain. Noong una, sa pamamagitan ng kabayo o paningin sinusukat ang lupang iyong pagmamay-ari. Kung hanggang saan kayang tumakbo ng kabayong iyong sinasakyan, ganoon kalawak ang iyong lupain. Maaari ring sa pamamagitan ng pagtingin lamang malalaman ang lawak ng iyong lupa. Kung hanggang saan kayang umabot ang iyong paningin, ganoon kalawak ang iyong lupain.

Sa paglaon ng panahon, nagkaroon ng mas pormal na paraan ng pag-aari ng lupa. Ginawang basihan ang unang paraan kung ano ang ilalagay sa papel o titulo. Naging mahirap ito sa una dahil wala naman talagang malinaw na basihan ang unang paraan ng pag-aari ng lupa kaya halos wala ring basihan ang mga inilagay nila sa mga titulo.

Sa ikalabingdalawang kabanata, naging malinaw na sa akin na hindi na nga tunay na anak ni Bino si Nene. Nakapon si Bino sa gitna na pagtakas niya sa mga Hapon. Sa aking palagay, ito ang lihim nina Bino at Selya na sila lamang ang nakakaalam. Si Nene ay hindi isang tunay na Nueva ngunit isang bunga ng pakakasala ni Selya na pilit nilang inililihim ni Bino. Isa pang pagpapatunay nito ay ang pagkakahilig ni Bino sa paglalasing. Umiinom siya ng tuba na galing sa kinatasang mga bunga ng niyog. Ang mga niyog na ito ay hindi na mamumunga pang muli. Katulad ni Bino, na nakapon sa pagtakas mula sa mga Hapon, hindi siya magkakaroon ng anak.

Nabanggit din sa kabanata ang pag-iibigan nina Agatha at Lope. Tila ito kwento nina Bino at Selya sa ikalabing-isang kabanata. Sa kabila ng pagkakaibang pisikal, “nalampasan na ang hangganang itinakda ng kanilang katawan.“ Nagpapakita ito ng tibay ng kanilang pagmamahalan sa isa’t-isa.

Sa pagtanggi ni Bino na maging ninong sa kasal nina Agatha at Lope, nawalan ng gana si Lope tungkol sa kasal. Hindi na nga natuloy ang kasal nina Agatha at Lope. Napansin ko lang sa akdang ito na ang lahat ng pag-iibigan ay nauuwi sa kabiguan. Kahit na tunay na nagmamahalan ang isa’t-isa, nauuwi pa rin ang kanilang pag-iibigan sa “kabiguan“.

Sinasabi rin sa kabanatang ito ang pagkahumaling pa rin ni Selya sa mga produktong dayuhan. Sa kabanatang ito, nalulong siya sa pagsasabong dahil naniniwala siya na pawang manok na mula sa Texas, Amerika ang kanyang mga pansabong.

- Michael Endozo

Thursday, August 20, 2009

Kabanata 11 at 12

Uminog ang mga pangyayari ng Kabanata 11 sa ebolusyon ng sistema ng pagmamay-ari ng lupa mula sa piyudalismo tungo sa pagpapatupad ng CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program). Mapapansin sa kabanatang ito kung gaano kalaki ang papel ng lupa/lupain sa buhay ng mga Pilipino. Dito, tinunton ng tagapagsalaysay na si Esteban ang kasaysayan o simula ng lupain ng pamilyang Nueva.

Inilahad sa kabanatang ito ang kahigpitan ng Don at Donya Nueva sa pagpapalakad ng kanilang hacienda. Sinabi dito na ang hatian sa ani sa kanilang lupain ay 60-40 o 70-30--60 o 70 ang napupunta sa mag-asawa, at ang mas maliit na bahagdan ay napupunta sa mga kasama sa hacienda. Patunay lamang ito kung gaano pinahahalagahan ng mag-asawa ang kanilang katayuan sa buhay. Kaya naman hindi kagulat-gulat ang kanilang reaksyon nang sabihin ni Bino na nabuntis niya si Selya, at na pakakasalan niya ito. Sa katunayan, kaya lang pumayag ang mag-asawang Nueva sa kasalan ay dahil natatakot silang mawalan ng tagapag-mana ang kanilang hacienda. Kahit sa mga sandaling iyon, ang iniintindi pa rin nila ay ang kayamanan nilang ayaw nilang mawaglit sa pamilya nila.

Sa kabanatang ito rin, naisiwalat ang pinanggalingan ni Selya. Sa bahaging ito ng kabanata ko napagtanto na kaya marahil inabandona ni Selya si Nene noong bata pa ito ay dahil siya rin mismo ay inabandona ng kanyang mga magulang at mga kamag-anak. Medyo naawa ako kay Selya sa bahaging ito, at naisip kong swerte siyang minahal siya ng isang Bino na kaya siyang ipaglaban sa lahat ng tao.

Ang kasal nilang dalawa ay naging isang malaking kontrobersiya sa bayan ng Sagrada. Sa bahaging ito ko nakita ang "crab mentality" ng mga Pilipino. Lahat ng mga dumalo sa kasalang Bino at Selya ay walang ginawa kundi maghintay na may maling mangyari sa kasal. Hinihintay nilang mamatay ang ilaw ng kandila sa magkabilang tabi ng kinakasal, na maputol ang cordon na tinali sa kanilang mga balikat, na malaglang ang singsing o na mautal ang pari--kahit anong senyales na magpapatunay na mali ang gagawin nilang pagpapakasal. Napaisip tuloy ako kung bakit tila likas na sa atin ang ganoon? Bakit parang hindi natin makuhang maging masaya nalang para sa mga taong nakukuha ang kanilang mga inaatim sa buhay? Why do we always feel the need to bring people down, just because we aren't as happy as they are?

Matapos ang digmaan, nagbago si Bino. Hindi na siya ang dating mahusay magpalakad sa hacienda. Si Lope na ang umako ng responsibilidad nito, hanggang sa dumating ang panahon ng CARP. Bukod tangi ang mga kasama sa hacienda ng mga Nueva na hindi nag-asam na magkaroon sila ng sariling bahagi ng lupa. Subalit nabigyan pa rin sila ng mga Certificate of Land Ownership Award, at hindi nila alam kung ano ang gagawin dito. Masaya na kasi sila sa pagtratrabaho sa hacienda. Sa dulo, ang dating hacienda ng mga Nueva ay naging lilimang hektarya na lamang.

Hati sa dalawang bahagi ang Kabanata 12. Ang unang bahagi ay tungkol sa pagkakaibigan nina Lope at Bino, at ikalawa naman ang tungkol sa pagsasabong ni Selya. Unahin natin ang tungkol kay Selya. Ang pagkakalulong ni Selya sa sabong ay buhat lang ng pagmamay-ari niya ng Texas na manok, na inakala niyang galing talaga sa Amerika. Nanalo ang manok na ito laban sa llamadong lokal na manok ng isang lalak. Sa tingin ko, ang pagkapanalo ng Texas chicken ni Selya laban sa lokal na manok ng lalaki ay simbulo ng pagsuko ng mga Pilipino sa malakas na impluwensiya ng Amerikano. Sa lahat talaga ng mga tauhan sa nobela, si Selya ang pangunahing nagpapamalas ng kolonyal na mentalidad, at ang insidente ng kanyang pagkakalulong sa sabong ay walang iba kundi patunay na hindi pa rin siya malaya sa impluwensiyang Amerikano.

Ang unang bahagi naman ng kabanata 12 ay nakapagpaisip sa akin kung paano ba nagbabago ang tao, at kung bakit niya nagagawang kalimutan ang mga bagay na dati ay mahalaga sa kanya. Paano nasisira ang pagkakaibigan? Saan nagsisimulang magbago ang relasyon ng dalawang tao, at paano ito mapipigilan?

Ang ginawang pagsagip ni Lope sa buhay ni Bino noong panahon ng kanilang pagkakapiit sa mga Hapon ay dakila. Gayundin ang ginawa ng mga Agta, kabilang si Agatha, sa pagligtas nila kay Bino sa mga Hapon na humahabol sa kanila. Ngunit dumating ang panahon na tila nalimot ni Bino ang lahat ng ito. Nalimot niyang matagal na sana siyang patay kung hindi dahil kay Lope at kay Agatha. At paano niya ipinakita ang kawalan niya ng utang na loob? Hindi siya pumayag na maging ninong sa kasal nila. At ang masaklap pa para kay Lope ay ito: Sa lahat ng tao na dapat makaintindi sa kanya, na dapat alam ang kanyang nadarama na magmahal ng taong hindi niya kaparehas ng uri, si Bino dapat iyon. Si Bino na niligtas niya, si Bino na matalik niyang kaibigan.

Paano nga ba nasisira ang pagkakaibigan? Paano ba nalilimot ng isang tao ang mga bagay na dati ay mahalaga sa kanya?

-Trixie Conlu