Saturday, September 19, 2009

Kabanata 19 at 20

Ignorance is bliss, sabi nila. What you don't know won't hurt you, ika ng iba.

Ano nga ba ang mas mainam? Ang maging mangmang sa mga masasaklap na katotohanan ng buhay at manatiling ligtas sa mga kalungkutang dala nito, o ang maging bukas sa lahat ng makamundong pangyayari, kahit sa mga bagay na mahirap intindihin at mabigat tanggapin, at magkaroon ng pagkakataon na subuking unawain ang lahat para sa ikabubuti ng sarili at ng mga taong nakaligid sayo?

Iyan ang palaisipang bumabalot sa aking isip tuwing iniisip ko ang pagkakaroon ni Esteban ng third eye. Sa tingin ko, kung sa akin nangyari iyon, kung noo ko ang nadaplisan ng bala at nabuksan ang ikatlo kong mata, marahil mabaliw ako sa aking mga makikita. Marahil hindi ko kayanin ang kakayahang makakita ng mga patay, mga kaluluwang ikinakatakot kong nasa paligid lang bago ako matulog, lalo na kung kakatapos ko lang manood ng nakakatakot na pelikula. Tingin ko'y hindi biro ang pagkakaroon ng ganitong kakayahan. Isa siyang bagay na hindi kakayanin ng mahihina ang loob, ng faint-hearted. Kinakailangan ang tapang at tibay ng isang taong nasa posisyon ni Esteban. Wala siyang magagawa, at hindi niya kagustuhan ang mabuksan ang mga mata at isip niya sa mga ganitong kamalayan. Marahil ay hindi niya talaga ito ginusto, at siguro'y dumaan siya sa panahong kinamumuhian niya ang pagbukas ng ikatlo niyang mata.

Kung talagang ignorance is bliss, siguro'y napaka-miserable ng buhay ni Esteban. Ngunit hindi ko nais tignan ang kanyang kakaibang "kakayahan" sa ganoong paraan. Naniniwala naman akong may positibong bahagi ang lahat ng sitwasyon, kabilang na ang kanya. Dahil kung hindi nabuksan ang ikatlong mata ni Esteban, hindi niya maiintindihan ang mga pangyayari sa Sagrada. Hindi lalawak ang kanyang paningin sa buhay, at hindi niya matutulungan ang mga tao sa paligid niya. Siguro'y mahirap ngang maging lubusang mulat sa lahat ng kasaklapan ng buhay, ngunit ang maganda rito'y mayroon kang magagawa para baguhin ang takbo ng mga pangyayari.

Ang paglapat ni Esteban ng kuwento sa papel ay ang nagbuod sa kanyang ginanap na tungkulin sa buhay ng bawat tauhan sa nobela, at ang gaganapin niyang tungkulin sa buhay ng mga makakabasa nito. Sa kabuuan, isa siyang patnubay sa kanilang lahat, marahil kahit sa atin. Isiniwalat niya ang kuwento ng nakaraan, na nakakawing sa mga kuwento ng kasalukuyan, upang matuto ang tao na tanggapin ang bawat realidad ng buhay, at magkaroon ang lahat ng pagkakataong baguhin ang hinaharap. Sabi nga niya, ang alamat ay hindi kailanman namamatay. Nanganganak lang ito ng nanganganak. Kung baga, history repeats itself. Isa itong babala galing sa kanya na sinasabing dapat tayong maging mas mulat sa mga posibilidad ng buhay, at maging mas maingat sa mga bagay na nangyari na noon na maaari ring mangyari sa atin ngayon.

Ang Sandali ng Mga Mata ay tumutukoy sa isang hamon para sa pagbabago--isang hamong iniwan sa atin ng tagapagsalaysay sa pamamagitan ng kanyang pagbabalik tanaw sa kuwento ng Ibalong, at ang kuwento ng mga Nueva.

No comments:

Post a Comment