Sunday, September 13, 2009

Kabanata 17 - 18: Tungkol sa mga emoticons



Noong nakalipas na Biyernes, habang nasa B307 ako at naghihintay ng bell para magsimula na ang Fil, tinanong ko ang ilan sa mga kaklase ko kung nagugustuhan ba nila ang nobela. Ang sagot ng nakararami: hindi! Nang sabihin ko na ineenjoy ko ang pagbabasa ng ASNMM tuwing linggo, may suwestiyon na ibinigay ng isa, “sure ka ba na pareho ang libro na binabasa mo sa binabasa namin?” Napatawa ang lahat.


Hindi ko naman sinasabi na mali siya, dahil wala akong problema kung iba ang kanilang opinyon kaysa sa opinyon ko. Binanggit ko lang ang anekdotang ito dahil naisip ko na magandang oportunidad ngayon para magpaliwanag kung bakit ko nagugustuhan ang kuwento. Kung tatandaan natin, sa unang blog ko ay umamin ako na mahihirapan ako sa pagbabasa, dahil hindi ako sanay sa mga akdang Filipino. Ngunit ngayon, sa sobrang ikatutuwa ko ng kuwento, tuwing nasa mga kamay ko ang libro at lumalapit nang lumalapit ang mukha ko sa mga pahina (dahil sa interes), nangyayari na parang binabasa ko siya ng Ingles. Siguro lang, nasasanay lamang ako sa pagbabasa ng Filipino.

Alinman sa dalawa, nagugustuhan ko ang kuwento. Ang Bayan ng Sagrada ay punong-puno ng mga tauhang interesante, na may sariling kasaysayan at mga problema, may sariling mga intensyon sa buhay. Si Selya, ang masama ngunit nakakatawang Donya, na walang pagtigil ang kanyang paggamit sa abaniko, na sa sobrang paghanga sa kahit anong bagay na may kaugnayan sa Amerika ay naadik sa sabungan, kahit hindi naman pala galing Texas ang kanyang mga manok. Si Nene, babae ng mga simulain, na maraming natutunan sa mga prutas, na sumusuporta kay Vilma Santos, na naglakbay nang malayo papuntang Maynila upang bawiin ang isang istatwa mula kay Pangulong Marcos (na wala namang kaalaman o kinalaman tungkol sa nangyayaring kaguluhan doon). Si Esteban, na nakakakita sa mga kaluluwa at manananggal, na karpintero at gerilya, na isa sa mga tatlong lalaki na nagmahal kay Selya, at ang pinaka may walang pagkakataon na magsama sa kanya, sa tatlo.

Nagugustuhan ko ang kuwento dahil sa mga mahiwagang pangyayari, na tila tinatanggap ng mga taga-Sagrada na parang normal lamang ang mga ito: ang sampung mga salot na nagpahirap sa buhay ng mga taga-rito, ang kaguluhan sa pagitan ng mga aso at pusa, at marami pang iba.

Higit sa lahat, nagugustuhan ko ang kuwento dahil sa mga kababalaghan, dahil sa mga misteryong pumapalibot sa mga tauhan at sa bayan ng Sagrada: sino ang tunay na ama ni Nene, sino ang nagpabuntis kay Estela, paano naging arbularyo si Esteban, bakit ayaw humingi si Selya ng tulong kay Esteban...


*******


Sa ika-17 kabanata, Ang Higanteng Musuleo, pumunta si Nene sa Manila, kasama ni Isko, upang hanapin ang MalacaƱang at bawiin ang istatwa ng Birhen sa mga Marcos.

Napahuh?! noong binasa ko ang simula ng kabanatang ito. Ang sobrang ridiculous ng gusto ni Nene. Parang hindi makatotohanan. Unang-una, inaasahan ba nito na papapasukin lang siya sa palasyo ng basta-basta? Hindi naman tiyak kung nasa kanila ba talaga ang Ina. At least, may baril siya. Ang nakakatawa pa, pumunta si Nene sa Maynila na parang walang kaalaman tungkol sa mga protesta at kaguluhan na nagaganap sa siyudad noon. Panahon yan ng EDSA! Ang paki-alam lang niya ay bawiin ang istatwa at uwiin ito sa Naga. Marami siyang naobserbahan sa Ortigas at Mendiola bago siyang nakarating sa palasyo. Nasaksihan niya ang mga protesta, at ang pakunwaring pag-alis ni Marco sa Pilipinas. Naging bahagi siya ng kasaysayan ng Pilipinas, nang walang kamalay-malay.

Masasabi ng iba na ang ipinahihiwatig ng kabanatang ito, maliban sa mga naging pakikipagsapalaran ni Nene, ay ang paglarawan sa pakikiisa ng mga tao laban kay Marcos. Na may kakayahan ang mga tao, at mas lalo na kung nagsama sila. Ipinakita dito ang kanilang katapangan sa harap ng panganib at ang kanilang kabayanihan patungo sa pagtagumpay. Sang-ayon naman ako sa mga magsasabi nito, ngunit parang may isa pang patong, o layer, ang mensahe ni Alvin B. Yapan sa kanyang pagsulat ng kabanata.

Batay sa mga nabasa ko, nagkaroon ako ng teorya, na nais ipahiwatig ni Alvin B. Yapan ang perception ng isang taga-probinsiya sa Maynila noong panahong iyan. May nabanggit na Walkman at mga telebisyon, na hindi gaanong nakikita sa Sagrada (dahil old-fashioned pa rin ang pamumuhay nila), at parang naguguluhan si Nene sa dami ng mga tao, kotse, at teknolohiya sa paligid niya. Nasabi ko na parang walang kamalay-malay o paki-alam man sa nangyayaring rebolusyon. Nangyari ba na ang masamang impluwensiya ni Marcos ay umabot lamang sa Maynila at hindi sa ibang mga probinsiya? Hindi ko masabi, Hindi nga ako sigurado na iyan ang intensyon ni Yapan sa kanyang pagsusulat. Opinyon ko lang.


*******


Kung napahuh?! ako sa nakaraang kabanata, sa ika-18 kabanata naman ay napa :O ako sa sobrang dami ng katanungan na isinagot nito, at napa :’( sa sobrang lungkot na nadulot ng mga pangyayari. Gaya ng sinulat ko dati tungkol sa isang kabanata, parang binuhusan ako ng isang malamig na pitsel ng impormasyon tungkol sa kuwento.

Una kong naisip matapos basahin ang kabanta, nabanggit ba dati na mukhang Hapon si Nene? Baka nagkaroon ng foreshadowing at hindi ko napansin.

Ang panggahasa kay Selya ay, kahit nangyari ito sa nakaraan, ang climax ng kuwento. Ito na talaga ang susi sa mga misteryo sa pagitan ng lahat ng mga tauhan. Ang pangyayaring ito ay ang naging lihim nila Selya at Bino, at ang naging dahilan kung bakit bukas ang mga mata ni Esteban sa mundo ng mga kaluluwa. Nais ko sanang ipagbintang si Selya, ngunit alam ko na ang kanyang pakikipaglandian nito sa Hapon ay para mailigtas niya ang bahay ng mga Nueva. Hindi ito kasalanan ni Selya, kundi kasalanan ni Bino. Siya ang nagsinungaling sa kanyang mga magulang at ang kanilang mga tauhan ay ang itinatago ng mga Nueva sa kanilang mansiyon. Kaya pala, hindi nagtagal at naging bitter si Bino at nagkulong ang sarili sa kanyang mundo ng tuba at mga pamahiin.

Ang digmaang nakabasag sa maraming buhay, sa maraming pangarap, ay naging dahilan sa pagsira ng buhay ng mga Nueva, sa isang sandali ng mga mata. Nakakalungkot. Nagdulot man ito ng kahit mumunting kabutihan sa pagsilang ni Nene ay isinayang lamang nito ang lahat sa kanyang pagtangkang paghanap kay Mr. Edwards.

Ang huling mga tanong: Ano ang nangyari sa pagitan nina Boboy at Estela? Ano ang kinalaman ni Oryol at ang kuwento ng Ibalong sa lahat?

Hanggang sa huling blog,
Ang tao na kung minsan ay napapa :O at napapa :’( sa kanyang pagbabasa,
Nicholas Price.



No comments:

Post a Comment