Sunday, July 26, 2009

Kabanata 3-4, tungkol sa mga mikropono at mga mangga

Masasabi ko na kakaiba ang estilo ni Alvin B. Yapan. Hindi ko siya maihambing kahit kanino man. Mailalarawan ko lamang siya gamit ng isang salitang Ingles, post-modernist. Epektibo kasi ang paggamit niya sa mga makabagong teknik sa pagsusulat, tulad ng kabalintunaan, pastiche o ang pagdikit-dikit ng mga elemento ng iba’t ibang genre ng katha sa kanyang akda, at ang pagiging magulo ng daloy ng banghay dahil sa paggamit ng flashback.

Parang habang pinapaandar ng awtor ang nobela sa pamamagitan ng mga pangyayaring may kinalaman sa banghay nito, ginagamit din niya ang nobela upang mamahayag sa mga mambabasa ang kanyang mga paniniwala o opinyon tungkol sa lipunan. Sa palagay ko, kung ang nilalaman ng nobela ay tungkol lamang sa banghay nito, hindi lalampas ito sa 150 pahina. Pinuno ni Yapan ang nobela ng mga obserbasyon niya at mga aral na nais niyang ihayag sa mga mambabasa, at nakakarating ito sa atin sa pamamagitan ni Esteban. Parang si Esteban ay ang mikropono ng awtor. Kung ano ang gustong sabihin ni Yapan, ito ang sinasabi ni Esteban sa akda.

Patunay dito ay ang pagkukuwento ng awtor tungkol sa tauhang Bombay. Hindi ko talaga matukoy kung kailangan ng nobela ang tauhang ito. Sa palagay ko ay isinama lamang ng awtor ang Bombay upang maipakita sa mga mambabasa kung paano tinitignan ng mga taga-probinsiya ang isang katulad niya. Paano ba inilarawan ang Bombay sa nobela? Nagpapautang siya (five-six pa!). Nakasuot siya palagi ng turban. May dala siyang patalim upang patayin ang kahit sinumang hahawak sa kanyang buhok. Maaari nga, ang naganap sa pang-apat na kabanata sa pagitan nina Selya at ang Bombay ay isang kariktura lamang ng totoong sitwasyon. Maihahambing ito sa mga pagsusulat ni Jose Rizal, kung saan pinalabisan niya ang paglalarawan sa mga prayle upang bigyang-diin ang kanilang mga masasamang ugali sa mga Filipino (walang katapusan ang pagsisinungaling ni Pade Irene, at si Padre Camorra ay sobrang babaero).

Isa pang napansin kong ehemplo ng paggamit ng awtor sa nobela bilang karikatura ng lipunan ay ang pagkuwento ni Esteban tungkol sa mga pinanonood niya sa telebisyon sa pangatlong kabanata. Nabigla’t napatawa pa ako sa bahaging ito dahil parang wala na itong kinalaman sa kuwento. Parang hindi na si Esteban ang nag-uusap, kundi si Alvin B. Yapan na nang-aaral.

Marami pa, kasama na rito ang pagsusulat tungkol sa mga alamat ng mga alamat, nguni’t hindi ko na sila babanggitin dahil masyado nang humahaba ang aking blog at hindi pa ako nagsusulat tungkol sa mismong mga kabanata!

Sa nakaraang blog nagsulat ako tungkol sa tagpuan. Ngayon, gusto ko lang banggitin ang ilang mga kapansin-pansin na pangyayari sa kabanata 3-4 at bigyan ang mga ito ng reaksyon. Simple lang. Pipigilan ko sana ang sarili ko kapag napansin ko na nagtatype na naman ako tungkol sa mga mikropono o karikatura. Masyadong natagalan ako sa mga bahaging iyan.

Unang-una, noong binasa ko ang nakaraang mga kabanata, alam ko na buntis si Estela, nguni’t hindi ko naisip na hindi pala si Boboy ang ama ng bata. Naku. Ito na ang pangunahing katanungan sa nobela. Sino ang ama? Kung minamahal talaga ni Estela si Boboy, bakit siya pinagtaksilan? Bakit ito nagpakamatay? Sa palagay ko’y ito ang magiging susi sa pagpapaandar sa kuwento.

Kahit ilang beses kong binasa ang bahagi tungkol kay Kadungung, Yling, at Fray Bernardino, nalalabuan pa rin ako sa kuwento ng Ibalong at kay Oryol. Ang naintindihan ko lang ay parang may sariling buhay (o kaya kaluluwa?) ang kuwentong ito. Niligtas nga ng kuwento ang taong nakakaalam dito. Sana sa mga susunod na kabanata ay magiging malinaw na ang kababalaghan ng kuwento ng Ibalong.

Nasabi ko na ang katakatakang pagpapakamatay ni Estela ay ang pangunahing susi sa kuwento. Mali pala. Mahalaga ring malaman ng mga mambabasa kung ano ang mga lihim sa pagitan nina Selya at Bino. Maraming misterio sa kuwentong ito, hindi ba? Sana malalaman natin tungkol sa mga lihim sa pagitan ng dalawa at ang napansin kong ugnayan nito kay Nene. Hindi pala lamang si Esteban ay nakakakita sa mga aswang...sila Bino na rin!

Isa sa mga paborito kong bahagi sa unang apat na kabanata ay ang paglarawan sa mga aral na natutunan ni Nene dahil sa mga prutas. Parang may mahalagang aral na naibahagi kay Nene ang bawat prutas sa hacienda ng mga Nueva. Halimbawa, natutunan ni Nene ang halaga ng paghihintay sa mga mangga. Totoo naman na kailangang hintayin maging hinog ang mangga, nguni’t ngayon ko lang naisip na puwedeng iaplay ang aral ito sa totoong buhay. Puwede naman siguro... :)

Salamat na lang sa inyong paghihintay para matapos na ang blog na ito.

-Nicholas Price
Kabanata 3 - 4

1 comment:

  1. "Parang si Esteban ay ang mikropono ng awtor. Kung ano ang gustong sabihin ni Yapan, ito ang sinasabi ni Esteban sa akda."

    So iisa nga ba si Esteban at si Alvin Yapan? Kung iisa lamang sila, bakit pa nilikha ni Alvin Yapan ang karakter na Esteban na nagsasalaysay din sa kuwento?

    ReplyDelete