Friday, July 24, 2009

Kabanata 3 at 4

Ang pangatlong kabanata ay nagsimula sa gubat, kung saan ginagamot pa rin ni Esteban si Boboy. Mas mabuti na ang kalagayan nito kumpara sa ikalawang kabanata, marahil dahil sa kapayapaang natatamo niya sa gubat. Isang araw daw, umuwi sa gubat si Esteban galing sa bayan, at nakitang wala si Boboy sa kubong tinitirhan nila. Natagpuan niya ito sa ilog, tinitingnan ang mga takay sa ilog. Tinanong ni Boboy kung bakit daw kulay lila ang mga bulaklak nila, at sinabi ni Esteban na minsa'y ikukuwento niya raw sa kanya kung bakit. Doon na nagsimula ang pagsasalaysay ni Esteban ng kuwento ng Ibalong na tungkol kila Baltog, Handiong at Bantong, ang mga bayani ng Bicol.
Sa bandang ito ng kabanata ako medyo naguluhan. Ang dami dami kasing mga bagong pangalan na bigla nalang
ng tagapagsalaysay. Ayos lang sana kung binibigyan niya muna ang mga ito ng kahit maikling introduksyon (kung sino sila, ano ang koneksyon nila sa mga ibang nabanggit nang mga tauhan), pero walang introduksyon, kaya medyo nakakalito. Halimbawa ay si Bino. Hindi naman nabanggit si Bino sa mga unang kabanata (ang nabanggit ay "Severino", at hindi naman sinabing siya rin pala si Bino, ni hindi rin nasabi kung ano ang relasyon niya sa ibang tauhan sa mga unang kabanata), naipakilala lamang siya ng lubusan sa ika-apat na kabanata pero ilang beses na binanggit ang pangalan niya sa ikatlong kabanata. Hindi ko rin maintindihan kung ano ang kahalagahan ni Yling sa kabanatang ito. E ano naman kung kalbo siya at nasasabik siyang ikwento ni Kadungung ang kuwento ng Ibalong? Paano iyon naging mahalaga sa kabanata? Iyon ang hindi ko maintindihan.
Binanggit ni Esteban ang pagkukuwento ni Kadungung kay Fray Bernardino ng kuwento ng Ibalong. Sinabi niyang ibang iba ang bersyon ni Fray Bernardino sa narinig niyang kuwento, at ang mga dahilan kung bakit daw iba ang bersyon niya ay uminog sa kanyang pagiging dayuhan na nais maglagay ng iba't ibang variations sa kuwentong Pilipino (tulad ng mga karaniwang dayuhan na nais impluwensiyahan ang mga Pilipino, at baguhin ang maraming bagay sa Pilipinas noong panahon ng pagkagapi). Sa bahaging ito ng kabanata ay nainip ako ng lubusan dahil sa halip na dumeretso na si Esteban sa pagkukuwento ng kuwento ng Ibalong, sobrang dami pa niyang sinabi tungkol kay Fray Bernardino at sa mga posibleng dahilan ng magkaibang bersyon ng kuwento. Sa pahina 40, unang kabanata, makikita ang napakaraming haka-haka ni Esteban tungkol kay Fray Bernardino.
Matapos talakayin ni Esteban si Fray Bernardino, nagkuwento pa ulit siya ng tungkol sa insidente ng muntik nang pagkamatay ng huling may alam ng kuwento ng Ibalong sa Cagsawa Church. Muli, tila nang bitin lang ang tagapagsalaysay sa pagkuwento niya ng kuwento ng Ibalong. Nang sa wakas ay ikuwento na ni Esteban ang tungkol sa tatlong bayani ng Bikol, nang bitin nanaman siya sa dulo nang ihinto niya ang pagkukuwento sa pagkakatulala ni Handiong sa pagpapakita ni Bantong ng bangkay ni Rabot. Hindi ko alam ngayon kung tapos na ba o ano ang kuwento ng Ibalong. Kung talgang iyon na ang wakas ng kuwento, hindi ko alam kung pano i-iinterpret ang pagtatapos nito.
Sa kabanata 4 naman, isinalaysay ang kuwento ng pamilya nina Selya, Severino at Nene. Aksidente ang pagkabuntis ni Selya, kaya sa umpisa pa lang, nang sinabi niyang nais niyang ipalaglag ang bata, ay mahihinuha na ng mga mambabasa kung anong klaseng ina siya magiging. Nang ipanganak nga ang batang si Nene, naging walang kwentang ina si Selya sa kanya. Awang-awa ako kay Severino o Bino dahil ang nabuntis niya ay isang taong tulad ni Selya. Maramot siyang babae, at wala siyang insip kung hindi ang kanyang sarili. Inuuna pa niya ang pagpapaganda kaysa sa pag-alaga ng anak niya. Simpleng pagpapa-dede ay hindi niya pa magawa, gayong ang agtang si Agatha, na wala namang asawa o anak, ay nagawa ito para kay Nene. Masuwerte na lang si Nene na may ama siyang tulad ni Bino. Sobrang bait ni Bino, at hanga talaga ako sa kanya. Ang responsibilidad ng parehong ama at ina ay inako na lamang niya. Siya ang nagtratrabaho para sa pamilya, at siya rin ang nag-aalaga kay Nene.
Binanggit din sa kabanatang ito ang isang insidente tungkol kay Selya at sa isang Bombay sa Sagrada. Natawa ako sa bahaging ito ng kabanata. Pasalamat nalang si Selya at ang asawa niya'y matalino at marunong makitungo sa tao, kundi baka namatay na talaga siya.
Inilahad sa dulo ng kabanata ang kaugalian nina Nene at Bino na magpitas ng mga prutas sa kanilang hacienda, sa iba't ibang mga buwan ng taon. Nakakatuwa ang bahaging ito dahil ipinakita kung gaano kalapit ang loob ng mag-ama sa isa't isa. Ang pagpitas ng bawat uri ng prutas ay may leksyon para kay Nene (halimbawa: natutunan niya ang halaga ng paghihintay sa pagpitas ng mangga, na kinailangang bigyan ng panahon upang dumilaw at manamis)--mga magagandang asal na tanging sa ama niya at kay Agatha niya lamang natutunan.
-Trixie Conlu

No comments:

Post a Comment