Friday, July 17, 2009

Kabanata 1-2, Nicholas Price

Ang akdang Ang Sandali ng mga Mata ay ang ikalawang nobelang Filipino lamang na sinubukan kong basahin. Nang binigay sa atin ang gawaing ito (ang pagbabasa at pagboblog tungkol sa akda), kinabahan ako dahil kahit sa maikling kuwento, nahihirapan akong magkaintindi, madalas dahil sa kakulangan ng interes o kawalang ng kayang makipagugnay sa kuwento.

Nagkatotoo ang aking mga pangamba nang simulan ko ang pagbabasa sa unang kabanata, Ang Paglibing ng Isang Saging. Tila higit pa ang oras na pinagpalipas ko sa pagbabasa ng diksiyonaryong Filipino-ingles kumpara sa akda. Mabuti naman na nagustuhan ko agad ang kuwento matapos basahin ang ilang pahina lamang, kaya hindi nagtagal ang paghihirap ko. Kahit may mga salita pa rin na parang mga taong di ko kilala na nakatitig sa akin galing sa mga pahina, nakuha ko pa rin ang konteksto ng karamihan ng mga salitang ito. Binasa ko ang unang dalawang kabanata nang maigi dahil naiinteres ako sa kuwento at hindi lang dahil kailangan kong basahin para sa grade.

Dahil medyo huli ang pagpost ko sa blog na ito, nabasa ko ang mga entry ng mga kasama ko sa Tropang Longganisa. Nagsulat sila tungkol sa mismong kuwento (plot) ng unang dalawang kabanata at ang ang mga tauhan nito (partikular si Esteban at Nene). Sa palagay ko ay wala na akong maibabahaging tangi sa blog tungkol sa kuwento o mga karakter, kaya magsusulat na lang ako tungkol sa isa pang mahalagang elemento ng katha, ang tagpuan.

Mahalaga ang tagpuan sa anumang kuwento dahil ito ay nagbibigay realidad dito. Mas madaling makipagugnayan at makipagvisualize ( :) ) ang mga mambabasa sa isang kuwento kapag epektibo ang paglarawan sa tagpuan. Ang tagpuan ay hindi lamang limitado sa pisikal kundi sa kabuuang konteksto din ng kuwento. Ang Sandali ng mga Mata ay nakatagpo sa isang salin (version) ng Pilipinas kung saan namamarati ang mga kapre, aswang, manananggal at iba pang mga obheto ng mga paniniwalaang Pilipino. Hindi lang sila kuwento pampatakot ng bata. Totoo sila...naninigarilyo sa itaas ng mga puno, nakikisali sa mga handaan ng mga buhay, at nagpapalit ang mga bangkay sa puno ng saging.

Sa pisikal naman na konteksto, ang unang dalawang kabanata ay nakatagpo sa Maynila, kung saan lumipat si Esteban mula sa Sagrada. Nagsusulat siya tungkol sa mga pangyayaring naganap sa bayan na iyan, gamit ng flashback. Inilarawan ng may-akda sa pamamamagitan ni Esteban ang kuwartong tinitirhan ng pangunahing karakter. Maliit ito at madumi. Nabanggit pa na may mga ipis doon. Nararamdaman ko talaga ang sikip na nararanasan ni Esteban sa kuwartog iyan. Mabisa nga ang paggamit ng pagsasalungat o contrast ng awtor sa mga tagpuang Maynila at Sagrada. Ang Maynila ay madumi, masikip, at moderno, at ang Sagrada naman ay nasa probinsiya kaya sariwa ang hangin at may gubat sa tabi ng bayan. Inilalarawan din ng mabuti ang bahay ng mga Nuevo. Ang kagubatan sa kapaligiran ng Sagrada ay isa ring mahalagang tagpuan. Dito nagkita sila Estela at Boboy at dito bumalik ang dalawa, si Estela patay, si Boboy buhay. Dito dinala si Boboy upang bantayan ni Esteban habang siya’y maysakit.

Sa palagay ko, malaki talaga ang kontribusyon ng elementong tagpuan sa kabuuang epekto ng akda sa mga mambabasa.

Ang nakakatawa naman sa kuwento ay parang kakilala ng arbularyo ang karamihan ng mga kaluluwa sa Sagrada, nguni’t napapansin ko pa rin na ang mood ng kuwento ay medyo dark, dahil sa mga binabanggit ni Esteban tungkol sa Oryol at sa alamat ng Ibalong.

Excited na akong basahin ang dalawa pang kabanata!

- Nicholas Price

No comments:

Post a Comment