Friday, July 17, 2009

Kabanata 1 at 2

Matapos kong mabasa ang dalawang pambungad na mga kabanata ng nobelang “Ang Sandali ng mga Mata” ni Alvin B. Yapan, marami akong nalaman tungkol sa mga pamahiin o paniniwala ng mga Pilipino. Nalaman ko rin ang ilang pangit na ugali ng mga Pilipino.

Ang Libing ng Isang Saging. Ito ang pamagat ng unang kabanata sa nobela. Nagtaka ako noong una kong nabasa ang pamagat, hindi ko akalain na literal na sa libing ng isang puno ng saging matatapos ang kabanatang ito. Ipinapakita sa kabanatang ito na matibay ang paniniwala ng mga Ibalong sa mga dwende, engkanto, at iba pang lamang lupa. Habang umuusad ang Siyensiya at Teknolohiya, hindi pa rin nawawala ang ganitong mga paniniwala dahil malalim ang pinag-uugatan ng mga ito. May kani-kaniya ring dahilan ang tao upang maniwala o di-maniwala sa mga bagay na ito.

Ipinapakita naman sa ikalawang kabanata – Nagsimula sa Panahon ng Yelo – binibigyang pansin ang karakter ni Nene. Kahit na tila niloloko lamang ni Mr. Edwards si Nene, naging magaling pa rin si Nene sa mundo ng pagnenegosyo. Sa simula ay si Nene ang nagpapasimula ng mga bagong negosyo sa Sagrada. Nagsimula si Nene sa simpleng pagtitinda ng yelo hanggang sa mapunta siya sa pagbebenta ng mga “imported” na bagay. Ngunit, sa pagtatapos ng kabanata, si Nene na isang “babae ng mga simulain ay sa huli’y natuto na ring manggaya.”

Interesante ang unang dalawang kabanata. Naglalahad ito ng mga mabubuti at pangit na ugaling at paniniwalang Pilipino. Nagustuhan ko sa kabuuan ang unang dalawang kabanata ng nobela.

- Michael Endozo

1 comment:

  1. Ngunit paglalarawan lang ba ng pamahiin ang punto ng unang kabanata? ano ang sinasabi ng pamahiin sa pagkatao ng mga Bicolano/Filipino? Sa ikalawang kabanata, mayroon pa kayang ibang "simula" na tinutukoy ang kabanata bukod pa sa pagsisimula ng negosyo?

    ReplyDelete