Saturday, September 5, 2009

Kabanata 15 at 16

What has four legs in the morning, two legs in the afternoon, and three legs at night?

Naalala ko ang tanyag na riddle of the Sphynx sa pagbabasa ko ng Kabanata 15 ng ASNMM. Sa kabanatang ito, ipinakita ni Yapan ang transisyon ng tao sa bawat yugto ng kanyang buhay. Inumpisahan ito sa pagkuwento ni Esteban ng kanyang buhay matapos mamatay ng kanyang mga magulang. Ito ang "afternoon" ng buhay niya, o ang panahon ng kanyang pagiging isang adult. Marami siyang ginawa sa panahong ito. Marami siyang naging trabaho, mula sa pagiging manggagamot, hanggang sa pagiging karpintero at mang-uukit. Replektibo ito ng tipikal na buhay ng taong may edad 20-50. Wala silang ibang ginawa kundi maghanapbuhay, maghanap ng mapagkukunan ng pera, nang sa gayo'y may mapakain sa kanilang mga pamilya at mabuhay ng masagana. Minsa'y napapaisip ako kung ganito lang ba talaga ang tunguhin ng lahat ng tao sa buhay. Nag-uumpisa ang lahat sa pagiging estudyante. Maghihirap ka sa kakaaral upang makamit mo ang iyong diploma na magiging tiket sa pagkuha mo ng trabaho. Pag nagkaroon ka na ng trabaho, maghihirap kang muli sa loob ng dalawampu hanggang tatlumpung taon. Pagktapos, mapapagod ka na, at magreretiro na sa trabaho. Matapos mong magretiro, tutulala ka na lang sa iyong bahay, kasama marahil ang asawa mong uugod-ugod na rin, at wala ka nang gagawin kundi hintayin ang paghinto ng iyong hininga.

Hindi ko nais maging mapangutya, ngunit hindi ba't parang ganoon lang naman lagi ang takbo ng buhay ng tao? Mapapaisip ka tuloy kung para saan ba ang lahat ng ito. Nabuhay ka ba para lang maging ganiyan ang buhay mo? Wala bang mas malaki at mas mahalagang bagay na dapat mong gampanan sa panandalian mong pananatili sa mundo?

Naisip ko ang mga bagay na ito habang ikinukuwento ni Esteban ang naging inuman nila ni Bino. Ang naging buhay ni Bino ang mismong uri ng buhay na ayaw kong matamasa. Nalungkot ako habang ikinukuwento ni Bino ang mga pangyayari bago at pagkatapos niyang abangan ang Agua de Mayo. Ipininta rito ni Yapan ang larawan ng buhay sa bahay ng mga Nueva sa panahong iyon. Hindi na natutulog ang mag-asawang Bino at Selya sa isang kwarto. Halos hindi na sila nag-uusap. Si Nene lang ang abala sa mga gawaing-bahay at walang pumapansin sa kanya. Si Selya ay lagi lang nagpapaypay, nakaupo sa isang sulok ng sala. Si Boboy naman ay nakikipaglaro sa mga batang malaki ang agwat sa kanyang edad. Ito ang atmospera sa bahay ng mga Nueva. Sa ganitong klase ng tahanan tumanda si Bino. Sa ganitong klase ng tahanan niya sinalubong ang "night" ng kanyang buhay. At kung babalikan ang mga paglalarawang ginawa kay Bino--kung paanong nakakatulog siya sa pagod sa pagpapaypay sa sarili, kung paanong babangon siya ng tahimik at uupo sa tumba-tumba, kung paanong iniintay niya ang unang ulan ng Mayo kahit Hunyo na dahil desperado siyang "gumaling" sa kaniyang pagiging matanda--makikita natin na parang walang naging katuturan ang kanyang buhay. Ang kanyang kagustuhan na maligo sa unang ulan ng Mayo ay indikasyon ng desperadong pagtatangkang mabuhay pa ng mas matagal, dahil alam niyang sinayang niya lang ang maraming taon ng buhay niya sa loob ng kanyang bahay, sa piling ng kanyang tumba-tumba.

Lalo akong nalumbay nang ikumpara ni Yapan ang pagligo nina Boboy at ng mga bata sa kalye, na nasa "morning" pa ng kanilang mga buhay, sa pagpapaligo ni Bino sa kanyang mga kulubot na kamay sa Agua de Mayo.

Nagkaroon din ng paghahambing sa tahimik na pagpanaw ni Bino sa pagputok ng Bulkang Mayon noong Hunyo 30, 1981. Ipinakita lang nito na talagang napaglipasan na si Bino ng panahon, at na mayroon pang mas mahahalagang bagay na nangyari sa Sagrada kaysa sa kanyang pagkamatay.

Samantala, nagkaroon naman ng biglaang pagpapalit ng paksa ang nobela sa ika-16 na Kabanata. Sa Kabanatang ito, nagkaroon ng malaking irony sa mga pangyayari sa buwan ng Pebrero. Ang buwan ng Pebrero ang buwan ng mga puso. Ito ang buwan ng pag-ibig, kung saan matatagpuan si kupido hawak ang kanyang pana. Buwan din daw ito ng kulay pula--pulang mga puso, pulang rosas, etc. Pero sa Kabanata 16, ang buwan ng Pebrero ay naging buwan ng kakaibang pula--pulang dugo, pulang digmaan, etc.

Sa buwan na ito, naganap ang halalan sa pagitan ni Ferdinand Marcos at ni Cory Aquino. Sa bahaging ito ng nobela ipinakita ang kalagayan ng politika sa Pilipinas. Ang mga kaganapan sa botohan sa Mababang Paaralan ng Sagrada ay nagpakita ng kung ano ang mga karaniwang nangyayari tuwing panahon ng eleksyon dito. Una, ipinakita ang pagkakagulo ng mga aso at pusa. Ang mga aso at pusa ay sumisimbulo sa mga kandidatong naglalaban tuwing halalan. Ang kakaibang kilos ng mga ito ay replektibo sa kilos ng mga politiko. Sinabi rito na nag-gagayahan daw ang aso at pusa sa pagtahol at pagngiyaw. Binanggit din na pilit nilang pinapakita na kaya nilang gawin ang ginagawa ng bawat isa. Halimbawa ay ang pagligo ng mga pusa sa tubig, at ang pagdila naman ng mga aso sa kanilang balat. Hindi ba't ganoon din naman ang mga politiko? Pilit nilang dinadaig ang isa't isa, nakikipagkumetensya para sa atensyon at pabor ng mga tao. Nabanggit din ang pagdudumi ng mga pusa at aso. Ang mga aso raw, sa halip na dumumi sa kalsada tulad ng kinagawian nila, naghuhukay na raw sila sa lupa at ibinabaon doon ang kanilang dumi. Ngunit wala rin daw itong silbi dahil huhukayin din ng mga pusa ang mga ito, at sa paghihiganti ng mga aso, ang dumi ng pusa ay mahuhukay rin. "Naghalo sa hangin ang amoy ng tae ng mga pusa at aso." Ganyan ang eleksyon sa Pilipinas. Ang kanya kanyang baho at dumi ng mga kandidato ay nabubunyag ng isa't isa. Paninira. Kung sino ang mas magaling manira, siya ang panalo.

Samantala, ipinakita rin ang iba pang indikasyon ng dirty politics sa bansa. Ang mga kaluluwang bumoboto ng paulit ulit ay maihahambing sa mga taong bumoboto sa pangalan ng mga patay na, upang makarami sa pagboto. Ang mga manananggal naman ay maihahalintulad sa mga "flying voters" na lumilipat lipat ng lugar upang maging higit sa isa ang mga boto.

Ang buong Kabanata 16 ay nagpinta ng larawan ng tipikal na eleksyon sa Pilipinas. Marumi. Madaya. Sakim. Sugapa.

Kanya-kanyang gimik lang. Kahit ano, gawin mo na. Buhayin man ang mga patay. Siguraduhin mo lang na panalo ka.

-Trixie Conlu

1 comment:

  1. Sa palagay ko, kung may blog na makakatanggap ng 10 maliban dun sa post dati ni Dorcas, ito yun :)

    Talo na ako sa habaan ng blog...di nga lang mahaba, makabuluhan pa ang nilalaman XD

    Deserving ang blog na ito ng magandang comment...

    -Nick

    ReplyDelete