Saturday, September 12, 2009

Kabanata 17 at 18

Madalas ikwento sa akin ng aking mga magulang kung paano sila sumali sa EDSA revolution noong mag-nobyo pa lamang sila. Parehas silang mga estudyante pa noon, at sabay nilang dinayo ang Camp Crame upang makiisa sa sambayanang Pilipinong nagnanais patalsikin ang diktador na si Marcos. Tuwing isinasalaysay ni Mama ang kuwentong iyan, laging may tono ng dangal at pagmamalaki sa kanyang boses. Hindi siya ang tipo ng tao na sumasali sa mga rally, hindi niya masyadong isinasangkot ang sarili niya sa mga national issues. Ngunit noong panahon daw na iyon, ramdam na ramdam niya ang maigting na pangangailangang sumali sa rebolusyong iyon. Hindi niya alam kung iyon ang ikamamatay niya, kung ano ang mga mangyayari sa kanila doon, pero buong loob siyang sumama kay Papa at sa mga iba pa nilang kaklase sa Camp Crame.

Ngayon na iniisip ko, mayroon naman talagang maipagmamayabang ang bawat Pilipinong dumalo sa makasaysayang EDSA revolution. Ang totoo, medyo nakakainggit nga ang mga taong nakadalo roon. Masasabi nilang may nagawa sila para sa bayan, dahil matagumpay nilang napatalsik ang isang diktador sa pamamagitan ng kanilang tibay ng loob at pagkakaisa. Kung sakaling nabuhay ako sa panahong iyon, sa tingin ko'y didibdibin ko rin ang pagsali sa rebolusyon, tulad ng mga taong inilarawan ni Nene sa Kabanata 17. Nakakapanghinayang nga lang isipin na si Nene, na nasa gitna na ng lahat ng mga mahahalagang pangyayari na bubuo sa kasaysayan ng Pilipinas, ay hindi man lang nakapagbigay-halaga sa mga nangyayari sa paligid niya.

Marahil ganito lang talaga ang buhay ng tao? Pasikot sikot tayo sa mga bago at di pamilyar na mga sitwasyon (tulad ng pasikot sikot ni Nene sa mga kalye ng Maynila), pilit na hinahanap ang isang bagay (ang imahen ng Birhen, kay Nene) na tingin natin ay makakapagpasaya sa atin. Sa dulo, maaaring hindi rin natin ito matagpuan, at mabalot tayo sa kadilimang bumalot kay Nene nang hindi niya makita ang Ina. Sa halip na lasapin ang mga magagandang nangyayari sa atin sa kasalukuyan, ngayon mismo, lagi tayong naghihintay na may magandang mangyari sa atin. Darating ang panahon na hahantong tayo sa ating mga "higanteng museleo" na parang walang nangyari.

**

Ang Kabanata 18 para sa akin, ang isa sa pinakadramatiko at nakagugulat na kabanata sa nobela. Dito, nabunyag na rin sa wakas ang lihim nina Selya at Bino na alam din ni Esteban. Hindi ko alam kung tama ang naging reaksyon ko, pero nainis ako kay Esteban sa kabanatang ito. Binanggit niya na nakita niyang nakita niya ang pang-gagahasang ginawa ng mga Hapon kay Selya at ang ang pang-aabusong ginawa nila sa pamilyang Nueva at sa mga kapwa gerilya ni Bino. Ngunit ano ang ginawa niya? Pinabayaan niya lang na mangyari ito, at tumakas siya para mailigtas ang buhay niya. Oo, marahil ay makasariling hingin sa isang tao na ilagay sa alanganin ang kanyang buhay para matulungan ka, pero paano mo naman matitiis na hindi tulungan ang isang taong minamahal mo, sa gitna ng isang life-or-death na sitwasyon? Naging duwag si Esteban sa pagkakataong ito, at hindi ko masisi si Boboy na halos maloko na sa mga impormasyong nakalap niya sa kuwento ni Esteban.

Sa bahaging ito rin ng nobela, nailahad kung paano nabuksan ang "third eye" ni Esteban. Isang napakadramatikong eksena ang pangyayaring ito. Ikinuwento niya na nang barilin siya sa noo ng isang Hapon na nakakita sa kanya, dumaplis lang daw ang bala at nag-iwan ng isang sugat na nagbukas sa kanyang mga mata sa mundo ng mga kaluluwa. Ito ang "sandali ng mga mata" ni Esteban. Ang sandali na magiging puno't dulo ng buong nobela. Ang sandaling nagpasimula sa buong kuwento. Ang sandaling nagbigay sa kanya ng kakayahang makita si Estela, at ng kapangyarihang mapagaling si Boboy. Ito ang pinakamahalagang sandali sa buong kuwento ni Yapan.

-Trixie Conlu

No comments:

Post a Comment