Sunday, August 2, 2009

Kabanata 5 at 6: Tungkol sa Pag-uudyok at sa Pagtatapat

Masasabing ang ikalima at ika-anim na kabanata ng akdang Ang Sandali ng mga Mata ay mga kabanatang ekspositori, o mga kabanatang nagbibigay ng mahahalagang impormasyon tungkol sa kuwento.

Maikli lamang ang ikalimang kabanata, Ang Alamat ng Mirasol, kaya hindi ako napagod sa pagbabasa nito, ‘di kagaya ng ibang mga kabanata na sobrang haba at punong-puno ng mga mahahalagang pangyayari at mga mensahe ni Alvin B. Yapan na walang kinalaman sa kuwento (tulad ng pagkukuwento ni Esteban tungkol sa mga pinapanood niya sa telebisyon). Medyo nagulat nga ako sa pagiging maikli ng kabanatang ito, sapagkat kahit mga 7 pahina lamang siya, marami pa rin akong natuklasan tungkol sa kuwento at tungkol sa mga tauhan.

Tungkol naman sa ika-anim na kabanata, Estela Maris, Estela Luna, nagbago ang pananaw o point of view ng kuwento mula kay Esteban. Sa kabanatang ito, si Miguel o Boboy ang naging tagapagsalaysay ng kuwento ng kanyang pagkilala at panligaw kay Estela. Nakaitaliko ang kabanata. Sa palagay ko nagpapahiwatig ito na parang pumasok ang mga mambabasa sa utak ni Boboy at nakita natin ang kanyang mga ala-ala at ang kanyang mga iniisip. Iba ito sa paraan ng pagsalaysay ng kuwento ni Esteban. Si Esteban ay nagsusulat ng kuwento sa papel, ngunit nag-iisip lamang si Boboy. Kung gayon, walang malay si Esteban sa mga pagkukuwento ni Boboy, kahit siya ang pangunahing persona sa akda.

Alam na nating lahat kung ano ang naganap sa dalawang kabanata, kaya hindi ko na lang ibubuod ang pareho ng buo. May ilang mahahalagang pangyayari na gusto kong pag-usapan.

*************

Sa simula ng Kabanata 5, ipinagpalagay ni Boboy kay Esteban na si Selya ang may kasalanan sa lahat ng kinasasangkutan ng pamilyang Nueva. Siya ang dahilan kung bakit umalis si Nene sa Sagrada. Isa siyang masamang ina, ayon kay Boboy. Dahil sa mga masakit na salitang isinumpa ni Boboy sa kanyang lola, ikinuwento ni Esteban sa binata ang nakaraan ni Selya, at ang mga pangyayaring naganap habang siya’y nagtrabaho bilang katulong ng mga Nueva bago sumapit ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Kung tutuusin, may katotohanan naman ang mga sinabi ni Boboy. Naalala ko tuloy ang ikalawang kabanata, kung saan pinagawayan nina Selya at Nene si Mr. Edwards (naging masaya pa si Selya noong hindi na bumalik ang Amerikano), at saka ang kabanatang Sa Pagdagsa ng mga Prutas, kung saan pinabayaan niya sina Bino at Agatha na palakihin si Nene. Sa palagay ko, ang hindi pagpapahalaga sa kanyang responsibilidad bilang ina kay Nene ay ang pinakamasama niyang pag-uugali, higit pa sa kanyang pagbastos sa Bombay at sa tangkang pag-aagaw kay Mr. Edwards.

Kung gayon, hindi ba tama si Boboy sa kanyang pagiging galit kay Selya? Marahil. Totoo na minaltrato niya si Nene. Gayon man, gusto ko sanang ipagpanukala na hindi kasalanan ni Selya ang lahat, sapagkat ang pag-uugali niya ay bunga lamang ng kanyang mga naranasan noong dalaga pa siya. Siyempre naman, responsable ang mga tao sa kanilang mga ginagawa, ngunit dapat intindihin natin na ang mga mapapait na karanasan ay minsang nag-uudyok sa atin na magbago, o na gumawa ng mga bagay na hindi kanais-nais.

Si Selya ay halatang nagbago matapos ang handaan sa mansiyon kung saan nakilala niya si Mr. Smith. Ayaw-na-ayaw niyang tumanda bilang katulong lamang, at napuno siya ng pag-asang umangat sa buhay nang nagkakilala ang dalawa. Nawala ito nang umalis si Mr. Smith, at nang kinuha ng Donya ang abanikong naging regalo galing sa Amerikano. Kahit naging sila ni Bino matapos “ligtasin” siya ng tagapagmana ng Hacienda Nuevo sa ilog, hindi ko masabi na minahal talaga ni Selya si Bino. Patunay ang sinabi ni Selya kay Esteban: “kailangan kong sabihin na mahal ko si Bino.” bago pinutol ng dalaga ang kanyang pagkakaibigan sa arbularyo. Parang madali na lang idugtong sa dulo nito “at hindi ang kanyang pera”. Ito ba ang nabanggit na lihim sa pagitan ng dalawa? Na hindi tunay ang kanilang pagmamahal sa isa’t isa? O kaya tungkol ito sa pagsisinungaling nila sa mga magulang ni Bino? Hindi muna natin malalaman ang totoo.

Hindi ako nagulat noong ipinagtapat ni Esteban ang kanyang gusto kay Selya. Naalala ko ang unang dalawang kabanata kung saan nabanggit na nahihiya siya sa arbularyo. Nilungkot ako ng kaunti noong pinagtawanan lamang ni Esteban ang mga pangyayari sa pagitan ng kanilang dalawa ni Selya. Sana naman, kapag tumanda ako gaya ni Esteban, hindi ko mamaliitin o kaya pagtatawanan ang mga ginugunita ko tungkol sa nakaraan, partikular ang mga pangyayari tungkol sa pagmamahal. Nabasa ko ang isang kasabihan ni Aristotle: “youth is easily deceived because it is quick to hope”. Kahit totoo ito, dapat lang ay pahahalagahan natin ang ating kabataan, dahil madali itong mawawala. Tignan natin sina Selya at Esteban.

*************

Binasa ko ang ika-anim na kabanata habang papunta kami sa handaan para sa mga kapamilya kong balikbayan. Habang kumakain kami doon, may isang bisita na tumutugtog sa piano. Matanda na siya. Ayon sa ama ko, isa siyang sikat na jazz pianist sa Pilipinas, at naging kasama sa pagtugtog ni Bobby Enriquez, isa sa mga tinaguriang tanyag na musikero dati. Tumugtog ang piyanista sa handaan ng maraming mga klasikong love songs na Pilipino, tulad ng Kahit Isang Saglit. Hindi ako mahilig sa mga OPM, ngunit napakinig ako sa mga kanta noon gabing iyon. Natanto ko noon kung gaano kalalim ang kahulugan ng mga kanta, at kung gaano kalakas ang mensaheng inilalahad ng mga ito. Naisip ko na sobrang nababagay ang wikang Pilipino sa mga usapan tungkol sa pag-ibig, higit pa ata sa Ingles. Tumatapat nga ata ito sa wikang Prances, na kung minsan ay tinatawagang language of love.

Baka tatanungin sa sarili ang mga mambabasa ng blog na ito, bakit ko ito ikinukuwento? May kaugnayan kasi ito sa mga naramdaman ko noong binasa ko ang ika-anim na kabanata. Sa pagababasa ko tungkol sa panliligaw ng binata sa dalaga, nakuha ko nang lubusan kung gaano kamahal ni Boboy si Estela. Sa pakikinig ko sa pagtugtog ng Kahit Isang Saglit, nakuha ko nang lubusan kung gaano kamahal ni Martin Nievera si Pops Fernandez nung isinulat niya ito. Muntikan na atang tinawagan ko ang aking crush at ipinagtapat ko na ang lahat sa kanya. Sa awa ng Diyos hindi ko tinuloy ang mga balak ko. :)

Ano ang masasabi ko tungkol sa kabanata mismo? Naawa ako kay Boboy. Pinagtaksilan siya ng kanyang Estela Maris, Estela Luna. Matapos ng lahat na dinaanang pagsusubok ng dalawa. Sayang. Mabuti kung hindi nalang tayo nagmamahal.






Biro lang.



Hanggang sa susunod,
Nicholas Price.




No comments:

Post a Comment