Saturday, August 29, 2009

Kabanata 13 at 14

Naniniwala ako sa milagro. Naniniwala akong nakakatulong ang matinding dasal at pananalig sa Diyos upang malampasan ng tao ang pagsubok sa buhay. Bagamat malaki ang tiwala ko sa Kaniya, hindi naman ako naniniwala na ang solusyon sa lahat ng problema sa buhay ay madadaan lang sa dasal. Kailangan din maghanap ng paraan ang tao upang malampasan ang mga pagsubok niya.

Sa Kabanata 13 ipinakita ang pagsisikap ni Nene na madala si Boboy sa simbahan, sa imahen ng Mahal na Birhen, upang mapagaling ito sa kanyang lagnat. Ginawa ito ni Nene dahil ito ang pinaniniwalaan niyang pinakamagandang lunas sa pagkakasakit ni Boboy, at sa kabanatang ito, makikita ang lubos na pagmamahal na tanging ang isang ina lang ang makapagbibigay sa kanyang anak. Napakatingkad ng mga imaheng ginamit ni Yapan sa kabanatang ito, at nailarawan si Nene na parang isang isda na lumalangoy laban sa daloy ng isang ilog. Sinuong niya ang dami ng tao sa pista ng Peñafrancia at nilampasan ang lahat ng hadlang para makarating sa Katedral.

Sa mahabang paglalakbay ni Nene sa masisikip na daanan at siksikan ng tao, naipinta rin ni Yapan ang isang malinaw na larawan ng tipikal na pagpapalaki ng mga magulang sa kanilang anak. Sa pista, ang mga anak-mayaman ay nakabibili ng mga lobo na naipagmamayabang nila sa mga batang mahihirap. Ang mga nasa middle class naman, o ang mga may kaya ay napapabutasan ng mga tainga at nabibilhan ng mga hikaw. Samantala, ang mga batang ipinanganak sa hirap ay napapagalitan lang dahil sa pangungulit at pagpapabili ng ice cream o cotton candy. Sa kasalukuyang panahon, makikita pa rin ang ganitong mga pagkakaiba sa pagitan ng bawat antas ng lipunan.

Sa paglalakbay rin ni Nene, nakita niya ang mga dalagang majorette na kumekendeng sa tugtugin ng banda. Naipakita rin dito kung paano tratuhin ng ibang kalalakihan ang katawan ng mga babae. Nakalulungkot man sabihin, pero sa kasalukuyang panahon, ganito pa rin ang nangyayari sa mga kababaihan.

Bagamat napakahirap na ng pinagdaanan ni Nene upang makarating sa Katedral ng Naga, sinunod pa rin niya ang payo ng matandang babae na paliguan si Boboy sa ilog sa araw na idadaan ang pagoda ng Birhen. Muli, ipinakita ang determinasyon ni Nene na mapagaling si Boboy sa pakikipagsiksikan niya sa ilog. Kakaiba talaga magmahal ang isang ina. Sa dulo, nang hindi gumana ang pagpapaligo ni Nene kay Boboy, dinala ni Mr. Edwards ang mag-ina sa ospital. Sana'y nung umpisa pa lang ay naisip nang gawin ni Nene ito, dahil ito naman talaga ang pinaka-nararapat gawin, bukod sa pagdadasal na gumaling na si Boboy.

Marahil ang milagrong naganap sa kabanatang ito ay hindi ang pagpapagaling ng imahen ng Birhen kay Boboy, kundi ang pagpapakita ni Nene ng dakilang pagmamahal sa anak niya, sa kabila ng masasaklap niyang karanasan bilang halos inabandunang anak nina Bino at Selya.

Ang Kabanata 14 naman ay tumalakay sa bagyo, na sa tingin ko'y sumisimbulo sa mga pagsubok sa buhay. Nasabi ko ito dahil sa unang bahagi ng kabanata, nabanggit na ang tanging nagagawa lang daw ng PAG-ASA ay bigyan ng pangalan ang mga ito dahil hindi rin nila talaga malamn kung saan ito pupunta, at kung ano ba talaga ang laki nito. Tulad ito ng mga problema sa buhay--hindi natin alam kung kailan darating, o kung gaano kalaki ang magiging epekto sa atin. Ang alam lang natin ay nariyan ito, at ang tanging magagawa lang natin ay ihanda ang ating sarili para dito.

Uminog ang buong kabanata sa kung paano hinaharap ng mga tao sa Sagrada, lalo na ang mga Nueva, ang mga "bagyo" ng buhay. Pinakita rito na kahit ang bahay na bato ng mga Nueva, ang matibay na bahay na bato nila, ay natitinag din ng malakas na bagyong tulad ni Sining. Bagamat nagdulot ng maraming kapinsalaan ang bagyo sa mga bahay ng mga taga-Sagrada, nagkaroon din naman ito ng magandang epekto sapagkat lahat ng mga prutas na dapat anihin ay inani na ng bagyo para sa kanila. Sa kalaunan nga lang, naging problema rin para sa mga Nueva ang bagyo dahil nasira ang kanilang mga pananim. Namroblema tuloy si Lope, na siyang namamahala dito.

Pagkatapos ng bagyo, nagkaroon ng mga pagbago sa pagtatanim kasabay ng pagbabago ng panahon. Nauso ang fertilizer at pesticides, pati ang Hawaiian frog at golden snail. Sa dulo, ang lahat ng ito ay tila walang kwenta rin, dahil sa halip na makatulong sa pagpaparami ng ani, nagdulot pa ng pinsala ang mga ito. Mapapaisip ka tuloy kung bakit ang hilig magpauso ng mga tao ng mga bagay na mas nakakapagpa-komplikado lang ng mga bagay bagay. Mabuti sana kung sigurado sila na ang mga bagay na ito ay talagang makatutulong sa kasalukuyang mga gawain, kung mapapadali ba talaga ang mga ito. Ngunit hindi naman nila alam kung talaga bang epektibo ang Hawaiian frogs at golden snails. Naging pests pa tuloy ang mga ito sa bandang dulo.

Sa dulo ng kabanata, nagbigay ng palaisipan si Lope. Tinanong niya kung ano ang mas mabuti, "isang bahay na nakikipagbuno sa bagyo ngunit nananatili at tumatanda? O isang bahay bang nakikipagtanan sa bagyo ngunit nananatiling bata?" Sa tingin ko, ang ibig sabihin lang nito ay mas mabuti bang manatili kang tradisyunal at maniwala sa mga lumang nakagawian na, kahit malipasan ka ng panahon, o mas mabuti bang makisama ka sa pagbabago ng panahon nang hindi ka nito maiwanan. Para sa akin, mabuti ang pangalawa--ang makisama sa pagbabago ng panahon, pero dapat ay alam mo na ang mga pagbabagong tatanggapin mo ay makabubuti para sa iyo.

-Trixie Conlu


No comments:

Post a Comment