Sunday, August 16, 2009

Kabanata 9 at 10

Ang ika-siyam na kabanata, Mga Alitaptap na Nahuli ng Hamog, ay nagpapakita ng pag-andar na kwento mula sa panahon ng Amerikano patungo sa panahon ng Hapon. Nagsasalaysay ito ng pagkatuto ni Esteban na magrebelde laban sa mga Hapon na sumakop na sa Pilipinas. Makikita sa kabanata ang katusuhan ni Esteban, tulad ng pag-iimbak niya ng kanyang mga ani sa ilalim ng lupa sa gitna ng sagingan. Natuto siyang dumiskarte upang mabuhay sa gitna ng pagmamalupit at pagmamalabis ng mga Hapon. Ngunit, sa likod ng pagmamalabis ng mga Hapon, naging maganda ang pakikitungo ni Esteban sa kanila; hindi siya nanlaban tuwing kukunin ng mga Hapon ang imbak niyang mga pagkain sa kanyang munting kubo sa puso ng kagubatan. Ikinubli na lamang niya ang galit sa kanyang sarili dahil alam niyang wala siyang magagawa kahit na manlaban siya sa mga ito.

Isang bunga nito ay ang pagsapi niya sa mga gerilya upang tumulong sa paglaban sa mga Hapon. Dito, natuto siyang mabuhay sa gitna ng kagubatan na walang permanenteng pinagkukunan ng pagkain at inumin. Natutong siyang maging maparaan para maipagpatuloy ang sa ipinaglalaban. Sa kanilang isang pakikipaglaban sa mga Hapon, lumabas ang pagiging mabuting lider ni Esteban kahit na siya ay baguha at kaunti pa lamang ang alam tungkol sa mga bagay-bagay sa pakikipagdigmaan. Kaya, ginawa siyang isang lider ng isang grupo ng mga gerilya. Naging matagumpay ang halos lahat ng kanilang mga ambush.

Nakaranas din siya ng mga paghihirap sa pakikipaglaban gaya ng muntikang pagkamatay dahil sa sunog na ang kanyang grupo at mga Hapon ang gumawa. Nakaligtas siya dito dahil manipis lamang pala ang apoy na pumapaligid sa kanila. Napagtanto niya pagkatapos makaligtas na “...tama na sa kanya ang pakikipag laban. Maaari pa naman siguro itong maiwasan. Manipis lamang pala ang apoy na pumipilit sa aming pagbabarilan.“

Bago matapos ang kabanata, nagbukas ito ng bagong isyu, ang Cha-cha. Dinadala ni Yapan ang mga mambabasa sa kasalukuyang panahon; binubuksan niya marahil ang mga mata ng mga mambabasa sa mga pagkakahawig ng mga nangyari noon sa kasalukuyang mga pangyayari. Sa aking palagay, nais niyang ihalintulad ang paglaban ng prinsipyo ng mga gerilya noong panahon ng Hapon sa mga tao na nagrarally laban sa Cha-cha ngayon.

Sa ika-sampung kabanata, nagpakilala si Yapan ng bagong karakter, si Chua. Maihahambing si Chua kay Nene. Pareho silang nagdala ng pagbabago at pag-unlad sa Sagrada sa pamamagitan ng kanilang mga negosyo. Marahil ay nakuha ni Nene ang pagiging natural na negosyante ni Chua noong siya ay ligawan nito.

Nabanggit din ang tungkol sa pamilya ni Boboy – ang kanyang ama at kung paano siya ipinanganak at lumaki. Ipinanganak si Boboy sa gitna ng ulan ng mga bala kaya naman inilayo siya sa baril o bala ng kanyang mga magulang dahil ayaw nila itong matututong humawak ng baril. Hindi pa man naipapanganak ni Nene si Boboy, mahal na mahal na siya na kanyang mga magulang. Nagawa pang magsinungaling nina Benjamin at Nene para lamang kay Boboy.

Para sa akin, naging maganda naman ang pagpapalaki nina Nene at Benjamin kay Boboy kahit na hindi madala na nakakasama ni Boboy ng kanyang ama. Nagagawa naming madalaw ni Benjamin ang kanyang pamilya sa kabila ng pagtuloy niya ng tungkulin sa grupo ng gerilyang kanyang pinamumunuan. Naging patas si Benjamin sa pagtingin sa kanyang grupo at sa kanyang pamilya. Hindi niya parehas iniwan ang dalawa dahil alam niyang malaki ang utang niya sa bawat isa.

- Michael Endozo

No comments:

Post a Comment