Sunday, August 23, 2009

Kabanata 9-10: Tungkol sa Pagtatampo at sa Social Commentary

Napansin ko na medyo umaagos ang kuwento palayo sa mga supernatural na pangyayari, tulad ng pagkita sa mga aswang at kaluluwa. Tumutungo na ito sa paglalarawan sa mga tao. Mga taong nagmamahal at nagtatampo. Mga taong gumagawa ng mga bagay na di-katuwiran at alang-alang sa mga maling kadahilanan.

Punong-puno yata ang Sagrada ng mga taong ganito. Nakita na natin sa nakaraang mga kabanata ang pagpapakamatay ni Estela (na hindi pa natin alam ang dahilan) at ang kasalan nina Selya at Bino na batay sa isang kasinungalingan.


*****

Sa ika-siyam na kabanata, Mga Alitaptap na Nahuli ng Hamog, si Esteban ay nakapagpasyang sumanib sa mga gerilya laban sa mga Hapon. Hindi dahil inabuso siya ng mga mananakop. Binigyan pa nga siya ng mga day passes at armband upang makilala siya ng ibang mga Hapon at para malaman nila na ang karpintero ay isang “Good Civilian”. Hindi naman upang maghiganti sa mga Hapon. Bakit naman? Buhay pa ang mga magulang ni Esteban at nakapagtago pa siya ng pagkain. Masasabing hindi naman naapekto nang lubusan ang kanyang buhay noong dumating ang mga Hapon. Sumali siya sa mga gerilya dahil galit siya kay Selya, si Selya na hindi nagpaalam sa kanya at nagpakasal kay Bino. Si Esteban noon ay gumawa ng mga bagay na di-katuwiran.

Malinaw na napatunayan noong bumisita si Esteban kay Selya bago sumali ito sa mga gerilya na may mga damdamin talaga si Selya para sa karpintero, at tinatago lamang niya ito upang manatili sa magandang kalagayan.

Nakatulong naman si Selya sa kanyang mga biyenan, ngunit sa hindi magandang mga paraan. Sa simula, hindi nadamay masyado ang mag-asawang Don at Donya Nueva sa pananakop ng mga Hapon, dulot ng kanyang pakikipaglandian sa mga Hapon. Nakuha pa itong ligawan ng isang opisyal kahit may asawa siya. Si Selya talaga. Ipinagtanggol ko nga siya sa nakaraang blog. Sa palagay ko kasi, hindi naman siya masamang tao. Naudyok lamang ng circumstance, ngunit lumalala na ang kanyang masamang asal. At least, nanatiling ligtas ang hacienda Nueva.

Inilarawan sa kabanatang ito ang mga pakikipagsapalaran ni Esteban bilang rebelde laban sa mga mananakop na Hapon. Naging kilala siya sa mga gerilya dahil sa matagumpay niyang pagsalakay sa isang trak ng armas habang nasa ilalim siya ni Rafael (na namatay) at marunong lang siyang gumamit ng Springfield. Binigyan siya ng sarili niyang pulutong at marami pa siyang nagawa para sa liberasyon ng Bikol. Ginawa niya ang lahat dahil lamang sa pagtatampo niya sa isang babae. Bata pa siya noon kaya siguo kumilos siya nang ganoon.

Mabuti nalang na napagtanto ni Esteban ang mga kamalian niya, ngunit pagkatapos lamang ng mahabang panahon (ilang taon?) ng pagpapatay sa mga Hapon at pagiging responsable sa di-mabilang mga nasawing buhay ng kanyang mga kasamang gerilya.

Nagsulat ito matapos ikuwento ang kanyang pagtakas sa mahigpit na hawak ng kamatayan: Manipis lang naman pala ang apoy na pumipilit sa aming magbarilan. Halata naman kung ang ipinaglalaban mo ay hindi ang inyong bayan kundi ang pagmamahal mo sa isang babae na hindi naman nararapat mahalin.

*****

Sa ikasampung kabanata, Ang Ulan ng mga Bala, inilarawan ang tauhang si Chua. Isa siyang Tsino na galing Maynila, ngunit hindi siguarado ang mga taga-Sagrado kung bakit siya naparoon o kung Chua ba talaga ang pangalan niya. Bago ito namatay sa timawang mga kamay ng mga miyembro ng NPA, siya’y naging responsable, kasama ni Nene, sa pagpapaunlad sa Sagrada. Nagsimula ang kanyang negosyo sa tabako hanggang sa yumaman siya ng yumaman dahil sa pagkaroon ng iba’t-ibang paninda. Hindi siya ginalaw ng mga Hapon dahil sa pagbenta niya ng sigarilyo. Niligawan pa niya si Nene ngunit tinanggihan siya. Si Chua, na pinatay ng mga NPA. Sa palagay ko, sumisimbolo si Chua sa lahat ng mga Tsinong nagpaunlad ng Pilipinas at ang naging kapalit ay ang masamang pagtingin galing sa mga Filipino.

Katulad ng sinulat ko tungkol sa Bombay na nakipag-away kay Selya sa bandang simula ng kuwento, gusto ko sanang itanong sa aking mambabasa: mahalaga ba si Chua sa kuwento? Wala naman siyang kinalaman sa misteryo na pumapaligid sa mga Nueva (maliban kung meron talaga). Isa na naman siyang karikatura ni Alvin B. Yapan sa kanyang social commentary na dumadaloy nang magkagapay (parallel) sa banghay ng nobela.

Maliban kay Chua, ang kuwento ng kabanatang ito ay tungkol sa pagkakakilala nina Nene at Benjamin at ang kanilang pakikisuyo habang gumagaling ang mga sugat ng taga-NPA matapos makipagengkuwentro ito sa mga CP. Nag-ibigan sila kahit magaling na si Benjamin at, gaya ng pagiging protektado ang hacienda Nuvea sa mga Hapon dahil kay Selya, hindi sila ginalaw ng mga NPA. Pinanganak si Boboy sa ilalim ng ulan ng mga bala at umalis si Benjamin.

Nagulat ako nang basahin ang bahagi kung saan ipinakita ni Lope kay Boboy ang baril. Hindi ba nag-iisip si Lope? O baka lang akala ng katiwala ni Bino na hindi mali ito. Hindi ko masabi. Basta, nagulat ako.

Matapos basahin ang buong kabanata, napaluha ako. Hindi nga pala alam ni Nene ang apelyido ng kanyang asawa. Oo, asawa, kahit hindi pa sila kasal. Napaslang na NPA sa isa na namang enkuwentro” Mabuti nalang na hindi naintindihan ni Boboy, na nasa murang edad, ang pagdalamhati ni Nene noon. Hindi na siya nagnais ng ama.

Isa na naming enkuwentro. Kung sa kabanata 9 ang lumalaban ay ang mga Filipino at mga Hapon, ngayon kapuwa Filipino ay nagpapatayan. Nakakalungkot nga. Hindi nagtatapos ang giyera.


Hanggang sa susunod,
Nicholas Price.




No comments:

Post a Comment